Tuesday, November 2, 2010

EXPLOSIVE ENCOUNTER: SANA MERON SA BRUNEI!

Maliban sa malayo sa pamilya, may iba't iba pang kadahilanan kung bakit na-ho-homesick ang isang Pinoy sa ibang bansa. Andyan ang katotohanang masarap mamili sa SM, magwaldas ng pera sa Divisoria/168, magmeryenda ng turon o kumain ng fishball habang nakikipagchismisan sa kapitbahay o kaibigan, manuod ng The Buzz tuwing linggo, pumila sa Wowowee (Willing Willie na ngayon), makigulo sa sinehan, at kung anu ano pang aktibidades na talagang mamimiss mo. Dahil sa katotohanang ito, ibabahagi ko sa inyo ang possibleng TOP 20 Wish ng Isang Pinoy na sana ay meron dito sa Brunei. Simulan na natin ang ratsada ng mga hiling!

Siempre, naglagay din ako ng TOP 3 na nakakalokang solusyon! Makitawa na!

1. SANA MAY TFC/PINOY TV
Maniwala kayo o hindi, walang TFC or Pinoy TV dito sa Brunei. Although I heard may ilang Pinoy ang nakakasagap ng ABS-CBN or GMA7 shows, hindi naman malinaw. Nako, sa tindi ng sensura dito sa Brunei, hinding hindi talaga papasa ang programs natin. Dito kasi, bawal ang seksi, bawal ang revealing, bawal ang malaswa at kung anu ano pang sangkaterbang bawal. Isipin mo na lang, nasa mall ako, laking gulat ko, isang fitness magazine ang tinakpan ng bond paper. Tinanong ko yung tindera kung bakit nagkaganon. Sabi ni ate, hindi daw puede ang seksi. Sa isip ko, eh di mas lalong lumikha ng curiosity ang magazine?

SOLUSYON:
A. Gumawa ng sariling channel sa isipan. Gamitin ang ilong sa pagdial. eeeeeew!
B. Manguli ng mga naglalandian sa dilim.Yan ang teleserye ng totoong buhay.
C. Tumambay sa food court. Maglaro ng jackstone for more fun.

2. SANA MAY CHOWKING
Although 11 branches ang Jollibee dito, minsan nakakamiss din talaga ang kumain ng ibang fastfood gaya ng Chowking. Sa totoo lang, marami akong Pilipinong natatanong na talagang takam na takam sa Chowking lalo na sa Chow Fan. Sa sobrang pananakam ng ilan, di pa nagsasalita, naglalaway na (Joke!). Pero sa totoo lang, sana may Chowking dito. Pero mukhang malabo ata. Kasi kung ipapasok nila ang Affordable meals ng Chowking, kabog ang mga authentic Chinese restaurant na andito.

SOLUSYON:
A. Gumawa ng sariling bersyon. "Chow-me" ang pangalan. Ihain ang sarili.
B. Mag-jowa ng mayamang instik at pag-franchisin ang Chowking.
C. Hintayin ang Chinese New year. Ala-chowking ang kapaligiran.

3. SANA MAY MOTEL
Minsan, habang nakatambay ako sa food court at kumakain ng paborito kong Chocolate Waffle at umiinom ng Mango Tango, laking gulat ko. Dalawang Pilipino ang naguusap na sana daw ay may Motel dito sa Brunei. Sa totoo lang, walang Motel dito. Wala yung SOGO at VICTORIA's COURT. Susme, ang dalawang lalake sa harap ko, masyadong naghahanap. Gusto daw nila sana yung may tema ng gubat. Mas laking gulat ko, magjowa pala sila.

SOLUSYON:
A. Anong silbi ng sariling kuwarto?
B. Kailangan pa bang i-memorize yan?
C. Gumawa ng mobile motel. Puede na ang sasakyan?

