Thursday, January 13, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: PAGIGING POSITIBO!

Sa panahon ngayon, maari mong sabihin na mahirap maging positibo sa buhay. Bakit? Maaaring basahin ito sa mg sumunod na kadahilanan: patuloy  na tumataas ang bilihin sa Pilipinas pero nanatiling mababa ang sahod mo; sinisisi mo ang hindi mo pagpayat sa kawalan mo ng love life; hindi ka natutuwa sa matinding trapiko sa kalsada; natatakot ka sa katotohanang ang mga pulis na ang pinagmumulan ng gulo o karahasan na dapat ay hindi; hindi mo nagamit ang napagaralan mo sa kolehiyo dahil tila kulang ang bakanteng propesyon sa isang tulad mo; sa kabila ng pagiging transparent ng administrasyon Aquino, tila mas naniniwala ka pa rin na ang pangingibang bansa ang pinakasolusyon para sa iyong magandang bukas. Sa mga patong patong na usaping ito, maaari mong sabihin na mahirap maging positibo sa buhay.

Positibo ako sa buhay. Pinili kong maging positibo dahil alam ko ang pakiramdam kung paano malungkot ng lubos, harapin ang mga pagsubok ng mag-isa at higit sa lahat, alam ko kung paano ang mga negatibong bagay ay maaaring lamunin sa dilim ang aking mga pangarap. Dahil sa karanasang ito, napagtanto ko na ang pagiging positibo ay nagsisimula hindi sa iba, kundi sa ating mga sarili. Totoo nga, ang pagiging positibo ay bunga ng tamang pagiisip.


Isang pagtatama lamang. Ang pagiging positibo sa buhay ay hindi pagtakas sa reyalidad o pagtalikod sa katotohanan. 

Ano ang tamang pagtingin dito? Ito po: ang pagiging positibo ay isang pagaambisyon o pagtawag sa magandang buhay kahit hindi po ito nagaganap sa kasalukuyan; ang pagiging positibo ay pagtingin sa positibong hinaharap na sa kabila ng pagsubok ay matatapos din ang araw at sisibol ang pag-asa; at higit sa lahat, ang pagiging positibo ay hindi pag-deadma sa mga imperpeksyon ng buhay. Sa huli, ang pagiging positibo ay pagtitiwala na bawat problema ay may solusyon at ang positibong bagay ay kusang lalapit kung tayo ay positibong magisip.


Ngayong umaga, ibabahagi ko sa inyo ang mga paraan kung paano maging positibo sa buhay. Isa isahin natin.


Iwas init ulo

Madalas, may mga bagay na nagaganap sa umaga na nakakapanginit ng ating ulo. Maaaring naagawan tayo ng taxi at late na tayo; isang text mula sa ating boss; matindi ang trapiko; isang bagay ang hindi mahanap at kailangang isuot; biglang buhos ang ulan at wala tayong payong; isang kotse o bus ang biglang nag-cut sa atin papasok sa opisina; mahaba ang pila sa MRT at kung anu ano pa. Tandaan, may karapatan kang mainis. Normal ang maasar or magalit. Ngunit dapat mo ring tandaan, kailangan mo ng pangontra sa iyong pagkainis. Dahil kung pababayaan mo ito, madadamay ang buong araw mo. 


Ano ang dapat mong gawin? Hayaang mainis o magalit. Pagkatapos, manahimik at magisip ng positibong bagay. Yan ay nagsisimula sa salitang... "Di Bale!" Kung naagawan ka man ng taxi, isipin na "Di bale, may taxi pa naman dyan." Sa isa pang pagkakataon, sa aspeto ng pag-ibig, kung iniwan ka man ng iyong mahal, isipin na, "Di bale, alam kong may taong makakatagpo ko at higit na magmamahal sa akin." Oo nga't lahat ng negatibong pangyayari ay maaaring sumampal sa iyong nanahimik at maayos na buhay, dapat mong isipin na ito'y mga pagsubok para sabihin sa'yo ng Diyos na marami ka ring blessings na hindi mo lang napapansin.

