Monday, March 14, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: DAHIL KOMPORTABLE KA, EH ANO NGAYON SA EARTH?


Marami ang nagulat sa 8.9 magnitude earthquake na yumanig sa Japan. Sinabayan pa ito ng 10-meter high na tsunami. Kung panonoorin ang mga footage, masasabing parang pelikula ang mga eksena. Parang mga laruang inanod lang ang mga sasakyan, bahay at maging ang paglaki-laking mga truck.Kahit sino ay napa-nganga sa tindi ng delubyong hatid ng rumaragasang tubig na kahit mga gusali at bahay ay naianod sa loob ng ilang minuto.

Ngayong nangyari ang ganitong sakuna, marahil napapaisip ka. Totoo nga siguro ang sinasabi ng pelikulang 2012. Maari rin, kung pagbabasehan ang siyensya, possibleng ma-phase out ang sangkatauhan sa pagbulusok ng iba’t ibang sakuna. 

Totoo niyan, hindi natin kailangang iligtas ang mundo; mawawala tayo pero hindi ang mundo.Sa mga ganitong aspeto, ano pa nga ba ang magagawa ng teknolohiya sa oras ng matinding hatol ng kalikasan? Ano pa nga ba ang magagawa ng tao tungo sa pagkasalba?

Sa ganitong konteksto, paano nga dapat unawain ang mga sakuna sa kapaligiran. Siguro nga ay napaisip ka, paano kung ang Pilipinas ang sunod na lindulin. Handa nga ba ang bansa? Paano pa pag sinabayan ito ng tsunami? Paano ang Pilipinas. Paano, tayo, ako.

Hindi lang ang Pilipinas ang dapat mangamba. Ang totoo nito, ang buong mundo. Totoo ngang pagdating sa hatol ng kalikasan, walang mayaman at walang mahirap. Lahat tayo ay pantay-pantay na magkukumahog tungo sa ating kaligtasan.

Mula sa lindol ng Haiti, Chile, New Zealand at ngayon ay sa Japan, masasabing patuloy ang mga pagbabago o paggalaw ng mundo. Sinasabayan pa ito ng pagbabago sa Klima o Climate Change kaya’t ramdam ang matinding pag-ulan. Iba rin ito sa konsepto ng Global Warming. Ang global warming ay ang siyang dahilan sa pagkatunaw ng mga glaciers at mountain snow caps na nagiging dahilan sa pagtaas ng sea level. Nakakatakot isipin, may mga isla sa mundo na maaaring tuluyang mabura dahil sa pagtaas ng tubig.

Ngayong di maiaalis na nagbabago na ang mundo at ang sangkatauhan ay nasa panganib, ano nga ba ang puede mong gawin? O sige, puede mong sabihing, Komportable ka sa buhay, eh ano ngayon sa Earth? Aba, gumising ka.

Dito, inilista ko ang mga simpleng paraan para makatulong ka sa kaligtasan ng sangkatauhan dito sa mundo, nang pagkasalba ng ikaw, tayo, sila at ako.

  1. UMIBIG, IBIGIN ANG KALIKASAN. Isipin mo na ang planetang earth ay parang girfriend o boyfriend mo. Kailangan suyuin. Kailangan alagaan. Kailangan mahalin. At sa pagkakataong masasaktan mo ito, humingi ka ng tawad o gumawa ka ng paraan para makabawi. Aba! Sa tagal nating pakikipagrelasyon sa mundo, panahon na para mag-give naman tayo. Hindi puros take. Wag nating puwersahin ang mundo sa mga gusto natin. Matuto tayong unawain ito, at mahalin. Wag puros santong paspasan, samahan mo rin ang carino at santong dasalan.

  1. MAGLAKAD. Kung ang pilay nga ay nagsusumikap maglakad, bakit ikaw na walang kapansanan ay sadyang tinamaan ng katamaran. Ang paglalakad na siguro ang isa sa mga epektibong paraan para matulungan ang mundo tungo sa malinis na kapaligiran. Bakit? Dahil di kailangang gumamit ng gasolina na makaka-pollute sa hangin. Isa pa, makakatulong din ito para sa pagbabawas ng timbang. Malay mo sa paglalakad mo, makatisod ka ng love of your life o di kaya ay madiscover ka ng isang talent scout dahil para kang MOWDEL kung maglakad.

  1. DRIVE WITH CONSCIENCE.  Kung ikaw ay madalas na gumagamit ng sasakyan, maaari ka ring makatulong. Isa sa mga pamamaraan ay ang pagpili ng maliit na kotse kumpara sa mga malalaki na mas mataas ang konsumo sa gasolina. At kung naghihintay lang naman sa kasama habang nasa kotse, patayin na muna ang aircon. Sa mga ganitong pamamaraan, nakatulong ka rin sa kabawan ng carbon dioxide emissions.

  1. BAWAS AIRCON. Ngayong papalapit na ang Summer, marahil ay tataas na naman ang gagamit ng mga aircon. Sa kasamaang palad, ang aircon ay nakaka-dagdag din sa labis na paginit ng kapaligiran dahil sa kemikal na ibinubuga nito. Punto, di masamang mag-aircon pero sana ay in moderation. Kung ikaw ay nasa bahay lang naman, bakit di subukang wag nang mag-aircon at i-enjoy na lamang ang natural na hangin. Buksan ang bintana. Puede ring maghubad basta't siguraduhing walang ibang makakakita sa'yo. Maliban na lang kung trip mong mah-show, ho-ho-ho!

