Wednesday, April 13, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: DOON SA MASAYANG HIGHWAY!

Binagtas ko ang daan papunta sa Unibersidad ng Pilipinas. Sa UP Diliman ako nagtapos. At kahit walong taon na rin ang nakalilipas simula ng magtapos ako rito, tila sariwa pa rin ang lahat ng alaala. Dama ko ang buhay. Langhap ko ang halimuyak ng masasayang alaala. At tanaw ko ang kalinawan ng sigla.

May karakter ang kalsada ng Quezon City. Maingay. Mausok. At sa kabila ng pangambang hatid nito dahil sa mga walang disiplinang drayber, ang karakter nito ay nagsisimbolo ng pagsulong, pakikibaka at tagpi-tagping imahen ng kahirapan sa gitna ng industriyalisasyon.

Maingay ang radyo sa FX. Halos kulang nga ang lamig sa tindi ng init. Sa harap ng FX, nakasabit ang mga palamuti na umaaliw sa mga pasahero. God bless our trip ang sabi ng karatula.

Mainit ang panahon. Pero, mas mainit ang mga kaganapan sa kalsada. Maingay ang ale sa pagbebenta sa sidewalk. Maingay ang mga bata na naglalaro sa lansangan. Maingay ang nagchi-chismisan sa kanto. Maingay ang pito ng mamang pulis. Maingay ang kalsada. Buhay ito. Puno ng sigla.

Sa may babaan, di puede ang babagal-bagal. Tumatakbo ang karamihan, naghahabol sa siklo ng lansangan.

Pagsakay ko ng jeepnep papasok ng UP, tropa ng alaala ang sumalubong. Higit pa sa sariwang hangin na tumutuyo sa pagod na katawan, andyan ang kasariwaan ng kahapon. Apat na taon rin akong naglagi sa Diliman para matapos ang aking kurso.

Masaya ang alon ng lubak. Masaya ang biglaang preno. Kumakaway ang iilang sunflower sa kahabaan ng kalsada ng UP. Para rin namang sumsayaw ang mga puno sa paglalambing sa bagong dating.

Pamilyar ang kapaligiran ngunit nagbago rin. Pero ang masaya, may mga taong nagbibigay kulay sa pagtatagpo. Gaya ni Dr. Armi. Siya ang aking inspirasyon at idol sa pagtatapos ng MA at (sooooon) PhD of Communication.

Sa saliw ng maingay na DJ sa radyo at kalampag ng abalang kusina sa order, kumain kami sa Chocolate Kiss. Nagpalitan ng mga karanasan sa nagdaang taon. Puno ng tagumpay at higit pang pagsulong sa hinaharap.

Nakakatuwang isipin; "pag paulit ulit ang ginagawa, nakaka-saturate din." Sa mga puntong ito, isusulong ko na ang higit na pagtalon sa balon ng pagasenso. Bahala na ang Bathala ng karunungan.

Matapos ang paguusap, muli kong binagtas ang kalsada ng Diliman. Tutungo ako sa SM North. Sasalubungin at kakamustahin ko ang mukha ng industriyalisasyon.

Pamilyar ang daan, ang mga eksena sa lansangan. Mabilis. Nagmamadali ang mga tao. Abala ang mga barker sa paghakot ng pasahero. Nangangalabit ang mga batang lansangan. Buhat ng ale ang isang sanggol habang napapaligiran ng lima pang anak. May nagtutulak ng kariton. Walang sinusunod na daan ang mga bus. Pasaway man ang kalsada, ito ay puno ng buhay na higit na niyayakap ng sinumang nagagawi rito.

Pagdating sa SM, nagikot ako. Pinagmasdan ang gilas ng mga pamilihan. Tiningan ang liwanag na nakakasilaw. Naglakad upang humanap ng bagay na magpapaligaya sa sarili.

Maya maya, nakasama ko na si Elmirah, ang isa sa aking matalik na kaibigan.

Doon kami tumambay sa Bubble Tea, isang japanese resto. Bagamat ang lugar ay dayuhan, lokal naman ang aming pagbabahaginan ng karanasan.

Ang sarap ng mga salita. At mas higit na nakakakiliti ang mahabang pisi ng mga karanasan. Halos isang taon na rin pala ang nakalipas. At sa loob ng isang taon, marami ang nagbago.

Dalawa ang mukha ng pagbabago: Yung di mo inaasahan at inasahan mo. Sa kaso naman, pareho namang nakipaglaro ang mukha ng pagbabago. Mula sa buhay pagibig hanggang sa sitwasyon sa trabaho, parang sago lang na kay sarap higupin.

Oo nga. Napaisip ako. Hindi na kami bata. Tumatanda na. Gusto kong tanawin at yakapin ang salitang "enjoy" na tila nagiging mailap. Masyado nga siguro akong abala. Nakakalimutan ko ang aking sarili, ang aking kaligayahan.

Kailangan kong hanapin ang bagay na magpapaligaya sa akin. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa mga biyaya niya. Pero alam kong na kahit unti unti, matatahak ko ang daan tungo sa masayang HIGHWAY.

No comments:

Post a Comment

ShareThis