Saturday, June 18, 2011

ANG WIKA NI PAPA

Ngayong Father's Day, handog ko sa aking "Papc" ang isang sanaysay. 



Hindi palasalita ang tatay ko, na mas tinatawag naming Papc. Madalas nung lumalaki kami, subsob si Papc sa trabaho. At kapag darating sa bahay at galing opisina, pagkakain at matapos i-check kung tapos na namin ang aming mga assignment sa school, nagpapahinga na ito. Kailangan kasi nilang gumising ng alas-kuwatro ng umaga para hindi mahuli sa trabaho. Kailangan nilang bagtasin ang biyahe mula Fairview papuntang Roxas Boulevard. Kailangang kumita para mapagaral kaming magkakapatid.


Hindi palasalita ang tatay ko. Siya ang taong sa halip na magsalita ay kikilos na agad. At sa katangian niyang iyan, naibahagi niya sa akin ang ugali ng pagpopokus sa paaralan. Bata pa ako noon, si Papc na ang nagtuturo sa akin o nagrereview kapag may papalapit na pagsusulit sa eskuwela. Tandang tanda ko noon, dahil hindi ko maintindihan ang simpleng less than at greater than sa Matematika, paulit ulit niya akong tinuruan hanggang sa makuha ko ito. Hindi man niya ako sinesermonan, itinuturo niya sa akin ang pokus at tiyaga upang unawain ang mga bagay. Gamit ang piling salita, naunawaan ko ang leksiyon. Hindi lamang kung ano ang greater than o less than. Naintidihan ko ang kahalagahan ng pagiisip at pagbabasa sa halip na magsabing "hindi ko naiintindihan."


Hindi palasalita ang tatay ko. Ngunit, sa mga pagkakataong nagkakamali kami, ipinapaliwanag niya sa amin ang tama. Piling pili ang salita. Ngunit kung minsan ay labis ang aming pagkakasala, tumataas din ang boses niya upang idikta sa amin ang kahalagahan ng pagkatuto sa buhay. Sa mga oras na mahirap kaming pagsabihan, nagtitiyaga siyang magsalita sa aming harapan. Minsan naman, nasasalubong namin ang sinturon.


Hanggang sa nagbinata ako at pumasok ng kolehiyo, hindi pa rin palasalita ang tatay ko. Madalas, iniabot niya lang ang aming tuition para sa eskuwela. Inilalagay din niya ang aking baong pera sa mesa sa loob ng aking kuwarto na makikita ko na lang ito sa umaga at wala na sila ni Mama at pumasok na sa opisina. Kung may kailangan man akong librong bilhin o school project na paggagastusan, si Papc ang tumutugon rito. Kung si Mama ang tagabigay sa amin ng pera upang tugunan ang aming personal na luho, si Papc ang sandigan namin sa usapin ng pagpapaaral sa amin, pambayad sa ilaw, kuryente at mga importanteng gastusing pampamilya. 


At nang magsimula akong magtrabaho, hindi pa rin palasalita si Papa. Ngunit, kahit hindi siya palasalita, nangangamusta si Papa kung ano na ang aking lagay sa trabaho. Kahit di man siya magsalita, alam kong ang gusto lang naman niya ay ang maayos na lagay bilang propesyunal. Tandang tanda ko, minsan ko silang sinulatan ni Mama ng aking hinaing sa trabaho. Kinabukasan, niyakap lang nila ako at sinabihan, kung ano ang desisyon mo ay susuportahan ka namin. Piling pili ang salita. Walang labis at sapat lang para maunawaan kong suportado ako ng aking magulang.


Nagbago ang lahat nang mamatay si Mama. Taong 2006, hindi na namin nakasama pa si Mama sa mga sumunod pang Mother's Day, Birthdays, Pasko at Bagong Taon. Nagbago ang pamilya, lalo na si Papa.Nagbago bilang isang ehemplo ng higit na katatagan. Mula sa pagkawala ni Mama, mas naging malapit ang bawat isang miyembro ng pamilya. Kailangan namin ang suporta ng bawat isa para malampasan ang unos ng pighati at pangungulila.


Hindi pa rin palasalita si Papa. Itinuloy niya ang kanyang buhay. Muling nagbalik opisina matapos maasikaso ang mga papeles ni Mama. At kami naman ay nagbalik sa kanya kanya naming buhay. Ngunit kahit anong limot ang gawin, sadyang masakit ang pagkawala ng aming ina. Nagsimulang magbukas ang panibagong kabanata ng aming buhay.


Nagabroad ako. Naiwan sa Pilipinas ang aking pamilya. At sa pagbabagong ito, nagbago rin ang aming relasyon bilang pamilya. Mas naging maigting ang ugnayan. Mas namiss ang isa't isa. Mas naging matatag at muling nangarap sa kabila ang pagkawala ni Mama.


