Monday, August 29, 2011

BULALAKAW (FICTION)

Korona
Sa panulat ni Earvin Charles B. Cabalquinto

Balot na ng dilim ang kapaligiran ngunit sinliwanag ng kinakalawang na poste ang pangarap ni Miguel na makakita ng bulalakaw. Habang nakahiga ito sa bubungan ng kanilang bubong na gawa sa mga tirang bakal, kampanteng naghihintay si Miguel sa pagbagsak ng isang malusog na bulalakaw. Hindi alintana ang ingay ng kalsada at ang pangungulit ng pusang paslit sa kanyang paanan, minamasdan ni Miguel ang kalangitan na para bang anu mang oras ay magsasabog na ng biyaya ang kalangitan.

Pasado alas-otso na rin noon. Ngunit sa kabila ng paglalim ng gabi, ganoon din naman ang pagtaas ng enerhiya ng mga naninirahan sa pook na kinatitirikan ng bahay nina Miguel. May sumisigaw ng balot. Panay panay ang takatak ng tindero ng yosi. Halos makabasag pinggan ang halakhak ng naglalasingang kapitbahay at ang talak ng tindera ng gulay dahil sa pagkalugi sa maghapong pagkalugi. Sa mga ganitong eksena, ang pananahimik sa ibabaw ng bubong ang tampulan ng kapayapaan ng diwa ni Miguel. Sa ibabaw ng buong, siya ang hari; malayo sa kaguluhan ng kapaligirang halos walang taon din niyang pinakikisamahan.

“Migueeeeeeeeeeeeel! Bumaba ka na ngang bata ka. Tulungan mo ako at isarado na natin itong tindahan.” Sigaw ng garalgal na boses ng ina ni Miguel. Sinabayan pa ito ng pag-ubo na animo’y isang may isang malaking tambol ang dinadagundong.

Retiradong guro ang ina ni Miguel. Ngayon ay abala na sa pagaasikaso ng ulingan.

“Opo. Pababa napo,” sagot ng labinisang taong gulang na bata.

Bago bumaba si Miguel, muli siyang tumitig sa kalangitan. Nagbabakasali siyang babagsak ang isang bulalakaw. Gusto niya sanang humiling. Ito na lang naman kasi ang maari niyang makuha ng walang perang kapalit. Ngunit, ipinagkibit balikat na lamang ng bata ang kanyang nais dahil sa pagaapura ng di matigil na sigaw ng ina. Maya maya lamang ay bumangon si Miguel sa pagkakahiga nito at isuot ang pudpod na tsinelas. Humakbang ng ilang sandali.  At sa kanyang likuran ay may isang nilalang na nagpakita.




“Miguel!” ang sabi ng humangos na boses.

Napabalikwas si Miguel sa pinagkakaupuan nito. Nasipa rin ang pusang kanina pa naglalambing sa paanan ng bata.

“Putcha naman Jose, wag mo naman akong gulatin.” Ang sagot ni Miguel na para bang tumakbo ng milya-milya sa naramdamang kabog ng puso.

“Migueeeeeeeeel. Punyeta kang bata ka, bumaba ka na rito!” sigaw ng ina ni Miguel na siyang pumutol sa usapan ng magkaibigan.

“Bakit ka umakyat dito?” Unti unti ng lininis ni Miguel ang dumi sa kanyang damit sa pagkakahiga sa bubong.

“Nabalitaan mo na ba?” Sabay lumapit si Jose kay Miguel.

“Nabalitaan ang alin?” Isang pagtatanong ni Miguel na may halos pagkainis dahil sa hindi pa ring matakasang pagkagulat.

“Hindi mo na kailangang maghintay ng bulalakaw para magkatotoo ang hiling mo,” sabi ni Jose habang ipinustura ang sarili at pinahid ang pawisang noo.

“Anong ibig mong sabihin?”

Kukunin ni Jose ang kapirasong papel sa kanyang bulsa at ipapakita ang halos sulat duktor na pumpon na salita kay Miguel. Babasahin ni Miguel ang nakasulat sa papel. Bibigkasin niya ito ngunit tanging sa isip lamang.

At bago pa man magsalita si Miguel, muling inagaw ni Jose ang lukot-lukot na papel at sinabing, “Ano, tara?”

Napatulala si Miguel. Higit pa sa liwanag ng buwan, nagliwanag ang mga mata ng bata. Ni hindi ito makagalaw. Halos magbanggaan ang mga hiling sa kanyang isipan at nagkakabuholbuhol ito.

Ngunit sa lakas ng pagkakasigaw ng boses ng ina ng bata, halos kumabog ang kisame at natauhan ito na may reyalidad na naghihintay sa ibaba. Kailangang tulungan ni Miguel ang ina upang isara ang tindahan; ang kanilang tindahan ng uling.

Basang basa ng pawis si Miguel matapos ipasok ang mga panindang uling sa loob ng kanilang imbakan. Sa murang edad na walo, natutunan na niyang kumilos na ayon sa edad ng isang binatilyo.


Ulila na sa ama si Miguel. Tatlong taong gulang pa lamang ito ng mamatay ang ama mula sa eroplanong nadisgrasya. Dating hardinero ang ama ni Miguel sa isang palasyo. Sa pagkawala ng ama, hindi na rin nasundan pa si Miguel. Bagamat ang kanyang ina ay mestisahin, hanggang ngayon ay nanatili itong subsog sa pagtitinda para kanilang ikakabuhay na mag-ina at hindi na nagawa pang makipagrelasyon.

