Monday, August 23, 2010

SPECTACLE NG BLOOD BATH AT NG KORONA!

SPECTACLE NG BLOOD BATH: PISTANG BAYAN AT SI MENDOZA

Patulog na ako kagabi ng binuksan ko muna ang aking Facebook. Laking gulat ko, karamihan ng mga shout outs ay tungkol sa nagaganap na hostage drama sa Rizal Park. Dahil masakit na ang ulo ko sa maghapong pagharap sa computer at wala rin naman akong matinong internet connection sa loob ng kuwarto ko, itinulog ko na lang ang mga nagbabarilang ideya sa isip ko. Sabi ko sa sarili ko, aabangan ko na lang ang balita ukol sa hostage drama kinabukasan.

Hindi ko akalain na malala ang nangyaring hostage drama sa Pilipinas. Hindi isang simpleng drama. Sa mga nabasa ko, isang mala-action packed movie ang naganap. Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan, umulan din ng karahasan - walong Hong Kong Nationals ang namatay at marami ang sugatan. Nasawi rin ang hostage taker na isang ex-policeman at isa sa 1986 Top 10 Officers na si Rolando Mendoza. Nabaril ito sa ulo sa oras na 8:45 ng gabi.

Kung susuriin, isa lang naman ang gustong mangyari ni Mendoza. Gusto niyang maibalik sa puwesto sa kapulisan matapos siyang illegal na madismiss mula sa serbisyo dahil sa extortion charges na ipinataw sa kanya, dalawang taon na ang nakalilipas. Maging ang kanyang retirement benefits ay pinutol. Ayon sa Office of the Ombudsman, isa si Mendoza sa limang opisyal na kinasuhan ng pagnanakaw, extortion, grave threats at nadismiss matapos magfile ng reklamo ang isang Manila Hotel Chef na nagsasabing pinagbintangan na gumagamit ng droga.

Kung pagaaralan ang naganap na hostage drama, sang sangang problema ang makikita. Ang mga problemang ito ay sumasalamin sa kakulangan ng kahandaan o training ng ating mga opisyal, ng kapulisan, ng media at ng taong bayan sa pagharap o pagresolba ng mga hostage taking. Kung may sapat na kaalaman sana ang mga nasasangkot sa pagresolba ng sitwasyon, ang hostage drama ay hindi aabot ng halos labingisang oras.

Una, hindi handa ang ating kapulisan sa ganitong uri ng sitwasyon. Tila may kakulangan sa istratehiya ng pakikipagusap sa hostage taker at maging ang paraan ng pag-atake. Tila walang sapat ring pundasyon ukol sa pagbibigay ng demands ng hostage taker o ang pagkontrol dito.

Pangalawa, nakakadag ng kaguluhan ang dami ng mga taong nakikiusyoso sa eksena. Mas mapapabilis sana ang pagkilos ng mga pulis kung may tamang espasyo. Dapat ay nagtatalaga ng distansya sa mga sibilyan na maari pang madamay sa kaguluhan.

Pangatlo, sa kabila ng pangangailangan na maiulat ang mga kaganapan, tila nagiging sirkus ang presentasyon ng pangyayari ng mga naguulat. Possibleng sa usapin ng ratings game, mas nananaig ang pagkuha ng mga ulat na tumatahi ng "spectable" o "makapigil hiningang eksena" o "madugo" sa halip na tutukan ang sitwasyon - ang negosasyon at ang nagiging aksiyon ng pamahalaan ukol dito. Kung tutuusin, kailangan isa-isip na ito ay negosasyon at hindi isang family meeting na dapat madamay ang iba't ibang tao. Malinaw naman na ang hinihiling noong umaga, bakit hindi pa tinugunan kahit ng isang "dummy" proposition.

Panga-apat, isang malaking dagok na naman ito sa turismo ng bansa. Kaugnay nito, naglabas na ng travel advisory ang Hong Kong ukol sa pagbabawal sa mga nagbabalak bumisita sa Pilinas at pagiingat ng mga Hong kong nationals na nasa Pilipinas.

