Wednesday, March 17, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: Diskriminasyon

Hindi ko mapapalampas ang nararamdaman ko. For the past weeks kasi, nagiging usapin namin ng aking close buddy na si Cecil ang usapin ng diskriminasyon. Oo. Yung diskriminasyon ng ibang lahi lalo sa ating mga Pilipino.

Iba ibang lebel ang diskriminasyon na dinaranas ng mga Pilipino. At ito ay makikita sa iba't ibang sitwasyong kinabibilangan at lahing nakakasalamuha.

Two weeks ago, isang shout out ang nabasa ko sa Facebook ng aking dating kaklase nung highschool. Sa aking pagkakaalam, isa siyang guro. Base sa kanyang shout out, narinig niya na may mga "puting guro" na nagsabing hindi dapat pagkatiwalaan ang mga Asian sa pagtuturo ng ibang subjects. Bagamat nainis siya sa narinig, wala rin siyang nagawa kundi ilabas ang galit sa social networking at humingi ng simpatya mula sa mga kaibigan.

Sa opisina lang namin, kahit pagkakamali ng local, Filipino ang laging dinuduro. Laging Filipino ang nakikita sa oras ng kaguluhan. Minsan iisipin mo, ang mga Filipino ay itinuturing na mga salimpusa sa kabila ng katotohanang ang mga Filipino ang bumubuhay o nagpapasok ng malaking kita sa kompanya.

Maging sa mga presentasyon sa kliyente, ramdam mo ang panghuhusga. Kaninang hapon lang, isa sa mga kaopisina ko na Filipina ang tinanong pa ng isang Malay kung siya ay Filipina. Kitang kita sa mukha ng Malay ang paghuhusga.

Sa kabilang banda, mayroon din akong narinig na may mga kaopisina kami na may ibang pagtrato sa kanilang mga "amah" o katulong na Filipina. Nakakaawa lang dahil karamihan sa mga Filipina ay hindi tatas sa ingles kung kaya't kung kanilang sitahin ay parang mga asong itinataboy.

Nabanggit din ni Cecil ang karanasan ng kanyang kaibigan sa Dubai na dumaranas din ng diskriminasyon. Andyan ang pagbabalewala sa iyong opinyon bilang propesyonal. Andyan ang pagturing sayo na parang hangin sa mga meeting. Andyan ang pagsisi sa iyo ng trabahong hindi mo naman mali . At minsan, hindi naibibigay ang karampatang promotion dahil sa ikaw ay Filipino. Nakakalungkot lang dahil ang diskriminasyon ay nagaganap sa iba't ibang antas ng lipunan mula sa mga waiter sa bar, katulong sa mga bahay hanggang sa mga propesyunal na gaya namin.

Sa mga ganitong usapin, makikita kung papaano tinitingnan ng ibang lahi ang mga Asian, partikular ang mga Pilipino. Unang nagiging ugat ng paghuhusga ay ang pagsipat sa kulay ng balat o tono ng pananalita. Dahil ba wala tayong accent?

Isang sakripisyo para sa mga Pilipino ang diskriminasyon. Hinuhusgahan agad tayo. Pinangungunahan sa kung ano pagkakamaling maaring magawa. Nakakalungkot.

Tila nagiging siklo na ang diskriminasyon sa mahabang kasaysayan ng Pilipinas sa pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Higit pang nakakalungkot isipin na walang nagagawa ang Pilipinas o ang mga batas upang protektahan ang karapatang pantao ng bawat isa. Sa huli, ang mga OFWs na gaya ko ay kumakain ng apoy. Sa kabila ng pagkakapaso, mas pinipiling magtiyaga upang matupad ang pangarap o makatulong sa pamilya.

Hanggang kailan kaya magpapatuloy ang diskriminasyon. Hanggang kailangan ang tunggalian ng kaliwa at kanan. Hanggang saan ang pagtatakda ng linya sa pagitan ng puti at itim. At ano ang maaaring ibunga ng generalization sa mga Pilipino bilang mababang lahi o mga indibidwal na kabilang sa Third World country.

No comments:

Post a Comment

ShareThis