Sa ganitong konteksto, dapat mong isaisip na habang may buhay, may pag-asa. Higit pa riyan, bawat problema ay may solusyon. At kung pakiramdam mo ay kulang ang iyong lakas, bakit hindi ka humingi ng tulong sa iyong pamilya, kaibigan, at sa Diyos.


Biyaya


Sabi nila, mahalaga ang pera sa panahong ito. Dahil ang pera, kaya kang dalhin sa kakaibang lebel ng iyong buhay. Dahil sa pera, puede kang maging sikat. Dahil sa pera, mabibili mo ang mga pinakausong gadget, paguusapan ka at siempre, angat ka sa iba. At dahil sa pera, magagawa mo ang mga gusto mo. Sa pananaw ng mga abusado, siguradong pera ang susi sa lubos na kasiyahan. Sa mundong ito, maaaring sabihin na pera pera lang ang usapan.


Sa totoo lang, kailangan natin ng pera. Ang tanong nga lang, para saan ba ang pera? Kung iniisip mo na ang pera ay para gamitin sa paghihiganti; kung iniisip mo na ang pera ay para sumikat ka; kung iniisip mo na ang pera ay ang buhay mo? Siguro ay panahon na para muling magisip. Kahit na sabihin mong ang pagkakaroon ng maraming pera ay ang magbibigay ng pagiging positibo sa iyo, muli, magisip ka.

Hindi nadadala sa hukay ang pera. Kahit naman ang pagiging positibo, hindi naisasama sa hukay. Bagamat naipapamana ang pera at pagiging positibo, may higit na napapayaman ang pagiging positibo. Dahil ito ay naipapamana hindi lamang sa pamilya, kundi maging sa ibang tao. Ang pagiging positibo ay isang positibong sakit. Ito ay nakakahawa at nagsisilbing medisina sa mga problemado sa buhay.


Kung lagi mong iisipin na kulang ang kinikita mo, dapat mo ring isipin kung nga ba ang mga pinagkakagastusan mo. Kung ikaw ay nabubuhay ng higit pa sa kinikita mo, siguro nga ay panahon na gisingin ang pagiging matipid mo. Lalo na ngayon na nabubuhay tayo sa panahon ng pasiklaban ng gadgets, gym at gayahan, tila isang pagsubok ang harapin ang katotohanang kailangan mong magtipid.


Gaya ng sinabi ko, ang pagiging positibo ay nagsisimula sa pagiisip na ang pera ay hindi nadadala sa hukay. Oo nga't kailangan mong magtabi para sa magandang kinakabukasan ng sarili o ng iyong pamilya, ngunit pakatandaan din na life is short. Hindi ko sinasabing lustayin mo ang pera mo para higit mong ma-enjoy ang buhay mo. Siguraduhin na ang pera ay may patutunguhang makabuluhan. Paano? Bakit hindi mo subukang tumulong sa mga nangangailangn? Bakit hindi mo surpresahin ang iyong pamilya sa isang bakasyong pinagupunan mo at hindi dahil sa inutang mo pa; o bakit hindi mo subukang magbigay sa mga institusyong higit na nangangailangan ng pinansyal na tulong lalo pa't kung ikaw ay may sobrang kinikita. Sa ganitong paraan, isinasakonteksto mo ang kahalagahan ng pera sa pagtulong. Hindi ba't mas masarap ang pakiramdam at talagang magiging positibo ka?


Isiping kung ano ang meron ka ay isang biyaya. Kadalasan kasi, nakatingin na agad tayo sa mga bagay na hindi natin makuha. Lalo na ngayon, ang mga frustrations ay natatali sa pinakasimpleng luho: kasi hindi makabili ng iPhone, ng iPad, o ng kung anu ano pang bagay na kung iisipin ay hindi naman talaga kailangan. Isipin mo, ang kailangan lang talaga ay tamang pagkain, damit, matitirahan o kahit sasakyan. Kung iisiping mabuti. Sa halip na ibili ng mga gadgets, bakit hindi na lamang magtabi ng pera para sa paghahanda ng investments gaya ng lupa o bahay. O di kaya naman, maglaan ng budget para mga tipid packages na pagbibiyahe sa loob o labas ng bansa. Maraming paraan para gamitin ng tama ang pera. At yan ay nagsisimula sa ating pagiisip na ito ay mga biyaya na dapat gamitin ng tama at ipagpasalamat.


