Sunday, May 9, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: Mother's Day!

Halos apat na taon na rin palang wala si Mama. Halos apat na taon ko na ring hindi nagagamit ang salitang Mama. Sa nagdaang apat na taon, nagbago na ang aming buhay. Sa positibong paraan, kahit papaano nakaahon na sa lungkot.


Nakakamiss din talaga na minsan gamitin ang salitang Mama. Nagagamit lang ito sa piling okasyon at sa araw araw na dasal.


Kahit sabihing apat na taon na ang nakaraan, nakakapanghina lang, maagang kinuha ni Lord ang aming ina. Nung una, sariwa pa ang sugat, mapapatanong ka. Bakit siya. Bakit kami. Bakit. Pero habang lumilipas ang mga araw, buwan at taon, maiisip mo, may plano ang Diyos.


Ang pagkawala ni Mama ay ang pagkabuo lalo ng aming pamilya. Ang kanyang paglisan ay naging daan upang lalo kaming mapalapit sa Diyos. Ang kanyang biglang pagalis ay nagtulak sa amin na harapin ang buhay ng may lalong katatagan. Hanggang ngayon naman, nanatili siyang isang inspirasyon sa bawat isa.

Sa edad na 54, nawala na si Mama. Nakakagulat. Biglaan. Diabetic si Mama. Nastroke muna. After ilang days, ICU na. Tapos wala na. Tandang tanda ko pa ang tinig ng pagluluksa ng hindi lamang ng aming pamilya kundi ng mga taong malapit sa kanya.


Ganon pala yon. Matapos ang buhos ng luha. Matitigil ka. Hindi ka makapaniwala. Naguguluhan ka. Hanggang sa araw ng burol, libing at paguwi sa bahay ng wala na siya, lito ka. Proseso ang pagluluksa. Isang karanasang uubos ng iyong lakas.


Bata pa lang kami, laging sinasabi ni Mama. "It is better to give than to receive." Madalas din yan, sinasabi niya na ang tunay niyang kayamanan sa mundo ay ang kanyang mga kaibigan. Nung una, parang mahirap paniwalaan. Ngunit sa araw ng burol, pinatunayan ni Mama ang lahat ng yan. Sa dami ng kanyang kaibigan na dumating at mga taong nagsabi kung paano niya natulungan, naniwala ako!


Sa kabila ng lungkot, sa tulong ng mga kamaganak ng kaibigan, nakabangon ang aming pamilya.
Ngunit sadyang may mga gabing kailangan mong iiyak ang nararamdaman mo kasi isang napakahalagang tao ang nawala sa buhay mo. Isang taong nagluwal sa’yo sa mundo. Isang ina. Nanay mo.


Naiisip mo ba na sayang, andon sana siya sa kasal mo, sa birthday ng anak mo, sa mga espesyal na okasyon ng pamilyang bubuuin mo.

Habang isinusulat ko ito, nangingilid ang luha sa aking mga mata. May panghihinayang. Hindi na namin kasama si Mama sa mga kasiyahan at pagusad ng aming mga buhay. Sayang wala na siya. Wala na siya na kahit anong oras eh puede naming halikan o yakapin. Tanging dasal na lang. At minsan sa panaginip, madalas siyang dumalaw. Nagpapaalaala. Nagbibilin.

Minsan nga napaniginipan ko siya, sabi niya sa akin, sabihin ko raw kay kuya na proud na proud siya kay Kuya. Proud na proud siya at may asawa na at magkakaanak. Pagising ko.Naluha ako. Parang buhay si Mama. Sana nayakap ko man lang ulit siya. Nahalikan. Dasal na lang din.

Wala na sigurong mas sasakit pa sa mawalan ng isang ina. Para kasing comforter ang ating mga Nanay. Sila ang ating tissue paper pag umiiyak tayo sa mga problema natin. Sila ang best adviser kapag naguguluhan tayo. Yakap lang nila, tanggal na ang pagod natin. Sa kaso ko, namimiss ko yon. Namimiss ko yung mga pagkakataong tatabi ako kay Mama at kakakamustahin niya ako. Madalas pa yan maglambing. Kahit mga kapatid ko, nilalambing niya. Nakakamiss.

Nung ipinanganak ang anak ni Kuya, ang unang Apo, sigurado ako masayang masaya si Mama. Nakikita niya lang siguro. Pinapanuod ang kanyang Apo. Ramdam namin, andyan lang siya. Ramdan namin na di naman talaga siya nawala, nasa paligid lang siya. Siya ay nagmamasid, handa siyang tumulong.

Ang bilis bilis ng panahon. Parang kailangan lang, kasama namin si Mama sa mga lakad. Tuwing linggo, madalas kaming lumabas na pamilya para kumain sa labas. Parang kailan lang, lagi siyang may pasalubong sa amin tuwing galing trabaho. Parang kailan lang, madalas umiyak si Mama dahil sa surprise namin sa kanya tuwing birthday niya (patay ang ilaw at sabay bubukas at sasalubungin siya ng marurungis na anak habang buhat ang mga pagkain!). Parang kailan lang, sinusubuan niya kami ng kanyang specially marinated porkchop at sinangag. Parang kailan lang tumatakbo siya sa stage at tuwang tuwa sa mga achievements namin. Parang kailan lang. Sana man lang, pinahaba pa ni Lord ang buhay niya. Pero sino ba naman kami para baguhin ang itinakda ng tadhana.

Kaya ngayong Mother’s Day, higit pa sa I love you o thank you ang gusto kong iparating kay Mama. Siya ang inspirasyon namin. Siya at si Papa. Sila ang nagbigay buhay sa amin. Sila ang nagtanim sa isip namin na mahalin ang pamilya at ang Diyos. Maraming salamat!

Nagpapasalamat ako ng higit kay Papc. Simula ng mawala si Mama, siya na rin ang tumayang Mamc namin. Hindi siya kami pinabayaan. Ginagabayan. Tinutulungan. At higit sa lahat, minamahal ng sobra. Maraming Salamat Papc!


Happy Mother's Day Mamc! I love you! We miss you!


As I write this entry, I just want to share the big smiles my family had when they attended Daena's Swimming Birthday Party. I'm just happy that despite the challenges in our lives, our family has moved forward with happiness in their hearts. =)


This is Stacey, Kuya, Daena and Carlyn. Carlyn is the sister of Kuya's Wife Ate Charmaine. Daena is the daughter of Ate Charmaine's eldest sister.

Of course, kasama rin si Manang na halos seven years na sa amin!

This is my youngest brother Jeron with his girlfriend Stacey kasama sina Daena at Baby Gab, the unang apo of Mama!



Daena and Baby Gab, bonding!


My very cute na pamangkin na si Baby Gab! Cuuuute! I'm very sure tuwang tuwa si Mama kay Baby Gab. Pinapanuod lang niya at inaaliw.

Another goofy moments!


6 comments:

  1. Apes! Salamat sa pagbasa. Alam mo naman kaibigan mo, emosyonal! Thanks for always being there! =)

    ReplyDelete
  2. Hi, nice blog & good post. You have beautifully maintained it, you must try this website which really helps to increase your traffic. hope u have a wonderful day & awaiting for more new post. Keep Blogging!

    ReplyDelete
  3. Hi Lydia! Thanks for visiting my blog! =)

    ReplyDelete
  4. Nice blog and beautiful pictures.

    ReplyDelete
  5. Masmasika! Thank you very much for reading my blog!=)

    ReplyDelete

ShareThis