4. SANA MAY KARINDERYA
Kahit sabihing mura na ang BND5.00 na standard price sa pagkain dito sa mga restawran, masasabing mahal pa rin ito sa nagtitipid na Pinoy. Dahil dyan, madalas na bukambibig ng ilan na sana ay may karinderya dito sa mura at masarap ang pagkain. At mas bongga pa raw eh kung may pagkaing Pinoy. Nakakatuwa naman dahil malapit sa aming opisina ay may restawran na bagamat hindi Karinderya, abot presyo naman na ang bilihin. Sa halagang BND3.00, may kanin at dalawang ulam ka na.
SOLUSYON:
A. Magbaon na lang ng pagkaing di ma-ispel at mapronounce ang pangalan.
B. Tanungin ang isang prostitute kung paano bebenta ang paninda.
C. Kainin ang 3 dollars para di sobra ang gastos. Tama lang.

5. SANA MAY PROTEKSIYON SA MAPANG-ABUSONG EMPLOYER
Sabi nila, malaki ang ginagampanang papel ng Embahada sa isang bansa. Wala naman akong masasabi sa Embahada ng Pilipinas dito sa Brunei. Ngunit minsan, ang ilang Pinoy, hindi na lang nagsasalita para iwas gulo. Masaklap man isipin, maliban sa kaya namang aksiyon ng Embahada ang problema, napapaikot ng ilang employer ang sitwasyon. At ito ay humahantong sa pagpapauwi sa mga empleyado o Pinoy. Sa aking palagay, kailangan pang puliduhin ng ating pamahalaan ang mga batas nito ukol sa nararapat na proteksiyon ng isang Pinoy na nagnanais magpunta sa abroad.
SOLUSYON:
A. Wag kalimutan ang condom.
B. Siguraduhing may alam sa sorcery or pangungulam.
C. Hanapin ang bato ni Darna o ang barbel ni Captain Barbel. Maniwala tayo sa mga superhero!

6. SANA MAY MURANG FLIGHT
Awa ng Diyos, may murang flight na papunta at palabas ng Brunei. Salamat sa Cebu Pacific, nakakatipid na ang Pinoy at nakakaranas ng komportableng biyahe. Nung hindi pa pumapasok ang Cebu Pacific sa Brunei, karamihan sa mga Pinoy ay pumupunta muna sa KK or Kota Kinabalu at saka lilipad ng Pilipinas, sa Clark. Siempre nga naman, kumpara sa halos BND600 ng RBA at less BND150 ng Air Asia noon, Air Asia ang kinakagat ng Pinoy. Overnight na lang or magpapahinga sa airport ng KK ang drama para makatipid. Pero ngayon, mas happy na dahil may Cebu Pacific na abot kaya at diretso na sa Manila.

SOLUSYON:
A.Kumain ng kumain ng manok para tubuan ng pakpak. Di na kailangan magbook ng flight.
B. Magpalaki ng higanteng manok. Sure seat for a free flight.
C. Pumasok sa loob ng maleta. Maghintay ng bagyo at magpatangay sa hangin.

7. SANA MAY ROMANCE NOVEL
Madalas akong tumambay sa bookstore at minsan natanong ko sa tindera na isang Pinay kung ano ang madalas hanapin ng mga Pinoy dito, Sabi ni ate, maraming Pinay ang naghahanap ng Romance Novel. Sabi ko naman, bakit hindi sila magtindi. Sabi ni ate, ayaw daw ng boss niya. Sabi ko naman, bakit? Sabi ni Ate, kasi alam ng boss niya na mahilig magbasa ang Pinay ng Romance Novel. Baka daw hindi na sila magtrabaho.
SOLUSYON:
A. Maki-apid sa may asawa. Eh di may sarili ka ng nobela. Paguusapan ka pa.
B. Bumili ng iPad (sushaaaal!) at mabasa ng e-romance novels. Yung tagalog!
C. Dalhin si Xerex sa Brunei. Kung papasa sa Airport.

