Wednesday, June 9, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: TOP 10 WISHES SA BAGONG ADMINISTRASYON


Wala akong balak tumakbo sa Pulitika. Gaya ng isang simpleng mamayan, gusto lang din namang makita ang Pilipinas na umasenso. Sa totoo lang, naniniwala ako sa laki ng potensyal ng Pilipinas na umunlad. Kung tutuusin, napakarami nating natural resources. Ang tanong nga lang ay kung paano at kailan tayo muling babangon? Nasa atin ang kasagutan.

Kahapon, isang bagong President ang naupo sa puwesto. Congratulations Pres. Noynoy! Ang buong Pilipinas ay nagdiwang at nakibahagi sa matagumpay at tahimik na eleksiyon.

Sa kasalukuyan, kumukuha ako ng kurso sa UP Open University. Tinatapos ko ang kurso kong Masters of Development Communication. Nakakatuwa dahil bahagi ng kurso ay hindi lamang ang pagaanalisa ng mass media at iba't ibang uri ng komunikasyon, kundi siyentipiko din ang lapit ng pagaaral. Sa kabuuan, layunin ng kurso na gamitin ang komunikasyon para lumikha ng pagbabago sa lipunan. Higit ding layunin nito na itaas ang buhay ng mga api o maralita.

Ngayong bago na ang President, naglista ako ng sampung (10) bagay na sana'y bigyan ng aksiyon ng bagong administrasyon. Ilan sa mga ito ay naibahagi ko sa aking mga kaklase sa UP.

1. EDUKASYON. Ang isang bansang binubuo ng mga taong walang sapat na kaalaman ay parang isang pagkaing katakamtakam ngunit walang lasa. Naniniwala ako na panahon na para maglaan ng malaking budget para sa edukasyon. Panahon na rin para bigyan ng sapat na sahod ang mga guro. Gayundin, dapat isulong ng pamahalaan ang pagsuporta at pagdebelop sa mga paaralan sa mga probinsya. Sa ganitong paraan, mababahaginan ng kaalaman ang ibang mga bata.

2. REPRODUCTIVE HEALTH. Siguro'y panahon na rin upang tutukan ng pamahalaan at ng iba pang mga ahensya ang paglobo ng populasyon ng Pilipinas. Kaugnay ng pagkakaron ng tamang kaalaman, ang pagsulong sa epektibong reproductive health ay matatagumpayan. Sana ay mas pondohan ng gobyerno ang pagtatayo ng mga klinik sa mga probinsya at iba pang lugar na mangangalaga sa kalagayan o pangangailangan ng bawat isa partikular ang kababaihan at mga bata. Kaugnay nito, magkaroon ng mga organisasyong tutugon sa layunin ng pagpapayaman ng kaalaman sa reproductive health.

3. TRABAHO. Aminin na natin, kailangan ng bawat isa ang kumita ng pera para mabuhay. Panahon na rin na mabigyan ng disenteng trabaho ang bawat Filipino. Paano? Itaguyod ng pamahalaan ang paglikha ng mga trabaho di lamang sa kabisera kundi lalo sa mga probinsya. Sa ganitong kaayusan, maiiwasan ang overcrowding sa Maynila. Bilang aksiyon, maaaring maglaan ng budget ang pamahalaan sa pagpapayaman ng mga lokal na produkto. Sa ganitong aspeto, hindi lamang tayo nagiging dependent sa pag-i-import ng mga produkto, kundi bawat isa ay may trabaho dahil sa pag-e-export. Kaugnay niyan, maaaring isulong ang turismo ng may higit na pangangalaga sa karapatang pantao.

4. AGRIKULTURA. Mayaman ang Pilipinas sa mga natural resources at yan ay dapat nating idebelop. Panahon na para bigyan ng pondo ng pamahalaan ang pagpapayaman ng agrikultural na kapasidad ng bansa mula sa teknikal na aspeto tungo sa lakas paggawa. Bilang pangunahing aksiyon, bakit hindi ibigay ang mga lupang sinasaka ng mga magsasaka sa kanila? Simulan natin sa Hacienda Luisita ang ganitong programa ng pagbabago.

5. CORRUPTION. Graft and Corruption ang pinakapangunahing ugat ng paglubog ng ating bansa mula sa aspetong ekonomikal, pulitikal hanggang kultural. Kung magiging mahigpit lamang ang ating mga batas na ikulong ang mga pulitikong mangungurakot, mas mapapakinabangan ng bayan ang perang pinaghihirapan. Isa pa, panahon na para makita ang bunga ng napakalaking "tax."

6. BRAIN DRAIN. Kaugnay ng paglikha ng trabaho, sa pamamagitan ng pagpapayaman ng mga trabaho sa loob ng bansa, di na kailangan umalis ng isang Pilipino na gaya ko para mangibang bansa. Ang brain drain ay maaaring basahin hindi lamang ugat ng Unemployment kundi maging ng Underemployment. Kung ang mga trabahong nasa Pilipinas ay tumutugma sa tinatapos ng isang estudyante at may sapat na benepisyo, hindi kakailanganin ng isang Pilipino na nais bumuhay ng pamilya ang mangibang bansa.

