Tuesday, May 17, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: ANG BISA NG PAGLUHA AT DASAL

Ngayong gabi, hindi ko maiwasang hindi maiyak. Matapos ang dalawang taon, muli akong lumuha sa Brunei. Hindi ito luha ng saya. Ito ay luha ng pagkabagabag, ng takot at ng karamdaman.

Naguusap kami ng tatay ko. Sumasakit ang dibdib ko. Ito ang pakiramdam ng inaatake ng scoliosis. Sisihin niyo ako, mukhang dala ito ng pagod. Pagod na mula sa Maynila. Pagod mula sa dapat ay oras ng pahinga. Pagod na hindi maipaliwanag. Pagod na nagmumula sa kakaiisip ng kung anu-ano.

Marami akong iniisip. Kung anu ano ang iniisip ko. Ang pagkabagabag na baka kung ano ang mangyari sa akin. Kung ano ang maging bukas. Hindi ako nag-e-emo lang. Ramdam na ramdam ko. Isa nga siguro ito sa mga gabing gusto ko lang umiyak habang kausap si Lord. At sa unang pagkakataon, muli kong kinausap si Lord ng may pagagos ng luha sa aking mga mata.

Ito na siguro ang luha ng hindi maipaliwanag na damdamin.Umaagos ang luha. Umaagos ang emosyon. Umaagos ang mga salita na hindi ko mapigil.

Marami akong sinabi kay Lord. Habang bumubuhos ang luha sa aking mga mata, alam kong nakikinig siya sa akin. Kahit paulit ulit ako, alam kong nakikinig siya. Kahit si Mama, kinakausap ko. Nakikinig sila. Nakikinig sa sigaw ng damdamin ko.

Patawad. Hiling. Pagsulong. Yan ang mga lumabas sa mga salitang umagos sa gabing ito.

Nakakatuwang isipin. May kung anong liwanag ang sumibol sa aking damdamin. Sa halip na takot o pangamba ang maramdaman ko ay parang muli akong isinilang. Totoo nga. Wala ng tatalo sa pananalig at pagtitiwala sa Diyos.

Ipinagdasal ko ang pamilya ko, ang mga kaibigan ko, ang mga taong malalapit sa akin. Ganoon din ang para sa sarili ko. Dasal ang naging sandata ko.

Kung ano man ang plano ng Diyos, siya lang ang nakakaalam. Tanging siya at siya lamang. Basta ang alam ko lang, susulong ako sa pagabot ng aking pangarap para sa aking sarili at sa aking mga mahal sa buhay.

Minsan, at sa lahat naman ng pagkakataon, matatag ako. Pero sa gabing ito, hindi ko napigilan. Kailangan kong umiyak upang sabihin sa Diyos na tao rin ako.

Higit akong nagpapasalamat sa tatay ko. Sa walang sawang pakikinig at advice. Gayon din sa aking mga kaibigan. Maraming salamat. Hindi sapat ang maraming salamat. Higit pa.

Ititigil ko na ang buhos ng emosyon. Basta ang alam ko lang. Sa gabing ito, naniwala akong, BONGGANG BONGGA ANG BAWAT ARAW sa buhay ko.

Panibagong araw. Panibagong pagsulong.

Salamat!

Salamat Lord.




No comments:

Post a Comment

ShareThis