Monday, April 25, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: SA MADALING ARAW

Hindi ko na mabilang ang mga sandaling umuuwi ako ng madaling araw. Sinasagad ko na rin kasi ang mga nalalabing mga araw bago bumalik ng Brunei at muling tumutok sa aking pagaaral at tapusin ang aking kontrata.

Masayang umuwi ng madaling araw kahit balot ng dilim at misteryo ang mga daan ng quezon city. Sa tuwing umuuwi ako, nagbabago ang kalsada. May mga daang inaayos. May mga gusaling umuusbong. Pero ang mas kapansin pansin ay ang mas tumitinding peligro. Kaskasero pa rin kasi ang karamihan sa mga drayber.

Noong isang gabi, napagusapan namin ng mga kaklase ko sa UP ang mga modus operandi ng ibang sindikato sa mga sasakyan o taxi. Higit pa sa bangungot, nakakatakot talaga ang mga insidente. Lahat gagawin ng mga sindikato makuha lang ang gusto nila. Ayos lang sana kung pera o sasakyan lang ang tatangayin. Mas masakit pa nito kung pati buhay ng walang kalaban-labang nilalang.

Sa mga pagkakataong ito, hindi ko maialis ang takot. Kaya madalas, pinapakiramdaman ko ang taxi. Maliban pa sa galaw ng kumakaripas na sasakyan, nakahanda rin ako mga posibilidad sa kapaligiran. Basta ipinagdarasal ko lang na maging maayos ang biyahe pauwi,

Ang buhay ay parang biyahe, o pagsakay sa taxi. At sa konteksto ng buhay OFW, ang mga OFW ay parang mga drayber ng taxi. Kumakayod para may ipakain sa pamilya. Ngunit, sa pagpakikipagsapalaran ng isang OFW, andon ang panganib na madalas ay hindi naman nasusuportahan ng pamahaalan.

Sabi nga kasamahan ko sa UP, ang pagbansag sa mga OFW bilang mga bagong bayani ay tila isang paraan ng ROMANTISISMO. Parang mga boksingerong isinasalang ng lokal na pamahalaan ang mga OFW sa isang bakbakan ng walang kaserguruhan. Basta ang gusto lang ng lokal na pamahalaan ay ang pagkapanalo sa laban na relatibo sa laki ng remittance.

Malungkot ang ganitong sitwasyon at ito ay hindi imahinasyon. Isang reyalidad ang pakikibaka ng mga OFW. Madalas marinig na sila ay itinuturing na mga ATM ng kanilang mga kamag-anak. Ang tingin pa ng iba, mayamang mayaman na sila na sa oras ng nakaligtaang pasalubong, kung anu ano pa ang isusumbat. Ang katotohanan, higit pa sa lungkot, mas nakakalungkot na ituring ang isang OFW na isang gatasang baka.

Kahit sabihing kumikilos ang pamahalaan sa pagtulong sa mga OFW, makikita pa rin ang kakulangan sa suporta. Simpleng pagtulong lang sa mga kaso ng mga OFW, pasa pasa pa ang nagiging hantungan. Maging ang mga serbisyo ng pagproseso ng papeles, may kabagalan din. At ito ay hindi lamang tali sa sitwasyon ng mga OFW, maging sa ibang institusyon ay kita ang kakulangan.

Ilang beses na ba akong nakarinig na "umuwi ka na lang" sa halip na tulungan ng embahada ang mga nagigipit sa pagharap sa mga sitwasyon? Bakit, abala ba sila? Ganoon ba dapat itrato ang mga bagong bayani? Paano na lang tutugunan ang sigaw ng karamihan sa mga OFW na "save your sanity?"

At sa higit na pagususuri, anong hakbang ng pamahalaan sa mga OFW na mawawalan ng trabaho o nagnanais na bumalik sa Pilipinas? Ang punto, maliban sa pagpunto sa mga OFW sa kanilang sitwasyon, gaano ba talaga itinuturing ng pamahalaan ang mga binansagang bagong bayani? Ito ba ay nasusukat sa pagtulak sa mga OFW na sumuong sa panganib ng ibang bansa, makipagsapalaran at sa oras ng peligro, sila pa ay natatalikuran.

Isa akong OFW. Isang mapalad (dahil iba ang turing sa akin ng aking mga kaibigan at pamilya at kahit papaano ay napagtitiyagaan ang employer) kumpara sa libo-libong nakikipagsapalaran sa kung saan-saang parte ng mundo. Ngunit hindi maiiwasang mapaisip din sa mga reyalidad ng kapaligiran. Hindi naman kasi panghabang buhay na karera ang pagiging OFW. Temporaryo ito. Gaya ng pagsakay ng taxi sa madaling araw, uuwi at uuwi ka pa rin sa iyong sinilangan. Oo, sa Pilipinas. 

No comments:

Post a Comment

ShareThis