Monday, May 9, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: FX!

Sa mga naging lakwatsa ko sa Pilipinas, madalas akong lulan ng UV Express. Ito na yata ang isa sa mga opisyal o accredited na pampasadang FX sa kamaynilaan.


Nakakatuwang sumakay ng FX sa Pilipinas. Marami akong karanasan na minsan ay kinaasaran at tinawanan ko na lang. Sino ba naman ang hindi iinit ang ulo sa siksikan kasabay ng mainit na panahon. Malas pa, ang ibang nasasakyan kong FX, kulang sa lamig ang aircon.


Maraming eksena sa loob ng FX. Yung iba, nakakatuwa. Yung iba, nakakairita.


Mabuti nito, simulan natin sa mga “nega vibes” sa loob ng FX.


  1. Ayaw magabot ng bayad. May ibang pasahero, ayaw nilang magabot ng bayad ng iba. Hindi nakakatuwa ito. Sino ba naman ang gustong mapunta sa likod. Eh kung abot kamay nga lang si Manong, hindi naman na makikisuyo pa.
  1. Pawis to the max. Hindi maiiwasan na magpawis sa Pilipinas dahil sa tindi ng init. Pero ang iba, tila wala ring pakialam kung masagi ka ng pawisan nilang braso. Ang masama pa nito, wala rin silang pakialam kung parang ANCHOR na nakasabit ang kanilang basang kili-kili sa iyong balikat.
  1. Sakim sa aircon. Pareho pareho lang naman ang bayad sa FX. Pero ang iba,akala mo ay nabili na nila ang buong sasakyan. At sa pagaambisyong yang, sinosolo nila ang aircon. Lalo na ang ibang nakaupo sa gitna. Wala ata silang pakialam sa mga nasa likod na hindi naabot ng lamig.
  1. Deadma sila. Sila ang mga pasaherong titingnan ka lang kahit nahihirapan kang isara ang pintuan ng FX, in particular, yung nasa likod. Wala silang pakialam. Basta nakikinig sila sa kanilang iPod or nag-te-text sila, deadma sila.
  1. Upong may-ari ng sasakyan. Ang FX ay pampublikong sasakyan at hindi pribado. Nakakainis lang dahil minsan ang ibang pasahero, ni ayaw masiksik o umurong ng ayon sa espasyong binabayaran nila. Ang iba pa, kung makabukaka, akala mo ay may iniipit na pakwan.
  1. Drayber na Barubal magmaneho. Sa halos araw araw kong biyahe, ang dami kong FX na nasakyan na parang mag-ta-take off na eroplano sa bilis magpatakbo. Halos mapamura ako nang nakaupo ako sa harap at muntik kaming sumabit sa kaskaserong bus. Awa ng diyos, walang aksidenteng naganap.

Maliban sa mga nakakapang-init na eksena sa loob ng FX, mayroon din naman yung matatawa ka na lang. Pagmasdan mo lang ang mga pasahero o pakinggan mo ang kanilang usapan, makakasagap ka na ng kuwento gaya ng…

  1. Nawalan si Ate ng 2,000 pesos. Papunta kami ng Divisoria ng pinsan ko para mamili ng kung anik-anik. May nakasabay kaming babae na halos talk sa telepono dahil nawalan daw sya ng dalawang libong piso sa apartment nya. Nagdududa siya kasi tatlo lang sila sa apartment. Sino naman daw ang kukuha non? Dahil dyan, simula sa pagsakay hanggang sa pagbaba, namomoroblema si Ate sa dalawang libong pisong nawala sa kanya.

At ilan pang eksena...


  1. Walang Barya! Sa ilang araw na pagsakay sa FX, dalawang pasahero ang nakasakay kong 500 pesos ang pambayad. Yan ang dahilan kung bakit uminit ang ulo ni mamang drayber. Wala ka bang barya? Yan ang madalas sambit ng drayber na napapakamot na lang ng ulo. Wala rin naman magawa ang pasahero dahil wala talaga siyang barya. Dahil sa tension sa loob ng FX, pati puso kong nanahimik, natetensyon. Mahirap na. Pag nagwala ang drayber, damay kaming pasaherong walang malay.
  1. Basta Drayber, sweet Lover? Mukhang totoo nga ito. May ilang FX akong nasakyan na saksakan ng galang ang mga drayber. Para silang teacher ng GMRC sa pagkamagalang. Laging may “po” at “opo” ang pagsagot. At ito ay sa pakikipagusap sa lalake o babae. Naisip ko. Buti pa sila may galang sa tao. Di katulad ni Willie Revillame, walang preno at di nagiisip kung magsalita.
  1. Santong Kabayo. May nakasabay ako sa FX na matandang babae. Kasama ang anak niyang lalake. Todo siya sa pagrorosaryo. Pero nung halos nangailangan ang katabi kong babae ng tulong para mapainom ng gatas ang anak nito, halos walang pakialam ang nagrorosaryo. Oo nga naman. Baka busy siya sa pakikipagusap kay Lord.
  1. Chismisan. Sa loob ng FX, maririnig mo ang samu’t saring chismisan ng iba’t ibang tao. May nakasabay akong dalawang bading. Todo sila sa chismisan ng lalakeng tipo nila at nailabas nila. Sinasamahan pa nila ng hagikgikan. Tuloy, ang mga nakasakay sa FX, nakapakinig ng libreng chika! Live na live!

Kakaiba talaga ang pagsakay sa FX. Nakikisakay ka rin sa takbo ng buhay ng iba't ibang tao.

No comments:

Post a Comment

ShareThis