Friday, October 22, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: GHOST STORY IN BRUNEI (PART 2)

GHOST STORY (PART 1)

 Muling nagpapatuloy ang kuwento ng katatakutan at ito ang tatlong sunod na kuwento.
  
.....
 
(5) HIKING
Kuwento ni Des

Health conscious ako. Hindi mo ako mapapakain ng kung anu-ano. Mas gusto kong magbabad sa gym.Inaalagaan ko talaga ang katawan ko.

Recently, na-a-adik ako sa pag-hi-hiking. Kasama ng mga kaibigan ko, madalas kaming umaakyat ng bundok.

Kasama ko lagi sina Jen, Ronald at Jep. Madaling araw kami umaalis ng staff house then diretso na sa hiking place. Siempre, kailangan munang mag-warm up.

Siyam na bundok ang aakyatin sa hiking. Pero dahil sanay na kami, parang bale wala na lang din. Ngunit may isang beses na talagang hindi namin makakalimtan. Hinding hindi ko makakalimutan.

Minsan, dahil mejo puyat ang iba dahil sa galing party nung gabi, napagkasunduan naming hapon na mag-hiking.

Linggo yon ng hapon, mag-a-alas tres ng magkita kita kami sa paanan ng bundok. Hindi na masyadong mainit. Nagsimula kaming maglakad nina Jen, Ronald at Jep.

Lakad lang kami ng lakad. Nagtatawanan pa nga kami. Tinitingnan namin ang mapa na makikita sa bawat mini station na madadaanan, nasa tamang daan pa kami. Nakabisado na rin namin dahil madalas kami rito.

Ang ipinagtaka lang namin, sa dapat apat na oras na paglalakad, dapat ay makita na namin ang isang kubo na nagsasabing malapit  na kami sa dulo. Pero hindi. 

Naglakad lang kami ng naglakad. Sabi nina Ronald, ayos lang daw at exciting naman.

Kahit sabihing matapang ako, kinabahan ako. Iba ang naramdaman ko. Nakita ko rin yon sa mata ni Jen.

Nang may madaanan kaming tubigan na may sirang tulay, nagpahinga muna kami. Uminom ng saglit at maya maya ay nagtawanan.

Bigla akong kinalabit ni Jen. Sabi niya, may napansin daw siyang gumagalaw sa halamanan. Sabi ko, "Baka hayop lang yan. Wag ng pansinin."

Umentra si Jep sa usapan, baka daw ahas.

Naglakad kami ng mabilis.

May nadaanan kaming parang maliit na kuweba. Nagtaka sina Ronald dahil wala naman kaming nadaanan na ganon pag umaakyat kami.

Sabi ni Jep, baka nadadaanan lang namin, di lang namin pansin.

Muli kaming naglakad.

Matapos ang ilang minutos, muli kaming bumalik sa tubigan na may sirang tulay.

Nagtaka ang lahat. Pero dahil magdidilim na, nagpatuloy kami sa paglakad.

Kakalakad, nadaanan na naman namin ang kuweba. Nagsimula kaming mangamba.

Doon nagsimula kaming magtanong.

Sabi ni Jen, pinaglalaruan daw kami ng engkanto.

Hindi ako naniwala. Sinabi ko na lang, maglakad ulit kami at balikan ang mga dinaanan.

Sabi naman ni Ronald, baka daw may nasuutan kami na ibang daan.

Hindi sumangayon si Jep. Nasa tamang daan daw kami.

Lalong dumilim. Umingay na rin sa paligid. Rinig ang tinig ng iba't ibang hayop. Mas kinabahan kami. 

Natakot ako dahil hindi bago ang bali balitang may mga nawawala sa gubat. Yung iba nga daw, hindi pa nahahanap yung katawan.

Nagtuloy kami sa paglakad hanggang sa di kalayuan, may nakita si Jen. Sabi ni Jen, may matanda daw.

Natakot ako. Sabi ko, “Wag kang magbiro ng ganyan. Gabi na”

Gabi na noon. Halos pasado alas siyete na, nasa gitna pa rin kami ng gubat. Buti na lang at may dalang flash light si Ronald.

Hindi naman kami makatawag dahil hindi namin dinala ang cell phone namin. Iniwan namin sa sasakyan.