  1. TIPID ILAW. Sa panahon ngayon na puros gadgets, hindi kataka-takang tumataas ang pagkonsumo ng ilaw. Sa mga pagkakataong ito, subukan mo rin na minsan ay magtipid ng ilaw. Patayin ang mga ilaw na di ginagamit. Wag iwanang nakasaksak ang mga appliances na di ginagamit. Wag nang mag-washing machine kung kaya naman maglaba. At wag mag-charge ng mobile phone or laptop kung di pa naman ubos ang battery. Sa mga simpleng pagtitipid, nakakatulong ka sa pagkontrol ng labis na konsumo sa enerhiya.

  1. BASURA SURI. Sarap na sarap ka siguro sa pagngata ng paborito mong chichirya na nakalimutan mong itapon sa tamang basurahan ang plastic. Aba naman! Sana’y maisip mo na hindi nabubulok ang mga plastik. Kung yan eh mapupunta lamang sa mga kanal, siguradong magbabaha. Maniwala ka man o hindi, ang basurang itapon mo ay babalik din sa iyo. Isipin mo na lang sa tuwing magtatapon ka ng plastic o basura sa maling lugar ay ang rumaragasang baha. Sigurado, di mo na nanaisin pang magtapon.

  1. KALUSUGAN SA PAGKAIN. Maaaring isipin mo kung ano ang kaugnayan ng pagkain sa pagsalba sa sangkatauhan? Aba! Malaki. Sa panahon ngayon, mainam na suportahan din natin ang mga pagkaing kumikilala sa kaligtasan ng kapaligiran. Kailangan mo naisip na ang kinakain mong ‘sharks fin’ ay maaaring huli na dahil halos nauubos na ang mga sharks sa dagat? Naisip mo rin ba na paminsan minsan ay magbawas ng karne sa iyong diet bilang tugon sa matinding pagkatay sa ibang mga hayop? Maliban riyan, tandaan natin na ang pagkain ay di dapat masayang. Tama na dapat ay ubusin ang pagkain. Maliban sa marami ang hindi kumakain sa oras ng ating happy happy, ang mga pagkaing di nakakain ay kasiraan sa balanse ng food chain. Naisip mo bang ang di mo nakain ay sana’y nakain na ng isang gutom na tao? Bakit di mo subukang ibigay sa mg street children ang pagkaing di mo naman nagalaw. Share your katabaan, puede rin.

  1. ISIP PANGKALIKASAN. Ngayong nakikita mo na ang katotohanan sa kapangyarihan taglay ni Inang Kalikasan, panahon na rin para gamitin mo ang iyong galing at talino para suportahan ang ligtas at malinis na kapaligiran. Bakit di ka mag-volunteer sa mga tree planting projects? O bakit di mo subukan magbahagi ng mga advocacy sa social media? Magsisimula yan kung magbabago ka ng iyong pananaw o paguugali. Ito na rin siguro ang panahon na mas bigyan pansin ng bawat isa ang mga mahahalagang impormasyon tungo sa pangangalaga o siklo ng kalikasan.

  1. RECYCLE. Nakakatuwang isipin na malaki ang naitutulong ng pag-re-recycle. Sa pamamagitan nito, ang mga basura ay maaari pang mapakinabangan at magamit sa ibang bagay; ang mga bote ay maaaring gawing flower vase, ang mga diyaryo ay maaaring gawing paper mache, at kung anu ano pa. Kailangan mo lang maging malikhain. Kung si Ilian Diaz nga ay nakapagpatayo ng mga paaralan gamit ang bote!

  1. MAGHANDA- SA ISIP, SA SALITA AT SA GAWA! Sa mga nasaksihang sakuna, itinuturo rin nito sa atin na kailangang maging handa. Paano? Maliban sa pangangalaga sa ating kapaligiran, panahon na rin para ituro ang mga safety measures mula sa bahay, paaralan hanggang sa opisina. Sa bahay, bakit hindi magimbak ng isang emergency box. Sa paaralan, bakit hindi gawing bahagi ng mga klase ang puspusang survival tips in times of sakuna. At sa opisina, ang mga drills na tila nakalimutan na. Panahon na para maging aktibo lalo pa’t sunod sunod ang kalamidad. Maliban riyan, mag-imbak at makipag-ugnayan sa iba. Siempre, wag kalimutan, PRACTICE WHAT YOU PREACH!

Bilang panghuli, kung may panahon ka (lagi naman di ba?), panoorin mo ang pelikulang pinamagatang ‘HOME’ by Yan Arthus-Bertrand. Ito ang pelikulang gigising sa iyong diwa kung paano binago ng sangkatauhan ang ganda ng mundo sa loob ng ilang libong taon lamang. (CLICK). Thanks to my professor at UP OU, Dr. Lex, for showing us this video in class.

Tandaan, hindi simple ang usapin ng mga sakuna. Nakakatakot. Nakakabigla. Nakakatulala. At kung dadalhin ito sa pampamahalaang usapin, malayo pa ang tatahakin. Maraming negosyo ang masasagasaan gaya ng gasolina, petrolyo at kung anu ano pa man. Gayunpaman, bilang simpleng mamayan, may papel kang maaaring gampanan. Kung magtutulong tulong tayo, susulong ang mundo.

No comments:

Post a Comment

ShareThis