Wednesday, October 27, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: GHOST STORY IN BRUNEI (THE FINAL TWO!)

Finally, I am posting the last two horror stories as part of my Halloween treat to all my readers. Here it goes. Happy eerie reading!


(2) BUS
Kuwento ni Boy

Bilang OFW, nabubuhay ako sa pagsakay sa purple bus dito. Purple bus ang tawag dahil kulay purple ito. Kahit papaano, ito ang naghahatid sa akin sa trabaho at siya ring sinasakyan ko pauwi.

Pang-gabi ang shift ko. Isa akong nurse dito. Hindi ako nahuhuli sa trabaho. Maliban na lang sa isang gabi na nagbago ang lahat.

May schedule ang dating ng bus dito. Kada treinta minutos ang dating. So pag nahuli ka sa oras, kakailanganin mong maghintay ng treinta minutos.

Kamalas-malasan, isang gabi, na-late ako ng gising. Dahil diyan, inasahan ko ng huli akong darating sa ospital.

Mabilis akong kumilos para humabol sa sakayan ng bus. Walang pag-asa. Naghintay na lang ako.

Malamig ang gabing yon. Inisip ko, siguro’y uulan. Wala pa man din akong payong.

Hindi ako nagkamali sa hula ko. Bumuhos ang ulan.

Habang pinanunuod ang ulan, tahimik akong naupo sa hintayan ng bus.

Labinlimang minuto ang nakalipas, isang lalake ang nakita kong tumatakbo sa ulan.

Maya maya, nakita ko na may paparating na sasakyan. Natakot ako. Mukhang hindi alam ng lalake ang paparating na sasakyan.

Sumenyas ako sa lalake. Ngunit, tila hindi ako napansin.

Laking gulat ko. Dumiretso ang sasakyan. 


Tumigil panandalian ang mundo ko. Nasagasaan ang lalake.

Ngunit laking gulat ko,nawala ang lalake.  Wala rin ang sasakyan.

Kinabahan ako. Napaupo ako sa upuan. Sabi ko sa sarili ko, namamalikmata ba ako?

Maya maya, dumating ang bus. Sumakay ako kaagad. Tulala pa rin sa mga nakita.

Pagsakay ko ng bus, nag-iPod ako. Naupo sa isang tabi at naghintay umabot sa ospital.

Pagalis nung bus, lumingon ako. Wala pa ring bakas ng lalakeng posibleng nasagasaan.

Tumigil ang bus sa isang station, laking gulat ko, nakita ko ang lalake. Hindi ako makapaniwala.

Sa sumunod, andon na naman. Tumindig ang balahibo ko.

Nilakasan ko ang iPod ko.

Pagabot ko ng ospital, nagmadali ako. Nag-punch in at dumiretso sa duty.

Nagsimula akong magtrabaho. Inalis sa isip ang mga nakita.

Pag pasok ko ng kuwarto, hindi ko inaasahan, nakita ko ang lalake, ang lalakeng siyang  dapat ay nasagasaan at nakita ko sa dalawang magkasunod na istasyon ng bus.

Andon, nakahiga sa kama ang lalake. Hindi ito gumagalaw. Hindi humihinga. Maputla.

Isa na itong bangkay.

Sandaling katahimikan ang bumalot sa akin. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

Hindi ko magawang lapitan ang bangkay. Maraming tanong ang naglaro sa aking isipan.

Hanggang sa napagdesisyunan kong talikuran at iwan ang bangkay.
 
Papalayo na ako nang may bumulong sa akin. Hindi ko maintindihan. Wikang Malay.

Lilingunin ko sana ang bangkay. Pagtingin ko, nakita ko ang aking sarili. Ako ang nakahiga at hindi ang lalake.

Sa gilid ng aking bangkay, nakatayo ang lalake. May dalang kutsilyo.

Laking gulat ko, hiniwa ng lalake ang aking tiyan. Napasigaw ako!

Nagising ako sa bus. Sabi ko sa sarili ko, buti at panaginip lang.

Ngunit, mas ikinagulat ko, katabi ko ang lalakeng nasa panaginip ko.