Nagpanic na sina Ronald at Jep.

Sabi ni Jen, bakit hindi namin sundan ang matanda.

Hindi ko alam kung paano ako napapayag ni Jen, sinundan namin ang matanda.

Naglakad kami ng halos dalawang oras pa. Inabot na kami ng gutom pero hindi namin pinansin.

Isa lang ang gusto namin, ang makalabas ng buhay.

Naglakad kami ng halos isang oras pa. 

Awa ng diyos, nakalabas kami ng buhay sa gubat na yon.Hindi na namin pinansin ang maputik naming sapatos at ang sobrang pagod. Buti nabuhay kami.

Sumakay kami ng sasakyan. Natahimik ang lahat. Kanya kanyang check ng cellphone. Uminom rin kami ng tubig.

Hinatid na nila ako sa bahay. Nakatayo ako sa may gate ng aming staff house. Nagpaalam ako.

Pero ang hindi ko inaasahan, sa loob ng sasakyan,hindi lang sina Jen, Ronald at Jep ang nakasakay.

Nakita ko, may nakaupo sa likuran. Ang matanda.

.....

(4) BEACH
Kuwento ni Gladys

Madalas kaming mag-beach tuwing sabado. Kahit minsan maulan, nag-be-beach pa rin kami. Madalas din, lagi kaming nag-pi-pictorial sa beach. Kumbaga eh nakasanayan na namin para maalis ang homesickness.

Dumating ang pinsan kong si Tanya noong nakaraang linggo. Maganda, mestisa, seksi at habulin ng lalake. Pero hanggang ngayon, wala pa ring boyfriend. Mukhang maselan. At higit pa riyan, mapanlait.

Magbabakasyon siya sa akin. Kahit tatlong araw daw. Sem break naman.

Kasama ang kaibigan kong sina Weng at Ana, sinama ko si Tanya sa beach. Isang sabadong hapon yon.

Alam namin nina Weng at Ana na maraming sand fly sa beach. Yun yong mga insektong di mo halos pansin na kinakagat ka na. Magpapantal na lang pag wala ka na sa beach. Dahil dyan, nagpahid kami ng skin protection.

Sinabihan ko si Tanya na magpahid. Matigas ang ulo, hindi ako pinansin. Hindi naman daw siya lalangoy at sabi niya ay napakawalang kwenta ng beach na pinuntahan namin. Hindi ko na pinilit at baka lalo pa siyang magsalita ng masama.

Nagsimula kaming magtampisaw at maligo. Si Tanya, nakaupo lang sa buhanginan habang suot ang shades. Nagpapahangin. Naka-iPod.

Ramdam ko rin, ang ibang lalakeng nasa beach ay panakaw na tumitingin kay Tanya.

Habang lumalangoy kami, napansin kong naglakad si Tanya palayo. Dahil alam kong ligtas naman dito, hinayaan ko siya.

Tuloy kami sa paglangoy hanggang sa lumubog ang araw at umuwi kami.

Si Tanya, mukhang nasiyahan naman. Hindi nagsasalita sa sasakyan.

Paguwi namin ng bahay, nagsimulang tubuan ng pantal si Tanya. Sabi ko, “ang tigas kasi ng ulo mo!”

Hindi siya kumibo. Nahihilo daw siya.

Inihatid ko na siya sa kuwarto. Binuksan ang aircon. Nagbakasakali akong baka nainitan lang sa panahon kaya pinantal.

Habang lumalim ang gabi, dumami ang pantal ni Tanya. Hindi lang simpleng pantal, dumami ito at malalaki. Ang iba, nagtubig pa. Natakot ako.

Tumawag ako kina Weng at Ana. Gusto ko kasing dalhin sa ospital si Tanya. Worried na ako.

Ayaw ni Tanya. Ni hindi siya makapagsalita. Pati ang bibig niya, tinutubuan na ng pantal.

Sa isip ko, hindi ito simpleng kagat ng sand fly.

Hanggang sa dumating ang tito ni Weng. Kasama rin sina Weng at Ana.

Isa lang ang nasabi ni Tito, “Nakursunadahan si Tanya ng mga lamang dagat.”

Hindi ako nakapagsalita. Nagulat. Natakot.

Gamit ang dasal at ilang pampahid, unti unting nawala ang mga pantal sa katawan ni Tanya.

