Monday, May 9, 2011

EXPLOSIVE ENCOUNTER: KALDE-KALDERONG EKSKARSYON!


Sa tuwing sasapit ang tag-init o Summer sa Pilipinas, isa lang ang hanap o trip ng pinoy. Yan eh ang mag-swimming. Mapa-beach o pool, sugod ang mga pinoy.


Sa bakasyon ko sa Pilipinas, dalawang beses akong nakapagswimming kasama ang aking pamilya. Maliban sa bonding ko kasama ang aking pamilya, marami akong napansin sa tradisyon ng Pinoy Swimming.


Sugod ang Baranggay. Nakakatuwang pagmasdan ang bara-baranggay na nagsi-swimming. Mula sa pinaka-bata hanggang sa pinaka-matanda sa baranggay, kasama sa outing. Dahil dyan, kung takot ka sa maraming tao, baka magpanic ka. Dahil talagang batalyon ang sugod ng mga Pinoy sa tuwing tag-init.


Kalde-kaldero. Tradisyon ng bawat Pinoy ang magdala ng kalde-kalderong pagkain sa swimming. Maliban sa tipid ito, mas marami pa ang puedeng makain. Kaya wag ka ng magtaka kung makita mo ang mga mag-si-swimming na Pinoy na may dalang kalde-kaldero o bande-bandehadong pagkain mula kanin hanggang ulam.


Mangga at Bagoong. Maliban sa mga chichirya, ang mangga at bagoong ang di mawawala sa hapag ng Pinoy tuwing oras ng swimming. Mula hinog hanggang hilaw, naguumapaw ang mangga!


Swimming ng may damit. Pansin ko, dumarami na ang mga lumalangoy ng nakadamit. Maliban siguro sa nahihiya silang ipakita ang kanilang katawan, ayaw din nilang ma-sunburn.


Salbabida. Maliban sa salbabidang nakasabit na sa katawan dala ng sobrang paglamon, di rin mawawala ang mga salbabida sa swimming.


Bawal ang bote. Natutuwa ako at ipinagbabawal na ang pagpasok ng mga inuming nasa bote sa loob ng resort. At least, kung may mag-away man, walang basagan ng bote!


Ihaw. Patok na patok sa eskarsyon ang pagiihaw. Kaya wag ka ng magtaka kung makakita ka ng mga pamilyang may dalang mga iihawing isda, baboy, manok at hotdog!


Wala ng espasyo. Tuwing taginit, wag ka ng umasang makakalangoy ka ng maayos sa pool. Yan eh sa kadahilanang wala ng espasyo para makalangoy ka pa. Sa dami ng taong nagbabad sa tubig, gugustuhin mong lumublub na lang. Kung anti-social ka, mabuti pang magshower ka na lang.


Tubig na Ibang Timpla. Nakakadire mang isipin, may iba ata talagang umiihi sa pool. Dahil dyan, iniiwasan kong makainom o makasinghot ng tubig sa pool. Katakot lang!


Pagandahan ng katawan. Ang summer season o taginit ang panahon upang mamukadkad o bumida ang mga hunks at diyosa sa pool. Dahil dyan, wag ka ng magtaka kung napakaraming mga hunks at diyosa na rumarampa sa gilid ng pool.


Shades oh Shades. Hindi ko maintidihan ang iba. Naliligo sila sa pool pero naka-shades sila. Gusto kong tanungin, goggles ba ang trip mo?


Humuhulas na Lotion. Ang iba, mukhang di pa kumakapit sa balat ang lotion, lusong na sa pool. Kaya di kataka-taka, para silang natutunaw na ice cream sa pagahon sa pool.

No comments:

Post a Comment

ShareThis