Thursday, April 28, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: ANG IMPERYO

Hindi ko maiwasan na sa pagkahaba-habang biyahe, sumasagi sa aking isipan ang samu't saring bagay. Madalas kasi,mula Fairview hanggang Trinoma kung saan madalas kong kinikita ang aking mga kaibigan, ang peligrosong biyahe ay nauuwi sa pagmumuni-muni sa buhay.


Halos tatlong linggo na rin ako sa Pilipinas. Pansin ko ang napakainit na panahon. Ramdam ko ang trapiko. Pansin ko ang posibleng peligroso sa pagsakay sa pampublikong sasakyan at ang takot ng holdapan. At higit sa lahat, tanaw ko ang reyalidad ng buhay sa Kamaynilaan. Gayunpaman, masaya ako at andirito ako sa aking bansa.


Sa lahat ng biyahe ko, pansin ko ang mga higateng Mall at mga umuusbong na condo. Tanaw ko ang mga advertising billboard, ang mga sticker sa bus, ang mga patalastas sa electronic billboard. Lahat ng ito, ibinabandila ang isang higanteng korporasyon - ang SM.


Tandang tanda ko noong 1990s, iilan lang ang SM. Maliban sa SM North, SM Megamall na ang pinakasikat na pasyalan ng mga Pilipino sa Maynila. Nagsisilbing tatak ng estado sa lipunan ang pagpunta sa SM. Oo, pag pumunta ka at namili sa SM, sikat ka na. Ito ang nagdidikta na angat ka sa lipunan o possibleng pumabilang sa gitnang uri o middle class.


Ngayon, gulat na gulat ako sa imperyong hatid ng SM. Hindi lang nito binago ang mukha ng lungsod, lumikha rin ito ng imperyong relatibo sa pagkapilipino. Na para bang kapag sinabing SM, yan ay pamilihan ng Pinoy. Ngunit ito ay isang romantisismo. Lumilikha ang higanteng korporasyon ng isang mundong umaakit sa mga Pilipino na "mag-shopping" sa kabila ng paralisadong sahod at mas nagtataasan pang bilihin.


Nakakakilabot ang pangitain, ang Pilipinas ay possibleng maging pagaari ni Henry Sy. Si Sy na ang pangulo. At ang Pilipinas ay posibleng maging isang malaking SM. Na hindi na rin malayong mangyari. Tayo nga ay ang pinasosyal na karinderya na bukas sa sinumang gustong kumain. Ang Pilipinas na nga siguro ang binihisan at techie puta na handang bumukaka dahil pagod ng kumayod sa kakarampot na kita. Nakakakilabot ang mga pangitain. 


Nagbago na ang loob ng SM. Malaking malaki ang pagbabago kumpara noong 1990s. Puno ng malalawak na espasyo. Naglipana ang mga international brands. Kakailangan pang sumakay ng shuttle para lumipat sa ibang bahagi ng Mall gaya ng MOA or Mall of Asia. 


Maliban sa mga malls, mas nakakagulat ang pagusbong ng mga Condominiums na pagaari rin ng SM Corporation. Sa isang sticker sa bus, kung di ako nagkakamali, hinahalina ang mga mamimili ng tagline na "home is where shopping is." Dito ipinapakita di lamang ang convenience ng access. Ibinabandila rin ang mundo ng higit na pagkonsumo ng mga produkto ng SM na relatibo sa pagiging korporasyon ng SM.


Sangayon ako sa pagbabago. Ngunit sana ang pagbabago ay hindi maging daan upang higit na maibaon ang mga indibidwal na bahagi ng lipunan. Naisip ba natin ang hirap na dinaranas ng mga sales lady sa loob ng SM na kakarampot ang kita kapalit ng maghapong paglalako ng produkto ng SM? Naisip din ba natin ang sakripisyo ng mga saleslady na ni hindi nila mabili o masubukang maangkin ang mga magagandang bagay sa kanilang kapaligiran? Marahil nga, binubulag tayo ng ideyang "masaya" at "it's all about shopping" ang mga malls. Tayo ay pumupunta rito ng hindi tumitingin sa higit na konteksto ng mapagkunwaring mukha ng korporasyon. Ipinaghehele tayo ng musika ng SM - "Here at SM, we've got all!"


Isang linggo na lamang at muli na naman akong babalik sa dayuhang lupain. Gaya ng mga saleslady sa Mall, ako ay muling papasailalim sa isang imperyo. Bilang isang OFW, muling magtitiyaga at kakayod upang tugunan ang pangangailangang mabuhay ng disente. Ang buhay na sa ibang bansa na pilit inaabot.


Muli akong babalik sa mga eksena ng pagtitiyaga; magbabaon; magtitipid; at muling mamangha sa mga bagong produkto ng Imperyo. Minsan, hanggang tingin lamang. Madalas, nanatiling isang pantasya. 


Hindi ako ipinanganak na Diyos. At sa usapin ng uri at lahi, ako ay nanatiling alipin ng mas malaking Imperyo - Ang globalisasyon.

No comments:

Post a Comment

ShareThis