Niyakap ko si Tanya. Hindi pa rin siya makapagsalita.
Pagbukas ng bibig ni Tanya, nagulat ako.

Wala na siyang dila.

Napasigaw din si Weng. Nakita namin sa mga pictures ni Tanya sa camera ko, may katabi siyang itim na pigura.
 
.....

(3) ROUND ABOUT
Kuwento ni Pat

Round about ang tawag sa mga mini-version ng QC Circle dito sa Brunei. Ito ang connecting road sa halos lahat ng pasukan at labasan na major roads. Pero para sa akin, hinding hindi ko makakalimutan ang gabing dumaan ako rito noong 10-10- 2010.

Kagagaling ko lang noon sa party. Pauwi na ako. Halos pass 2 in the morning na non. Kung tutuusin naman, mabilis lang ang pagdaan sa round about. Magbibigayan lang kayo at ayos na. Iba ang nangyari sa akin.

Bago pa ako umabot ng round about, may nakita na akong bata sa lansangan. Nakatungo lang ito.

Hindi ko alam kung inaantok na ako o may alak ang nainom ko pero sigurado akong bata ang nakita ko.

Sa unang junction, nakita ko ang bata. Hindi ko pinansin. Tuloy ako sa pagdrive.

Sa sunod na junction, nakita ko ulit ang bata. Balak ko ng babain. Hinanap ko ang tsinelas ko para ipalit sa sapatos ko. Nung bababa na ako, wala na ang bata. Sabi ko sa sarili ko, baka na-ma-malikmata lang ako.

Diretso ako sa pagdrive.

Dahil madaling araw na, wala na dapat sasakyan sa round about. Eh kung alas otso lang eh wala ng ka-kotse kotse dito, what more pa ang 2 am.

Nagtaka ako, mejo traffic. Takang taka ako.

Dahil nakita ko sa di kalayuan na traffic, nagiba ako ng daan. Hindi ako dumaan sa round about.

Paglusot ko sa isang kalye, nakita ko na naman ang bata. Nagtaka na ako. 

Walang tsinelas ang bata. Nakatungo lang ito. Naka-tudong. At nasa gitna ng lansangan.

Napatigil ako. Pinatay ko ang ilaw ng sasakyan. Balak kong bumaba.

Bumaba ako ng sasakyan.

Hindi ko inalis ang tingin ko sa bata. Papalapit ako. Papalapit ng papalapit. Nakatungo lang ang bata.

Nang hahawakan ko na ang bata, natigilan ako. Isang malakas na busina ang gumulat sa akin. May paparating na sasakyan.

Nakaharang pala ang kotse ko sa gitna ng kalsada.

Pagtingin ko sa bata, wala na ito.

Nagsimula akong matakot.

Sa takot ko, sumakay na ako ng sasakyan ko at umuwi. Mabilis akong nagdrive.

Kinabukasan, pagdampot ko ng diyaryo sa opisina habang nakaupo ako sa work station ko, nabalitaan ko. Isang bata ang na-sagasaan sa round about.

Napaisip ako. Pero dahil hindi naman ako mapag-paniwala sa mga multo, tiniklop ko ang diyaryo. Inalis sa isip ko ang balita.

Pagtingin ko sa ilalim ng mesa ko, andon ang bata. Dumudugo ang mukha.

Abangan ang nalalabing dalawang kuwento sa TOP 10 Katatakutan in Brunei!

* Ang mga pangunahing kuwento ay pawang mga kuwento lamang at walang batayan ng katotohanan. Ang mga pangalan, lugar at pangyayari ay hindi direktang sumasalamin sa reyalidad at pawang mga halimbawa o representasyon lamang. 
NEWS FLASH!

VOTE FOR MY BLOG ENTRY! VOTE FOR #22!

I AM INVITING EVERYONE TO VOTE FOR MY BLOG ENTRY TITLED "THE [BITTER] SWEET LIFE ABROAD," AN ARTICLE THAT COMPARES OVERSEAS LIFE WITH THE SWEETNESS OF A CHOCOLATE. SIMPLY CLICK ON THE IMAGE BELOW AND VOTE FOR #22, RATED E!

THANK YOU VERY MUCH! =)

No comments:

Post a Comment

ShareThis