(1) KAMPONG AYER
Kuwento ni Lisa

Matagal ko ng kaibigan si Jen. Nagkakilala kami dito sa Brunei. Pareho kami ng pinagtatrabahuhan. Pareho kaming mananahi. Para na rin kaming magkapatid.

Simpleng babae si Jen. Tahimik. Masipag. Hindi palahabilo sa ibang tao. At madalas kami ang magkasama. Kabaligtaran ko, madaldal ako.
Kahit patpatin ang katawan ni Jen, nakakatuwang isipin, malakas siyang kumain. Sa totoo lang, ang pagkain ang pinaka-bonding naming dalawa. Madalas kaming kumain sa kung saan saan. Kami lang ang magkasama, masaya na kami.

Madalas, pagkatapos ng trabaho, dumidiretso kami sa katabing palengke at kumakain ng kung anu anong mapagtripan namin. Sa palengke na rin kami namimili ng kakainin sa gabi pag tinamad magluto.

Naging magkasundo kami ni Jen dahil pareho kami ng hilig sa buhay. Maliban sa mahilig kaming kumain, hindi rin nagkakalayo ang kuwento ng aming buhay. Hiwalay ang mga magulang niya at ganon din ako. At sa dami ng aming kapatid, bilang mga panganay, kami na ang bumubuhay sa pamilya namin. Dahil diyan, hindi pa man din nagtatagal ang sahod sa aming palad, kailangan na namin itong ipadala para may makain ang pamilya namin sa probinsya.

Kahit madalas kaming magkasama ni Jen, hindi naman ito nagkukuwento ng kanyang buhay pagibig. Sikreto daw. Ayaw niyang sabihin. Ako naman, sobrang lantad kung magkuwento. Hindi ako nagpepreno lalo na pag kuwento na ng pagibig ng buhay ko ang paguusapan.

Sa loob ng isang taong pagsasama namin ni Jen, wala kaming naging problema. Maliban na lang nung dumating si Amirul sa buhay ni Jen, isang Muslim at nagtatrabaho sa palengke na madalas naming puntahan.

Mabait naman si Amirul. Sa katunayan, pati ako, dinadalhan ng kung anu anong pagkain pag dinadalaw si Jen sa tinutuluyan naming apartment. Kaya lang, simula ng naging sila, napansin kong, nagiba na rin si Jen. Kung dati ay tahimik, mas naging tahimik pa ito. Ni hindi na nga rin sumasama sa akin mananghalian sa trabaho. Sa gabi naman, sinusundo siya ni Amirul. Kahit tuwing Linggo, madalas din ang labas nila. Madalas din, ginagabi na si Jen.

Nagbago ang lahat ng dumating si Amirul sa buhay ni Jen.

Isang araw, ikinagulat ko na lang. Hindi na umuwi ng apartment si Jen. Mas ikinagulat ko, hindi na rin ito nagpakita sa trabaho. 

Pinilit kong tawagan ang mobile phone nito, hindi naman ako sinasagot. Naglabas na rin ang amo kong intsik ng patalastas sa diyaryo ukol sa kaso ni Jen. Wala pa ring impormasyon.

Lumipas ang mga araw, walang senyales ni Jen. Ipinagtanong namin kung saan nakatira si Amirul. Itinuro kami sa isang lugar. Doon daw sa kampong Ayer, sa hilera ng mga bahay na nasa tubigan. Pinuntahan namin ito, wala kaming naabutan. 

Nagsimula akong mabahala sa kalagayan ni Jen. Hindi ko alam kung nasaan na siya, kung saan siya pumunta o ano na ang nangyari sa kanya.

Maraming naglaro sa isipan ko noon. Pilitin ko mang hindi magisip ng masama, hanggang panaginip ay binabagabag ako. Natatakot ako. Naguguluhan kung nasaan na si Jen, ang itinurin kong kapatid.

Hindi nagtagal, nagkaroon ako ng mga pangitain. Mga pangitain.
Minsan, habang naghuhugas ako ng pinggan, may makikita akong nakatayong babae sa pintuan ng kusina. Paglingon ko, wala na.

Minsan din, habang pauwi ako, naglalakad, may makikita akong babaeng kamukha ni Jen. Paglapit ko, hindi naman siya.

