Wednesday, April 20, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: ISTASYON

Sa ilang araw kong paglagi sa Metro Manila, unti unti na rin akong nasasanay sa galaw ng kapaligiran. Ang bilis ng bawat araw. Mainit ang kapaligiran. Nagmamadali ang lahat. Sadyang maraming eksena ang umaagaw sa aking atensyon kasabay ng polusyon at masasayang mukha ng mga tindero sa sidewalk.

Andirito ang ilan sa aking mga obserbasyon.

Unang Pagkakataon

Sa unang pagkakataon, nakilala ko ang mga kaklase ko sa UP Open University. Totoo pala sila. Masayang kasama at puno ng ingay sa pagbabahagi ng karanasan. Lalo na pag taga-UP, wapak!

Pulubi

Kailan ba ako huling nakakita ng pulubi? Tanging sa Pilipinas lamang. Naglipana sila sa lansangan ng Metro Manila. Marungis pa rin sila. Pero pansin kong demanding na sila. Nagrereklamo pag inaabutan ng barya. Choosy na rin sila.

Barker

Mapa-jeep, bus o sa lansangan, lagi andon ang barker para maglako ng kanilang serbisyo.  Wala silang pakialam kung masigawan ka nila. Importante, sumakay ka sa pinapasada nila at maabutan sila ng unting barya ng drayber.

Grocery

Mahaba ang pila sa grocery at yan ay isang katotohanan sa Pilipinas. Maraming tao. Marami ang namimili. Nakakalula pa rin talaga ang grocery sa Pinas. Nagkalat ang Baboy. Nagkalat ang sangkaterbang brands. Pero mas nakakalula ang presyo ng bilihin. 

Gupit

Pinagupitan namin ang aking pamangkin na si Gab. Bahagi ng tradisyon, ako ang unang gugupit. Kailangan kamaganak daw.  370 pesos ang unang gupit ng aking pamangkin. May kasama pang certificate ang serbisyo. Paano ba naman, may before and after shot. Sa isip isip ko, magastos na nga talaga ang magka-anak!

Clown

Nung sabado ako muling nakakita ng super talented na clown. Siya na ang host, siya pa ang nagma-magic at nagba-balloon twist! Magaling pa mag-ingles. Bilib na naman ako sa Pinoy. Magaling pang magpatawa. Buti pa siya, sensitibo. Di katulad ni Willie.

Puyatan

Di ko na pansin ang oras sa panahong ito. Hindi ko na alam ang umaga, tanghali at gabi. Basta masaya ako. Masaya ako sa bawat sandali.

Propesyunal

Nakakatuwang muling makasama ang aking mga kaklase noong kolehiyo sa UP. Lahat kami ay mga propesyunal na. Ang isa, abogado na. Ang isa, DJ sa radyo. Ang isa, sa radyo din. Ang isa, umaariba sa call center. Ang isa, negosyante. Ang isa, wagi sa pagtuturo ng dayuhang wika. At ako, OFW. Pero lahat kami ay pare-pareho. Propesyunal.

Pagkaing Bruneian

Nagkainan kami nung Sabado ng aking mga kaklase sa kolehiyo. Maliban sa pinatikim ko sila ng Tom Yum Soup at Fried Rice, benta rin ang chicken at brownies ni Liza. In short, walang diet diet. At para kumpleto, nag-The Bar kami!

Init

Mainit na sa Pilipinas. Wala namang kumokontra. Marami lang ang nagpapawis at nagrereklamo. Pero pabor sa akin. Di ko na kailangang magwork out. Todo pawis ko sa kada lakad ko.

Seven Eleven

Muli ko namang nabisita ang Seven Eleven. Nanlaki mata ko sa mga instant meal. Marami ring alaala ang hatid ng seven eleven. Ito ang aking kuweba sa oras ng matinding gutom at walang budget.

Bus

Grabe talaga ang Bus sa Pilipinas. Mga hari ng kalsada. Gustong talunin ang mga jeep at maging ang eroplano sa bilis! Pero asensado na rin sila. May telebisyon sa loob ng bawat bus. Inaaliw ang mga pasahero upang pansamantalang indahin ang disgrasya na posibleng mangyari dahil sa pagharurot at kakulangan ng disiplina ng driver. Teka, 12 pesos na ang minimum fare sa bus.

Palaspas

Ang saya ko ng makakita ako ng maarteng palaspas. Maarte dahil may disenyo itong bulaklak, larawan ng santa at talagang hand-made!

Pamilya

Tuwang tuwa ako na makakita ng mga pamilyang sama sama. Mas natuwa ako nung nakita ko ang pamilya ko. Sama sama kasi kami.

Kalembang

Muli na naman akong nakarinig ng kalembang ng simbahan. At siempre, ang ice cream at ang binatog!

Tsismis

Buhay na buhay na naman ang ingay ng kapitbahay o ng mga tsismosa sa daan. Sinasabayan nila ang kahol ng mga asokal.

Sa Jeep

Kahit masakit sa pwet ang lubak na daan, nakakatuwa namang panoorin ang mga eksena sa loob ng jeepney. Nakakaaliw din ang pagabot ng bayad. Pero ang di nakakatuwa, ang mga taong kung umupo, kala mo mayari ng jeep.

Trinoma

Madalas ako ngayon sa Trinoma. Yan ang bahay ko sa gabi. Isang salita: Nakakalula!

Uso

Uso ngayon sa lalake ang V-neck na shirt. Hitsurang magsasaka. Sa babae naman, uso pa rin ang galdiator sandals. Gimmick look lang.

MRT

Muli na naman akong nakasakay ng MRT. Hindi ko akalain na mas tumindi ang siksikan dito. Mahahalikan ko na ang kilikili ng kaharap ko. At ang pawis ko, ga-balde dahil sa init. Buti na lang, buhay akong nakalabas ng MRT.

Biyahe

Unti unti pa rin akong sumusubok sa mahabang biyahe. Nakakapagod din pala. Sa mga pagkakataong ito ay naaalala ko ang katahimikan ng Brunei. Pero kahit nakakapagod sa Pilipinas, masaya ako. Kasi ito naman talaga ang lupa o bayang sinilangan ko.

More to come...

No comments:

Post a Comment

ShareThis