7. TEKNOLOHIYA. Hindi maikakailang nasa panahon na tayo ng technological dependence. Sa kasamaang palad ay naiiwan ang ibang Pilipino dahil sa kawalang ng higit na kaalaman sa teknolohiya at maging access. Sa bahagi ng pamahalaan, higit sa pagbibigay ng budget sa mga makina, kailangan ay bigyan din ng pundasyon ang kaalaman ng mga tao sa pamamagitan ng paglikha ng mga proyektong pang-edukasyon. Maari ring gamitin ang mga teknolohiya sa pagsusulong ng mga birtwal na klase hindi lamang sa sentro ng bansa kundi maging sa mga rural na lugar.

8. GUTOM. Hindi na bago sa atin ang usapin ng gutom. Sa mga balita pa lang, nakikita natin ang higit na gutom na dinaranas ng ating mga kababayan. Andyan ang kumakain ng pagkaing "pagpag." Mayroon pa nga akong napanood sa isang dokumentaryo na isang nakalalasong halaman ang kanilang kinakain para maibsan lang ang gutom. Sa totoo lang, ang mga ganitong imahe ng gutom ay masosolusyunan kung ang bawat isa o ang bawat pamilya ay kumikita ng sapat na pera o may trabaho. Sa kabilang banda, usapin di lang ang "undernutrition" kundi maging ang "overnutrition." Tamang kaalaman ang ating kailangan.

9. PABAHAY. Marami sa mga Pilipino ang walang disenteng bahay. Samantala, marami rin naman ang naglalakihang mansyon ng mga mayayaman ng bansa. Espasyo ang isang malinaw na ebidensya ng mas lumalawak na paghahati sa pagitan ng mayaman at mahirap. Sa ganitong konteksto, hindi ko sinasabing iwan ng mga mayayaman ang kanilang mga mansiyon at ibigay sa mga maralita. Upang masolusyunan ang pabahay, muli tayong bumabalik sa usapin ng pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino. Maliban pa riyan, sana'y lumikha ang pamahalaan ng programang magbibigay ng "abot-kayang" pabahay sa bawat isa ayon sa "makataong" minimum wage.

10. KAPALIGIRAN. Kaliwa't kanan na ang pangangalampag tungo sa pagliligtas sa ating kapaligiran. Siguro'y panahon na rin para bigyan pansin ang usaping iyan. Upang bigyan ito ng pansin, kakailangan ng pamahalaan na muling bisitahin ang mga batas o polisiya nitong ukol sa panganagalaga ng kalikasan mula sa pagaapruba ng mga itatayong gusali hanggang sa pagaanalisa ng epektong maidudulot ng mga pagpasok ng mga bagong industriya gaya ng teknolohiya, kemikal at kung anu ano pa. Sa mas simpleng bersiyon, maaaring magsulong ng mga proyekto ang pamahalaan upang magpalawig ng kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan mula sa mga paaralan tungo sa pagbabahagi ng impormasyon sa mga institusyon o industriya.

Ang pagbabago ay hindi lamang manggaling sa pamahalaan, kundi mismo sa atin. Kung gusto talaga nating makatulong, wag tayong magwalang bahala sa ating kapaligiran. Higit pa sa suporta sa bagong administrasyon, kailangan ng kolektibong aksiyon.

Kaugnay ng mga aspetong nabanggit, kailangan din iakma at ayusin ang mga batas sa mangangalaga sa bawat karapatan ng mamayaman. Isa itong dapat pagisipan ng pamahalaan kung nagnanais sila ng pagbabago at muling makuha ang tiwala ng sambayanan.

Ang pagbabago ay hindi lang sinasabi. Ito ay pinipili at ginagawan ng aksiyon.

Isang simpleng halimbawa. Gusto natin iligtas ang kalikasan di ba? Bakit hindi natin subukang ayusin ang ating sariling mga basura? O kaya ay magtipid ng tubig at ilaw? O kaya naman eh wag magaksaya ng papel? Sa mga simple't maliit na hakbang, pasasaan pa't may pagasenso ring yayanig o lilikha ng impak sa iba.

Ang kailangan natin ay disiplina sa ating mga sarili. Higit pa sa mga batas at pondo, kailangan natin ng kolektibo at aktibong partisipasyon tungo sa hinahangad na pagbabago. Kahit dahan dahan, basta may pagsulong.

Bilang simula, suportahan natin ang ating bagong mga halal. Maniwala tayo. Muling magtiwala ngunit wag maging bulag.

Mabuhay tayong lahat!

No comments:

Post a Comment

ShareThis