8. SANA MAY YES! MAGAZINE
Karugtong na ng pusod ng bawat Pinoy ang buhay showbusiness. Dahil dyan, napagalaman ko mula sa parehong bookstore na madalas kong bilhan ng libro ang katotohanang marami ang Pinoy na naghahanap ng Yes! Magazine. Sabi nung tindera, di payag ang boss nila. Hindi daw kasi puede ang seksi sa Brunei. Ngayon napagtanto ko na kung bakit maraming Pinoy ang nag-e-excess baggage. Siempre, buy na ng mga bagay na hindi makikita sa Brunei!

SOLUSYON:
A. Kulitin ang kaibigang may kabit na magregalo sa iyo ng Yes! Magazine. Takutin mo. Na tipong bawal ang hindi mag-YES dahil ibubunyag mo ang lahat ng pangangaliwa niya sa asawa niya!
B. Alamin ang tsismis sa katabing bahay. May Yes! Chika ka na. Instant pa.
C. Sumulat ng petisyon sa Embahada ng kahalagahan ng pagkakaroon ng Yes! Magazine sa pagdebelop ng pagka-Pilipino. PhD level dapat ang pagkakasulat ng riserts!

9. SANA MAY CHEESE FLAVORED POPCORN!
Aaminin ko, mahilig ako sa Cheese Flavored Popcorn. Pero sa maniwala kayo o hindi, walang cheese flavored popcorn dito sa mga food stand malapit sa sinehan. Dahil diyan, magtitiyaga ka na lang sa Sweet or Salty.
SOLUSYON:
A. Gumawa ng cheesticks. Pamalit sa cheese flavored popcorn.
B. Isipin ang diet.
C. Magbaon ng keso sa sinehan. Pag nasa loob na, ibudbod sa plain popcorn.

10. SANA MAY TAO!
Hindi ko alam kung relatibo ito pero ang kawalan ng tao ang isa sa mga dahilan kung bakit marami ang tumatandang binata o dalaga na Pinoy sa Brunei. Maliban sa karamihan ay Muslim, limitado ang nakakasalamuha ng mga Pinoy. Ang bali-balita nga, kung hindi ka aalis ng Brunei, possibleng hindi ka makapagasawa. Yun nga lang, puede ka namang yumaman. Kung ako ang tatanungin mo, oh well, plano ko na ring umalis soon. Unting ipon pa at tapusin ang Masters. Isa pa, kailangan kong paunlarin ang aking kakayahan at palawakin ang karansan.

SOLUSYON:
A. Magdrawing ng human stick sa pader. Lagyan ng pangalan.
B. Kausapin ang sarili.
C. Pumunta sa sementeryo. Marami kang makikita don.

11. SANA MAY MURANG TAXI
Dahil halos lahat ng tao rito ay may sasakyan, bibihira ang sumasakay ng Taxi. Kahit may Purple bus na isang pampublikong transportasyon, karamihan naman ng gumagamit dito ay pawang mga dayuhan - Indians, Indonesians at Pinoy. Isang dolyar ang pamasahe sa bus. Kumpara sa BND20 sa Taxi, mas mabuti ng magbus at tiisin na lamang ang nanapak na amoy. Isa pa, kahit papaano, ligtas naman ang bus. Walang mandurukot. Yun lang, para ka na ring dinurukutan ng katinuan sa oras na maamoy mo ang halimuyak ng looban!
SOLUSYON:
A. Gumawa ng skateboard.
B. Mag-stilts na lang. Mataas pa at di ka lulusong sa baha kung bumaha man.
C. Maki-hitch sa truck ng basura na madalas tuwing umaga dumadaan.