Panghuli, mali ang naging aksiyon ni Mendoza hinggil sa kanyang kahilingan na mabalik sa puwesto. Sa ginawa niyang pagkilos, malinaw na tila inako na niya ang possibleng "maling" akusasyon ng anino ng nakaraan. Sana man lang ay sumunod siya sa proseso at mabigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag. Maling mali ang ginawa niya. Gayunpaman, hindi kailangan magwakas ang pagproseso ng pangyayari. Kailangan muling rebyuhin ng pamahalaan ang kaso at maging ang kapulisan kaugnay ng sinasabing "transparency" ng bagong administrasyon.

Sa kabuuan, ang paglalantad ng media ng kuwento ukol dito ay hindi lamang lumikha ng ingay sa lokal na teritoryo ng bansa, kundi lalo na sa pangmundong kalakaran. Yan eh ng manguna ang balita sa mga international channels gaya ng CNN at BBC. Sabi nga, sikat at sira na naman ang Pilipinas.

Dahil diyan, marami ng umasa na sana'y maisalba ni Venus Raj ang imahe ng bansa sa pamamagitan ng paguwi ng korona sa inaabangang Miss Universe 2010.

SPECTACLE NG KORONA: ANG 'MAJOR MAJOR' AT SI RAJ

Ilang araw bago maganap ang Miss Universe 2010, marami na ang nagsasabing malaki ang chance ng Pilipinas sa katauhan ni Venus Raj na maiuwi ang korona. Maliban sa kanyang taglay na kagandahan at tindig, suportado siya ng mga Pilipino saang mang panig ng mundo. Usap usap rin ang ganda ni Raj sa mga press releases at predictions sa loob at labas ng Pilipinas.

Ngayon, naganap ang pinakaaabangan ng mundo, ang Miss Universe. Mula sa Top 15, napasok si Raj sa Top 10 at hanggang sa mapabilang sa TOP 5. Sa huli, kinilala si Venus Raj sa pangapat na puwesto. Oo, 4th Place. Isa itong malaking tagumpay sa Pilipinas lalo na't maisasakatuparan ang pagbasag sa trahedyang bumalot kamakailan.

Nakakatuwang isipin, sa kabila ng tagumpay ni Venus Raj, mas nangibabaw ang kanyang popularidad lalo na sa mga Pilipino dahil sa kanyang naging kasagutan sa katanungan ng hurado na si William Baldwin. Oo, ang kanyang "major major" statement ay nangibabaw.



Nahati ang opinyon ng bansa. Yan ay base sa mga shout outs na lumitaw sa iba't ibang social media sites gaya ng Facebook at Twitter. Marami ang nagsasabing "overconfident" ang kasagutan ni Raj. Ang iba sabi, tila hindi napagisipan. Ang iba naman, nagsabing personal ang katanungan na possibleng di inasahan ng kandidata. Gayunpaman, sa ilang oras na umere ang nasabing kompetisyon, may kabuuang pagkilala sa tagumpay na naihatid ni Raj upang isalba ang Pilipinas sa trahedyang naganap kahapon. Interesateng isipin na ang tagumpay ay hinaluan ng pagkapanalo at pagiging sirkus dahil sa "major major."

SPECTACLE NG KASAWIAN AT TAGUMPAY
Ang dalawang magkasunod na pangyayari ay masasabing isang spectacle. Gamit ang laro ng biswal at hype, naisakatuparan ang mga istoryang iikot sa mga indibidwal na nagnanais makasaksi o makalaam. Hindi lamang naengganyo ang manonood na sumubaybay, kundi dahil sa mga social media sites, mag naging aktibo ang papel ng mga manonood sa pagproses ng mga teksto.

Mahalaga ang naging papel ng medya ukol sa projeksyon ng mga pangyayari. At ito ay puedeng unawain sa iba't ibang aspeto. Una, sa usapin ng trahedya, makikita na ang media ay naging daan upang makita ng taong bayan ang kakulangan ng kapulisan o pamahalaan ukol sa mga hostage dramas. Gayunpaman, di rin nakaligtas ang mismong aparato o ang media ukol sa pambabatikos. Maaaring sabihin na naging "hype" ang paguulat upang mapaangat ang kuwento mula sa negosasyon na nauwi sa putukan at pagkasawi ng ilang hostages at ng mismong hostage taker. Kung iisipin, possibleng hindi nagpanic ang hostage taker kung hindi naging isang "pistang bayan" ang negosasyon.

