Friday, April 15, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: BEINTE KUWATRO ORAS

Sa loob ng beinte kuwatro oras, marami ang possibleng mangyari. Lalo na dito sa Pilipinas, laging paspasan ang transaksyon. Lahat nagmamadali. Lahat ay parang may hinahabol.


Ito na ang panlimang araw ko sa Pilipinas. Hindi na rin pala biro ang maramdam mo ang pagka-ilang sa sariling bansa. Sa loob lamang ng isang taon, marami na ang nagbago. Nagbago ang anyo ng Quezon City. Malaki-laki na rin ang ipinagbago nito dahil sa mga gusaling parang mga kabuting nagsulputan.


Dumalaw ako ng UP para sa aking pananaliksik. Lulan ng FX, naramdaman ko ang bangis ng init ni haring araw. Nasabi ko sa sarili ko, summer na nga talaga sa Pilipinas. Uso na ang taglapot. Uso na ang pawisang katawan. Uso na rin ang nagpapainit na mga tanawin gaya ng mga babaeng naka-shorty short at gayundin ang mga pormang hunk na lalake. Hindi man ito bago sa Pilipinas, tila isa itong bagong putahe sa aking mata na halos isang taon ring nagpista sa konserbatibong bansa ng Brunei.


Sa FX, nagbayad ako ng 25 pesos. Bumaba ng Philcoa at nakipag-patintero sa mga bumubulusok na sasakyan. May halong kaba sa dibdib. Kailangan ba akong huling tumawid ng mabagal at may kasiguruduhan na hindi ako sasagasaan ng sasakyan dahil nasa pedestrian lane ako. 


Naglakad sa overpass. Nagmasid ng buhay sa ibabaw nito. Ang mga tindero ay todo sa paglalako ng produkto. May mga sulat at pinta ang ding-ding. Ramdam ang pagpapawis ng mga taong nakakasalubong. At ang kahabaan ng tulay ay puno ng nagmamadaling nilalang.


Sa pagsakay ng jeep, tagaktak pawis ako. Di ko na rin pinansan. Habol ko, makarating sa UP Mass Comm Library para manaliksik.


Sa Mass Comm, nagbalik ang alaala ng buhay kolehiyo. Oo, those were the days. Ang mga panahon ng pagtitipid para makapagpa-xerox ng readings o makabili ng props sa production. Those were the days ng higit na pagsisikap para magtapos. Ganoon din naman ngayon, dahil nga graduating na ako sa aking MA sa UP Open University, andon din ang pagsisikap.


Nagsimula akong manaliksik sa UP CMC Library. Masaya, komportable at malamig. Maliban sa nakakalulang eksena sa dami ng masustansyang aklat ukol sa mass media, mas inikatuwa ko ang pananaliksik ng mga bagong resources. Nasabi ko na lang sa sarili ko, babalik pa ako.


Bago ko lisanin ang UP CMC, dumalaw ako sa aking guro noong kolehiyo. Dinalaw ko si Ma'am Rose. Siya ang isa sa mga strikta na propesor sa production classes. Pero sa kabila nito, ang dami ko ring natutunan sa kanya. Dahil dyan, di ako nagdalawang isip na dalawin siya at pasalamatan sa kung ano mang tibay ng loob at gilas ng aking kakayahan sa production na ngayon ay aking napapakinabangan.


Lumipas ang oras kasabay ng mga nag-jo-jogging sa UP Oval. Sumakay ako ng jeep at tumungo sa Greenbelt 5 para makasama ang aking mga dating kasamahan sa isang popular na TV station.


Nakakatuwa dahil may pagkabaliw ang aking utak. Hindi ko matandaan kung saan dapat bumaba papuntang Greenbelt. Awa ng diyos, may sumaklolo sa akin. Mabait si manong at ginabayan ako. Dapat lang, trabaho niya ang pagbibigay ng ticket at gabay sa mga pasaherong bangag na gaya ko.


Sa Greenbelt, nagpasiklab ang pasosyalan. Puno ito ng mga dayuhan, ng mga sosyal at nagpapasosyal. Sila ang mga hari at reyna ng elitistang imperyo. Kami, salimpusa at sumusubok sa lambing ng gabi.


Di namin pinansin ang katahimikan ng kapaligiran. Sa aming pagkain sa Krazy Garlic ng aking mga kaibigan, higit pa sa mamahaling pagkain, nagumpaw ang mesa sa kamustahan, okrayan, tawanan at photo op. Di kami paawat sa hamon ng mapanghusgang elitista.


Matapos ang paglamon sa Krazy Garlic, sugod kami sa Cafe Breton. Nag-crepe at kape para laruin ang gabi at muling sariwaan ang masasayang araw ng produksyon at trabaho. Yon lang, kasabay ng bawat halakhak, tila balot naman ng landi ang gabi. Mula sa mga nagbihis at nagarteng mga babae hanggang sa mga babaeng seksi, napuno ang paligid lalo ng Cafe Havana ng samu't saring transaksyon ng aliw. 


Lumipas ang oras, natagpuan namin ang aming mga sarili sa isang videoke bar sa Ortigas. Kasabay ng mga hirit at birit, napuno ang inupahang videoke room ng mga tawanan, kantahan at sayawan. Nabuhay sina Taylor Swift, Lady Gaga, Ogie, Regine at kung sino sino pa!


Di naglaon, nagsimulang humupa ang saya pero tuloy ang ingay. At sa pagputok ng umaga, nagwakas ang masasayang tagpo.


Ito na siguro ang isa sa mga masasayang araw ng bakasyon ko sa Pilipinas. Pero alam kong marami pa ang susunod. Nakaabang lang ako. Naghihintay. Pasasaan pa't kailangan kong namnamin ang bawat oras. Minsan lang naman kasi ang sayang tumatagal ng beinte kuwatro oras.

No comments:

Post a Comment

ShareThis