Nang magretiro si Papa, maliban sa pagseserbisyo sa simbahan, nahumaling siya sa Taichi, isang uri ng ehersisyo mula sa Tsina. Nagaral pa siya mula sa isang Taichi Master.


Gaya ng bawat galaw sa Taichi, muling ikinumpas ni Papc ang kanyang buhay bilang isang balo. Ang bawat galaw ay nagbigay lakas sa kanya. Ang bawat pagsalubong sa araw tuwing mageehersisyo ay parang pagsulong sa panibagong buhay na kinahaharap. Ang bawat paghakbang ay naging daan upang tahakin pa ang malusog na pangangatawan. Unti unti, itinuro sa akin ni Papa ang Taichi.


Sa pagbabahagi ni Papa ng Taichi sa akin, ibinahagi rin niya ang bawat galaw ng kamay, paa at pokus dito. Bagamat noong una ay mailap ako sa ganitong uri ng ehersisyo dahil mas naniniwala ako na nakakapayat ang pageehersisyo ng gym, unti unti ko itong niyakap dahil nakita ko ang napakagandang pagbabago kay Papa. Sa edad na 60, mas mabilis pa siya maglakad sa amin; mas aktibo; di madaling mapagod; at laging may talas ng isipan. Ika nga, mas malakas pa sa kalabaw kung gumalaw.


Unti unting nagbago si Papa. Kung dati ay si Mama lang ang madalas naming makausap, ngayon ay nakakausap na rin namin siya. Sa pagtuturo lang ng Taichi, naging bukambibig niya ito. Ibinabahagi niya ang kanyang kaalaman kung bakit mainam ito sa katawan.


Sa kabilang banda, naging katuwang din namin ni Papa ang Chatting para magusap. Kung dati ay hindi namin siya makausap dahil hindi rin naman kami sanay na magusap ng bagay bagay sa bahay. Ngayon, bukas ang linya upang magsabi ng nararamdaman. Kung ano man ang mga salitang gagamot sa nararamdaman, sinusubukan itong ibato sa online world. 


Naging bonding din namin ni Papa ang pageehersisyo. Mula sa taunang pagdalaw ni Papa dito sa akin sa Brunei, itinuro rin niya sa akin ang mga aral ng buhay na maihahalintulad sa pag-ta-Taichi.


Gaya ng Taichi, hindi kailangang magmadali. Kailangan, marahan ang galaw at may kaseguruhan. Sa ugali kong minsan ay madalas mainip, itinuro ng Taichi ang kahalagahan ng pagbagal sa kaysa sa pagmamadali. 


Gaya ng Taichi, sinasalubong ng buong tikas ang pagbangon ni Haring Araw. Sa pagsamyo ng enerhiya mula sa araw, ikinukumpas sa bawat galaw ng buhay ang pagpapahalaga sa tiwala sa sarili at lakas na harapin ang anumang hamon. At kung sakaling mapagod man, maaring magpahinga at muling sumabak.


Gaya ng Taichi, bawat galaw ay may pokus. Itinuturo nito ang kahalagahan ng tamang pagiisip na maaaring maghatid ng tamang pagdedesisyon sa buhay.


Gaya ng Taichi, hindi kailangan ng maraming salita upang maisagawa ang isang bagay. Ang pakikipagusap sa sarili ay mas higit na naisasaktuparan gamit ang pagdinig sa kaibuturan ng puso.


Gaya ng Taichi, hindi kailangan pasakitan ang katawan sa pamamagitan ng matitinding pagbubuhat ng bagahe sa buhay. Madalas pa nga, ang pagpapaanod sa hangin at ang marahang pagindayog sa lambing ng umaga ang nagbibigay daan upang maibsan ang mga labis sa katawan at isipan.


At Gaya ng Taichi, ang motibasyon sa pagsasagawa nito ay hindi sapilitan. Sa buhay, ang pagbabago ay nagmumula sa sarili at hindi sa iba. 


Kung iisipin, sa mga nagdaang taon, pili ang mga salita na natatandaan kong sinabi ni Papa sa akin. Maliban sa "magtiyaga," lagi niyang sinasabi na huwag akong makakalimot sa Diyos at wag pabayaan ang kalusugan. Hindi man ginamitan ng malalalim na salita ang mensahe ni Papa sa akin, kuha ko ito. Higit pa, naisasabuhay ko ito.


Nakakatuwang isipin. Hindi palasalita si Papa. Pero madalas, idinadaan niya sa halik at yakap ang kanyang nais sabihin. 


May sariling wika ang pagmamahal si Papc. Simple ito. Walang formula. Bukal.


Maraming salamat Papc! Happy Father's Day!

No comments:

Post a Comment

ShareThis