At ang mas hindi ko makakalimutan, bigla na lang tutugtog ang paboritong awitin ni Jen. Pasado alas dos na ng umaga noon.

Hindi nagtagal, matapos ang ilang linggo, isang balita ang bumasag sa katahimikan ng Brunei. Isang naagnas na bangkay ang lalake ang lumutang sa ilog. Lumabas sa imbestigasyon, pinatay ang lalake.

Sinailalim sa autopsy ang bangkay ng lalake. Nakakakilabot ang pagpaslang dito. Tinahi ang bibig at ang mata nito. Puno rin ng saksak ang katawan. Sa huli, kinilala ang bangkay bilang si Amirul. Mas kinabahan ako.

Nagsimulang hanapin ng mga pulis si Jen. Sa pananaw ng mga pulisya, maaaring suspect o biktima si Jen. Yan ang kailangan nilang sagutin.

Tumagal ang imbestigasyon ng ilang araw. Tinawagan ang pamilya ni Jen sa Pilipinas. Maging ako ay kinapanayam ng mga pulis. Takot na takot ako. Takot sa posibilidad ng resulta.

Hanggang sa isang katawan ng babae ang lumutang sa ilog. Mas natakot ako. Mas nangamba. Ngunit, hindi ito si Jen. Isang matandang babae. Nagulat ako, siya ang isa sa mga mananahi namin. Mas natakot ako.

Gaya ng pagpatay kay Amirul, nakatahi ang bibig nito at ang mga mata.

Sa mga oras na iyon, hindi na lamang takot ang naramdaman ko. Pakiramdam ko, tatakasan na ako ng katinuan ko. Ngunit, hindi ako nawalan ng pagasa. Umasa ako na makikita nila si Jen.

Isang gabi, umuwi ako sa apartment. May mga pulis. Maraming tao. Umakyat ako. Pumasok sa bahay. 

Sabi ng mga pulis, kailangan nila akong tanungin muli. Sumama ako. At matapos ang ilang pagtatanong, pinauwi rin nila ako.

Sa makalawa, uuwi na ako. Uuwi akong malungkot. Hindi ko na makikita si Jen. Nanghihinayang ako sa pagkakaibigan namin. Nanghihinayang ako sa nangyari sa kanya. Hanggang ngayon, wala pa ring linaw ang kaso, ang pagkawala niya.

Sa totoo lang, hindi naman talaga ako nalulungkot sa nangyari kay Jen. Pumatol siya kay Amirul. Si Amirul? Bakit si Jen? Hindi naman sila bagay. Hindi.

At yung matandang mananahi na kasama namin, pakialamera kasi siya. Bakit ba kasi ang daming taong pakialamera. Dapat lang sa kanya yon. 

Dapat siguro, magpasalamat si Jen sa akin. Sasaktan lang siya ni Amirul. Lolokohin gaya ng mga nagdaan niyang boyfriend. Sa akin, sa piling ko, hindi siya daranas ng ganoon. Hindi na siya masasaktan. Tahimik na ang buhay niya.

Mahal ko si Jen. Mahal ko siya higit pa sa pagiging kaibigan.

Mahal ko si Jen.

Ngayon, hindi na kami magkakahiwalay ni Jen. Kasama ko na ulit siya. Nanghihinayang lang ako. Kailangan pang humantong sa ganito ang lahat. Eto siya, isang abo sa maleta ko.


Ang mga pangunahing kuwento ay pawang gawa gawa lamang at walang batayan ng katotohanan. Ang mga pangalan, lugar at pangyayari ay hindi direktang sumasalamin sa reyalidad at pawang mga halimbawa o representasyon lamang. 

NEWS FLASH!

VOTE FOR MY BLOG ENTRY! VOTE FOR #22!

I AM INVITING EVERYONE TO VOTE FOR MY BLOG ENTRY TITLED "THE [BITTER] SWEET LIFE ABROAD," AN ARTICLE THAT COMPARES OVERSEAS LIFE WITH THE SWEETNESS OF A CHOCOLATE. SIMPLY CLICK ON THE IMAGE BELOW AND VOTE FOR #22, RATED E!

THANK YOU VERY MUCH! =)


No comments:

Post a Comment

ShareThis