12. SANA MAY ARTISTANG MUKHANG ARTISTA
Walang celebrity culture rito sa Brunei. Siempre, dahil ang Royal Family ang nasa itaas, wala ng iba pang tataas. Dahil diyan, ang mga artista dito ay tila hilaw. Sa mga events na nag-host ako, masasabi kong tila hilaw at walang packaging ang mga nagbabalak na maging artista o artista na dito. Maliban sa may kaguluhan ang pananamit, kulang din sa personalidad at appeal ang mga nagfefeeling na artista. Kung isasama mo nga sila sa crowd, di mo na mapapansin na artista pala sila. Di tulad sa Pinas, tindig pa lang, mapapa-extra rice ka pa!
SOLUSYON:
A. Dalhin si Belo sa Brunei.
B. Gawing direktor si Hayden ng mga pelikula. Alam niya ang anggulo.
C. Simulan ang That's Entertainment. Si Kuya Germs, nasaan?

13. SANA MAY BAR
Kung mahilig kang mag-bar, ang Brunei ay hindi para sa iyo. Dahil matindi ang pagbabawal dito ng kung anu mang masisiyang aktibidades, hinding hindi magkakaroon ng bar dito. Isipin mo, magparty ka lang sa bahay, puede ka pang maireklamo. Maingay daw. Pero maniwala kayo o hindi, para paraan lang ang paghanap ng ala-bar na kasiyahan. Basta may mga kaibigan ka na alam lumugar sa pagpaparty, aba, buhay ka na!
SOLUSYON:
A. Palitan ang Embassy ng Embassy. Parteeeee!
B. Hangarin na magbrown out at candle effects na lang. Todo ang sound sa iPod.
C. Kumain ng maraming maanghang na pagkain. Tingnan natin kung di umikot pwet mo sa anghang!

14. SANA MAY MURANG DENTISTA
Hindi ko maintindihan pero sobrang mahal magpa-dentista dito. Sa totoo lang, hindi ka manghihina sa ngiping bubunutin o sa papastahang ngipin, kundi mahihimatay ka sa babayarin.
SOLUSYON:
A. Magaral ng Dentistry. Magbasa-basa. Magpakonsulta sa mga snatcher para sa masters in pandurukot.
B. Magbaon ng anestisya para on your own ang pagbunot. Gamit ang sinulid, itali ang ngiping bubunutin. Itali sa pinto ang kabilang dulo sabay sarado! Pak!
C. Idemanda ng malpratice ang dentista kung di happy. Sabihin mo na lang, ayaw mo ng gulo, basta di ka na magbayad, okay na!

15. SANA MAY PASKO
Dahil nga Muslim na bansa, di masyadong ramdam ang Pasko sa Brunei. Kung di ako nagkakamali, kahit simpleng Christmas Party ay ipinagbabawal. At kung mahuli ka pa, lagot pa sa fine. Sa mga ganitong kadahilanan nagdedesisyon ang Pinoy na umuwi na lamang sa Pinas kapag Pasko. At kung maiiwan ka naman dito, gaya ko, aba, hanap ka na lang ng bahay o pamilyang puede kang maki-Pasko. Malungkot pero ayos na rin sa kesa walang kasiyahan. 

SOLUSYON:
A. Magpataba at maging si Santa Claus.
B. Manamit na parang Christmas tree.
C. Magpatubo ng pimple sa ilong. Red nose, pamilyar?

16. SANA MAY SORBETES
Sa madalas kong pagsisimba, minsan, may narinig akong pamilyang naguusap. Iyak ng iyak ang bata kasi naghahanap ng sorbetes. Naku po! sabi ko. Maliban sa walang masarap na ice cream dito (kung meron man, ang mahal mahal), walang dirty ice cream dito. Eh isipin mo nga, kahit mga tao dito eh nag-re-request pa sa kanilang mga empleyadong Pinoy na magdala ng Ice Cream mula sa Pinas. Well, mabibili ang ice cream sa airport sa halagang 1,300 pesos. Sa ngayon, tumataas na ng tumataas ang presyo ng Ice cream. In demand na kasi.

SOLUSYON:
A. Mag-ice candy.
B. Ihulog ang mamahaling Ice cream sa lupa. Ayan, dirty ice cream na!
C. Holdapin ang Airport. Magrequest ng sangkatutak na ice cream para palayain ang mga hostage!

