Thursday, April 21, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: SEMANA SANTA AND ALL ITS WORTH!

Habang  isinusulat ko ito, nakikinig kami ng siete palabras o ang seven last words. Maya maya lang, magpu-prusisyon na kami. Sa mga puntong ito, sinasabayan ng init ng panahon ang init ng pananalita ng mga speakers sa telebisyon. Ang ibang tagapagsalita, umiiyak. Ang iba, lumuluha. At ang iba, nagpapatawa. Epektibo naman ang kanilang mga pagbabahagi.

Ano nga ba talaga ang tunay na kahulugan ng Semana Santa? Ito ba ay ang pagpunta sa Boracay? Ito ba ang pag-swimming? Ito ba ang walang katapusang lakwatsa. Sasabihin ng iba, kasi naman, ito lang ang panahon para makapagpahinga. Ika nga nila, long vacation.

Di naman ako kumokontra sa lakad ng iba. Kanya kanya rin naman ng pagpapasya ang bawat isa. Pero para sa akin,ito ang panahon ng higit na pagninilaynilay. Ito ang panahon para magisip isip sa nagdaang tao. Ito ang pagkakataon na kahit papaano ay magpatawad at humingi ng tawad.

Sa mga nagdaang taon, di ko maiaalis na nabalot ako ng poot, ng pagkabalisa. Di ko naman na kailangan ulitin ito. Isa lang naman ang hiling ko, ang makalipat ng bagong trabaho kung saan mas magagamit ko ang aking Masters. Hangad ko sana na makapagturo o di kaya ay mapasok sa isang research-based institution or media outfit. Balak ko na rin kasing mag-PhD matapos ang masters.

Kung babalikan ko, may mga bagay na kinaasaran ko sa paligid ko. Marami ang di pantay na pagturing. Hindi ko na isusulat dito at baka pagmulan pa ng gulo. Basta ang alam ko lang, hindi natutulog ang Diyos. May karampatang paghuhukom ang lahat. Hindi naman ako naghahangad ng kapariwarian ng mga taong yon. Basta, nasa Diyos na ang lahat.

At ngayong semana santa, ito na ang panahon ng higit na pagpapatawad. Kaya buong puso ko silang patatawarin. Ngunit di ako titigil na abutin ang aking pangarap. Susulong ako. 

****

Kagabi, nagbisita Iglesia kami. Bahagi ng tradisyon ang pagbisita sa pitong simbahan. Sa pagtuntong sa bawat simbahan, nagaalay ng dasal at hiling.

Sa pagpasok sa loob ng simbahan, hindi ko maiwasang muling balikan ang mga eksena sa buhay mo na higit kong dapat ipagpasalamat at higit na ihiling ng gabay!

Sa bawat simbahan, namutawi ang iba't ibang hiling. Mula sa kalusugan, kapayapaan at higit na pagkakaisa ng pamilya, higit ang paghiling sa pagsasamasama ng pamilya at pagbot pa ng pangarap tungo sa magandang bukas.

Unang Simbahan: Holy Cross Church
Sa simbahang ito, hiniling ko ang higit na kalusugan para aking pamilya. Nawa'y bawat isa ay basbasan pa ng lakas para sa mahabang taon ng pagsasamasama at saya.


Ikalawang Simbahan: Sacred Heart Church
Sa Simbahang ito, hiniling ko na sana ay maibigay na ang trabahong aking hinahangad. Hangad ko rin na makapagtapos na ako ng MA at sumulong sa pagkuha ng PhD.





Ikatlong Simbahan: Mary The Queen Church
Sa Simbahang ito, hiniling ko ang higit pang katahimikan at kasiyahan ng kaluluwa ng aking yumaong ina, limang taon na ang nakakalipas. Alam ko namang andyan lang si Mama, pinapanuod at ginagabayan kami.



Ikaapat na Simbahan: Good Sheperd Church
Sa Simbahang ito ay hiniling ko ang kaligayahan ng bawat miyembro ng pamilya. Kasabay nito ay ang higit na kalusugan at katatagan ng aming mga kamaganak sa bawat pagsubok.
Ikalimang Simbahan: Church Along Visayas Avenue
Sa Simbahang ito ay hiniling ko ang higit na pagkakaroon ng tibay ng loob sa panibagong pagsubok sa pangingibang bansa. Naway gabayan ako ng Diyos sa mga hirap at pagsasakripisyo.



Ikaanim na Simbahan: Church at UP
Sa simbahang ito, hiniling ko ang kasiyahan ng bawat isang miyembro ng pamilya. Ang maayos na relasyon at mas mayabong na ugnayan ng bawat isa.

Ikapitong Simbahan: St. Peter Parish
Sa Simbahang ito, hiniling ko na sana ay basbasan pa kami ng higit na pagmamahal at pagtitiwala sa Diyos. At siempre, ang pagkakaroon ng pusong marunong magpatawad.


Ang mas kapansin-pansin sa bawat simbahan ay ang mga nagtitinda. Mula sa mga parapernalya sa pagdarasal hanggang sa pagtitinda ng pagkain, kumpleto. Tila hindi nila iniinda ang hirap. Basta ang mahalaga ay makabenta upang tugunan ang kumakalam na sikmura.



Kalsada sa Imperyo ni Juan

Pawisan ang Ale
Bili na suki

Todo kayod si Manong
Boss, Yosi! Yosi!

Nagtutulak ang mag-ina ng kariton
Bote! Dyaryo!

Nangungusap ang paslit
Palimos po

Nagdaan ang Diyos
Excuse me.

Ito ang emperyo.
Ikaw, saan ka lulugar?

No comments:

Post a Comment

ShareThis