Thursday, March 18, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: Bakit Ganito?

Naramdaman mo na ba minsan na okay naman ang lahat sa trabaho mo- maayos, malaki ang kinikita mo, tahimik ang buhay mo dahil walang masyadong pulitika, at sanay na sanay ka na sa takbo ng sistema - kaya lang parang may kulang. Yan ang naramdaman ko ngayon.

Hindi ko alam kung masyado na kasi akong atat umuwi kaya ganyan ang nararamdaman ko. Parang sa isang iglap, hinahanap ko ang buhay sa Pilipinas - yung maingay, puno ng aksiyon at pagsubok. Homesickness ba ito? Possible.

Sa totoo lang, wala na akong mahihiling sa trabaho ko. Maayos ang lahat. Suportado pa ako ng opisina sa Masters ko. Itinaas pa ang sahod ko. Pero bakit ganon. Parang may kulang. Siguro nga kasi routinary na ang lahat. At dahil masyadong simple ang buhay sa Brunei, hinahanap ko ang komplikasyon. Parang hinahanap ko yung challenge. Para tuloy akong lapis, napupurol. Awa ng Diyos, muli akong tumatalas dahil sa pagkuha ko ng Masters.

Normal lang siguro ang nararamdaman ko. Yung pakiramdam ng "teka, ayaw ko na" or kaya ay "parang nakakaumay na." Gayunpaman, masuwerte ako sa napakaraming bagay. Sana nga sa oras ng biglaang pagkalungkot, yon ang kumatok sa puso ko. Masyado na siguro kasi akong nagiging madrama. Talo ko pa ang emo sa kanto!

Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang, 2008 pa lang. Paalis pa lang ako ng Pilipinas. Bitbit ang maleta sa ariport, sinuong ko ang buhay OFW. Ngayon 2010. Sa loob ng dalawang taon, marami na ang nabago. Nagbago ang pananaw ko sa buhay. Nakaipon ako. At higit sa lahat, natuto akong tumayo sa sarili kong paa. Bonus pa ang pagbibigay ko ng saya sa Pamilya ko sa iba't ibang paraa.

Normal lang siguro ang makaramdam na minsan parang ayaw mo na. Na minsan iisipin mo, parang ang sarap lang matulog sa bahay habang ngumangata ng chichirya at nanunuod ng DVD. Pero hindi naman kasi ganon kasimple ang buhay. Kailangan talagang kumayod. Kailangan maghanda sa hamon ng hinaharap.

Sa palagay ko, ang nararamdaman ko na kakulangan ay dahil sa homesickness. Kung kasama ko lang ang pamilya ko, mas ganado siguro ako. Or siguro nga kung may love life, mas may kulay ang buhay. Pero yon lang ang ba dapat na maging solusyon para masabing okay na ako, ang pagkakaroon ng lovelife, ng others, ng special someone? Ang punto, sanay naman akong magisa. Sanayan lang siguro. Bumabangka sa buhay ng mag-isa.

Sa kabilang banda, siguro nga, masyado na akong naging komportable sa trabaho ko. Parang tipikal na. Parang wala ng challenge. Parang sumasakay ka sa rollercoaster ng hindi ka natetense. Patay. Kaya kaninang hapon, napapaisip talaga ako ng career change. Parang hindi na bumebenta sa akin ang trabahong nakaharap lang sa computer mula umaga hanggang hapon. Kung magpapalit man ako ng karera, mas pipiliin kong maging DJ sa radyo, Volunteer sa isang NGO, at higit sa lahat, isang Propesor ng Mass Media. Takam ako sa aspetong yan. Gutom ako sa konsepto ng interaction. Uhaw ako makipagbatuhan ng opinyon at idea sa mga taong handa ring magbahagi ng kahibangan. Dito, mahihibang ka dahil kabatuhan mo ng konsepto ang sarili mo.

Ngunit kung iisipin, kailangan maging praktikal. Dapat ko pa ngang ipagpasalamat ang kinatatayuan ko. Maraming Pilipino pa nga ang gugustuhing kunin ang upuang aking kinauupuan. Sa hirap ng buhay ngayon, kailangan maging praktikal. Puso or pera? Buhay o pera? Pera na lang ba ang dapat magpaikot sa buhay ng tao? Pera ba ang dugo ng katawan? Siguro nga kasi wala akong binubuhay kaya madaling magsalita ng ganito. Lagi ko tuloy naiisip ang sinasabi ng tatay ko. Anak, magipon ka habang bata at magtiyaga. Di naman ako nagkukulang sa aspetong yan. Positibo pa rin akong magbubunga ang pagtitiyagang ito. Hangga't niyayanig ng mga paalaala ng aking tatay ang aking tenga, susulong ako.

Bago mag-Marso, pumirma na ako ng extension letter ko sa Brunei. Muli akong magtatrabaho sa aking kompanya sa susunod na dalawang taon. Masaya naman ako. Nagtiwala muli ang kompanya sa aking kakayahan. Natuwa ako dahil mas makakaipon ako at makakapaghanda sa planong mangibang bansa pa. Naging positibo ako na makakatulong ako sa mga Pilipino sa Brunei dahil andito pa rin ako. Higit sa lahat, may ngiti sa aking mukha dahil makakapagsilbi pa ako sa simbahan.

Ganon nga lang siguro yon. Minsan may parte ng buhay natin na may hinahanap tayo, na parang may kakulangan. Pero kung tutuusin, kailangan lang maging pokus sa ating mga biyaya. Wala naman talaga sigurong kulang, nagiilusyon lang tayo. Ngunit, hindi natin maaaring dayain ang ating nararamdaman. Tao tayo at hindi makina. Nilikha tayong may puso para magmahal at may isip upang magdesisyon.

Lilipas din ito. Isang matinding hinga lang, bukas nakasisiguro akong sisikat muli ang araw. Ganon na nga ang siklo ng buhay.

Bakit ganito? DAHIL GANITO pero maari ko naman sabihing DAPAT GANITO kung gugustuhin kong magbago.

No comments:

Post a Comment

ShareThis