17. SANA MAY TAYAAN NG LOTTO
Maliban sa showbiz, hilig ng Pinoy ang tumaya sa lotto. Hindi na ako nagtaka ng marinig ko ang dalawang manong naguusap sa hinatayan ng bus. Kating kati na daw silang tumaya kasi napaniginipan nung isa ang numero na magpapanalo sa kanya. Sorry na lang pero walang patayaan ng lotto dito. 

SOLUSYON:
A. Pausuhin ang Jai-a-Lai!
B. Maraming manok sa Brunei. Sabong, anyone?
C. Pagawayin ang gagamba, puede ng pamalit entertainment!

18. SANA MAY ALAK
Kung pupunta ka ng Brunei, wag ka ng umasa na mabilis kang makakabili ng alak sa tabi tabi. Puede naman ang alak dito sa Brunei, kaya lang, 12 cans or 2 bottles lang ang puede per head. At kailangan pang ipa-register ang alak bago ipasok sa Brunei.

SOLUSYON:
A. Tumungga ng suka 3x a day.
B. Ilagay ang alak sa bote na pambaby.
C. Gayahin ang Camel. Magimpok ng marami sa Pinas pa lang.

19. SANA MAY DRUGS
Ewan ko kung matatawa ako o matatakot ako ng marinig ko sa dalawang lalake ang nagsabing sana daw ay may Drugs sa Brunei. Sabi pa nung isa, sino daw ang puedeng bilhin. Naku! Ang masasabi ko lang, sobrang ilegal ang drugs dito. Isa pa, hindi lang kulong ang aabutin mo rito pag nahuli ka, puede ka pang ma-dead!

SOLUSYON:
A. Mag-Vicks inhaler.
B. Pag nahuli, tumawag ng albularyo. Sapi sapian na lang.
C. Mag-tawas kung desperado.

20. SANA MAY SM o SHOEMART!
Wala na sigurong hihigit sa pagkagulat ko ng marinig ko ang ilang Pinay na tumatambay sa isang mall nang sabihin nilang Sana ay may SM dito. Sa pakikusi ko, narinig ko rin na gusto nila ang SM dahil andon na daw ang lahat at mura pa. Isa pa daw, malaki at maganda. Dagdag nung isang babae, (na ginagawa ko rin), paguwi niya ay pupunta agad siya sa SM.

SOLUSYON:
A. Magpropose ng design in stick figure.
B. Piliting managinip in broad day light na nasa loob ng SM.
C. Umuwi ka na lang ng Pinas.

Bottom line, wag nang umasta na parang si Mai Mislang. Bilang Pilipino na kilala bilang matiyaga at mapagkumbaba, yakapain natin kung anu man ang meron sa bansang ating kinabibilangan. Basta wag lang kalimutan na maapakan ang identidad. Sabi nga, pag may katwiran, ipaglaban mo!

Isa pa, masuwerte pa rin tayo, ang dolyar na kinikita natin sa lupaing ating pinagtatrabahuhan ang bumubuhay sa ating pamilya. Dahil dyan, matuto tayong magpasalamat at mag-appreciate. Unting tiyaga pa, makakaipon din at makakabalik ng Pilipinas.


NEWS FLASH!

VOTING IS EXTENDED UNTIL DECEMBER 9! PUEDE KA PANG BUMOTO!

VOTE FOR MY BLOG ENTRY! VOTE FOR #22!

I AM INVITING EVERYONE TO VOTE FOR MY BLOG ENTRY ENTITLED "THE [BITTER] SWEET LIFE ABROAD," AN ARTICLE THAT COMPARES OVERSEAS LIFE WITH THE SWEETNESS OF A CHOCOLATE. SIMPLY CLICK ON THE IMAGE BELOW AND VOTE FOR #22, RATED E!

THANK YOU VERY MUCH! =)

No comments:

Post a Comment

ShareThis