Sa kabilang banda, naging positibo naman ang representasyon ng Pilipinas sa katauhan ni Venus Raj sa pamamagitan ng International Media na humawak sa Miss Universe 2010. Gayunpaman, ibang spectacle ng tagumpay ang makikita sa katauhan ni Raj. Una, tagumpay ang pagkakapuwesto ni Raj sa pangapat na puwesto dahil binali nito ang pagiging imbisibol ng bansa sa pangmundong kompetisyon. Halos 11 taon na rin ang nakakaraan simula ng manalo si Miriam Quimbao. Dahil riyan, pansamantalang tinabunan ni Raj ang baho na umalingasaw sa nagdaang karahasan sa Rizal Park. Ngunit ang mas interesante ay ang pangalawang projeksyon ng media ukol sa naging sagot ni Raj. Kahit puno ng katotohanang inilatag ng media ang naging sagot ni Raj, naging katawatawa ito sa mga manunood, partikular sa mga Pilipino. Maliban sa pagkabitin sa kasagutan, may ilang nagsabing sana'y kumuha na lamang ito ng interpreter o di kaya ay nagisip man lang dahil wala naman talagang taong di nagkakamali sa buhay. Sa aspetong ito, pumalo na nga halos sa worldwide trending ang "major major" sa Twitter.

Ang presentasyon ng media ay hindi simple. Hindi lang naman ito nagkukuwento o nagpapakita ng imahe. Ang mga imaheng ito ay konstruksiyon ng reyalidad at may bahid ng ideyolohiya. Ang konstruksiyon ay makikita sa mga kuwetong tinatahi o di kaya ay sa mga tanong na ibinabato. Gayunpaman, ang mga teksto ay nagbibigay sa mga manunood ng buhay na interpretasyon o artikulasyon. At sa paglikha ng teksto, nagkakaroon ng paglalaro ng konteksto na maaring maapektuhan ng ano nga ba ang popular, ang kawili-wili, o ang hahakot ng ratings.

Sa usapin ng trahedya, higit pa sa antisipasyon ng kahihinatnan ng negosasyon, andon ang paglalaro ng mala-big brother na drama o kuwento sa likod ng pangunahing kalahok - ang mga biktima at ang nangbibiktima. Kaya naman, sa usapin ng negosasyon, mas may pagtutok sa mga sub-karakters gaya ng pamilya o kapatid, sa halip na tutukan ang hinihiling ng hostage taker. Di rin kataka-taka na magpapanic ang hostage taker ng makita ang buong pamilya na kasangkot na sa kaguluhan.

Sa usapin ng tagumpay ni Raj, kahit tinatanggap ang pagkapanalo, mas nagiging sentro ng usapan ang "major major" dahil ito ay tumatahi sa pagiging "kakaiba" o di-kumbensuyanal" o maaring ring "imperpeksiyon" sa mala-barbie doll na mundo ng beauty pageants. Gaya na lamang ng pagkakadapa ni Miriam Quiambao, ang "major major" ni Raj ay siguradong tutukan at mapaglalaruan sa rhetorika ng wika o maging sa usapin ng pagiging "jejemon." Ito ay sa konteksto ng ang isang gaya ni Raj, na lumaki sa probinsya at sa kabila ng halos ma-de-thrown pa nga, ay nakapasok sa kompetisyon at naka-4th place pa. Bagamat sampal ito sa mundo ng mga elitista, magiging anino ang "major major" sa tagumpay ni Raj.

Sa huli, dapat nating unawain na ang media ay may kapangyarihang lumikha ng teksto na ating paniniwalaan. At sa ating pagproseso ng mga tekstong ito, wag nating kalimutan na may kontekstong dapat ay mas higit na unawain. Bakit nga ba palpak ang kapulisan? o di kaya, bakit mas naging personal ang katanungan kay Raj kumpara sa mas may social relevance na tanong sa ibang kandidata? Bakit ganon na lamang ang naging aksiyon ng SWAT? o di kaya ay, nagpakatotoo lang ba si Raj sa kanyang kasagutan na possibleng wala naman talaga siyang "major major" problem sa buhay? Lahat ng ito ay dapat unawain sa kabila ng spectacle na ating natutungyahan.

No comments:

Post a Comment

ShareThis