Karma

Hindi natin pansin, ang paniniwala sa Karma ay isang paraan upang maging positibo sa buhay. Kung lagi na lamang nating sasalubungin ang araw ng pangaapi o panlalamang sa kapwa, aba, panahon na siguro para maniwala tayo na ang hindi natutulog ang Karma. Subok na ang karma sa maraming pagkakataon. Hindi ko sinasabing dapat magdusa ang mga taong minsang nangapi o nanlamang sa kapwa. Ngunit, tila ang mga bagay na nangyayari sa kanila ay hatol ng tadhana. Gayunpaman, hindi huli ang pagbabago. Nasa tao ang pagbabago.


Inggit

Sa panahon ngayon, lalo pa't gamit ang social media na bumasag sa privacy ng bawat tao, hindi naiiwasang makita ang mga "masasayang" bagay o pangyayari sa buhay ng ibang tao. Nakakalungkot lang dahil sadyang di naiiwasang di mainggit ng ibang tao. 

Sa ganitong konteksto, panahon na rin siguro para magising sa katotohanang, di kailangan mainggit. Paano? Bakit hindi mo tingnan kung ano ang meron ka: Hindi pa ba sapat ang masayang pamilya?; at hindi pa ba sapat na buhay ka?Tandaan, ang pagiging positibo ay nagmumula sa appreciation ng kung ano ang meron ka. Mula sa simple hanggang sa pinaka-kompleks na biyaya, dapat mo itong tanggapin bilang biyaya mula sa Diyos.

Sa pagiging positibo sa buhay, may isang pagiisip na dapat iwasan. Dahil nga sa itinataguyod mo ang pagtingin sa iyong mga biyaya, wag naman sanang isipin na ikaw ay nakaka-angat sa mga mahihirap o naghihirap. Wag gawing isang tropeo ang mga simpleng bagay na meron ka at wala sa iba; "Don't feel good about yourself by looking down on others or delving on other people's misery." At ito ay tutugon sa sunod nating konsepto: Wag ikumpara ang sarili sa iba.


Ang pagkukumpara ng sarili sa ibang tao ang pinaka-ugat ng sandamakmak na frustrations sa buhay, at minsan ay nauuwi pa sa depression o suicide. Bagamat hindi maiiwasan na humanga sa ibang tao o tumingin sa kung ano ang meron sa iba para lalong magsumikap sa buhay. Ngunit sana, gawin ito bilang inspirasyon para ayusin ang buhay. Gayunpaman, dapat mo ring higit na kilalanin ang iyong sarili para alam mo ang kaya at di mo kayang gawin.


Dahil may Diyos

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, normal ang lumuha. Normal din ang maging mahina. At lalong normal ang magkamali. Ngunit pakatandaan mo, ang pagiging positibo ay nagsisimula sa pagbangon. At higit pa riyan, ang pagiging positibo sa buhay ay pinagtitibay ng pagtitiwala hindi lamang sa sarili, kundi lalo sa Diyos.


Kung ikaw man ay nalulungkot o naguguluhan sa buhay, bakit hindi mo subukang magdasal. Isipin mo, maaaring ang iginugugol mo sa pagdadasal ay hindi pa halos kalahati sa oras na ginagamit mo sa pag-fa-facebook. At isa pa, ang tunay na saya ay hindi nadadampot sa kung saan saan. Magugulat ka na lang, ito ay makukuha mo sa oras ng katahimikan at paguusap sa sarili. Gayunpaman, di ka naman nag-iisa. Laging andyan ang Diyos na handang makinig mula sa iyong simpleng reklamo hanggang sa kasiyahan ng iyong love life.


Ngayon, subukan mong maging positibo sa buhay.

2 comments:

  1. Dahil dito ay natulungan nio akong maging positibo sa kabila ng mga problemang kinakaharap ko sa ngayon. Maraming salamat!

    ReplyDelete
    Replies
    1. Naku, walang anuman! Good to hear na natulungan kitang maging positibo sa kabila ng mga kinahaharap mong problema. God bless! =)

      Delete

ShareThis