“O, isarado mo na yang pinto at matulog na tayo. Bukas ay maaga na naman,” sambit ng ina habang nililigpit ang baryang kinita sa maghapon.

Pahakbang na si Miguel upang isara ang bintana ng muling magaparisyon ang kaibigang si Jose. Napa-atras si Miguel.

Tila narinig ng ina ni Miguel ang ilang pagsayaw ng mga halaman at ang pagkahulog ng ilang lalagyan ng halaman na gawa sa lata ng gatas.

“Miguel. Matulog na. Isara mo na yang bintana.”

“Opo, ‘Nay!” sagot naman agad ng binata na nakatitig lamang sa halos estatuwang si Jose.

Nang maramdamang nagkulong na ang ina ni Miguel sa silid, kinuha ni Jose ang kapirasong papel sa kanyang bulsa.

“O ano, tara na?”

“Baka pagalitan ako ng nanay. Bukas na lang.”

“Miguel, hindi ito ipinagpapabukas. Panahon na para magkatotoo yang mga nasa isip mo. Tara na!” isang pagpupumilit ng payat na si Jose.

Napailing si Miguel. Huminga ng malalim. Pinagmasdan ang pintuan ng ina. At maya maya lamang ay kinuha nito ang pudpod na tsinelas, nagpalit ng sando at pinatay ang ilaw.

***
“Anong ginagawa natin dito?” tanong ni Miguel kay Jose. Napangiti lamang si Jose.

Halos balot ng pagtatanong si Miguel kung bakit isinama siya ni Jose sa isang computer shop. Ito ang kaisa-isang computer shop sa kanilang pook. Halos tatatlo lamang ang kompyuter dito at kinailangan pa nila Jose at Miguel na maghintay.

Panay panay ang masid ng kaherang halos lumuwa na ang dibdib sa pagpostura habang may kalandian sa telepono. Kasabay ng bulgar na paghalakhak ng kahera ay ang dumadagundong na ingay sa loob ng kompyuter shop. Halos lahat ng bata ay naglalaro ng computer games.

“Miss, wala pa po bang bakante?” sabay napaubo si Jose sa buga ng ayaw paistorbong kahera. Halos hindi rin sumagot ang babae.

“Bukas na lang siguro Jose. Gabi na eh.” Halos nagaapura na si Miguel at baka mahuli siya ng kanyang ina. Sigurado, kung mahuhuli siya, maliban sa pagtao sa kanilang tindahan ng uling, hindi na naman mapipirmi ang talak ng ina mula umaga hanggang sa gabi.

Akmang aalis na Miguel nang hatakin ito ni Jose. Sa wakas, may isang kompyuter ang nabakante. Tumayo na ang batang tila maghapon ng naglalaro sa kompyuter at halos luluwa na’t duguan ang mata sa pagtutok sa kompyuter.

Dali-daling umupo si Jose at napakaladkad naman si Miguel.Lumapit ang kahera sa dalawang bata at nagwikang, “kung wala kayong pambayad, lumayas kayo rito ha.”

Nagkatinginan sina Miguel at Jose. Kakapain ni Miguel ang kanyang bulsa. May natira pang kinse sa kanyang marungis na salwal. Naalala niya, nabigyang nga pala siya ng tip ng isang kostumer nang tulungan niyo itong buhatin ang pinakyaw na uling. Samantala, may nakapa namang kinse rin si Jose mula sa kupas na salwal.

Habang nakangiti ang kahera dahil sa pagbasa nito sa tamis ng text message mula sa kausap, dali daling inabot ni Jose ang 30 pesos. Mas napangiti ang babae at muling bumalik sa likod ng kahera at parang kinikiliti kung muling makipagusap sa telepono.

Hinawakan ni Jose ang mouse. Pinindot ang Internet button. Agad ding hinugot ang kapirasong papel at kinausap si Miguel.

“Ito na ang pagkakataon mo. Itype mo lang ang website na ito at siguradong magkakatotoo ang mga hiling mo.”

Muling nagitla si Miguel. Maliban sa naiisip na niya ang pagtalak ng ina kung sakaling siya ay mahuli, iniisip din niya ang posibilidad ng pagkakatotoo ng kanyang hiling.

Pinagmasdan ni Miguel ang kapirasong papel. Agad na inilapat ang mga daliri sa keypad ng kompyuter at inilagay ang www.virtualbulalakaw.com.

Habang hinihintay ang paglabas ng mga imahe at teksto sa website na tila pagong ang pgkilos sa kabagalan ng internet, napatanong si Miguel, “Saan mo nakuha to? Sigurado ka bang totoo ito?”

Bibong sasagot si Jose, “Huli ka na siguro sa balita. Kilala mo ba si Joanna, yung payatot na madalas kong asar-asarin? Magugulat ka, mayaman na. Nanalo sila sa Lotto. At kilala mo ba si Julius, yung pinaka-mahina sa klase? Ayun, humahakot na ng medalya. At itong si Dexter, yung pilay at utal, ngayon, nakakalakad na at nanalo pa sa mga declamation contest. Lahat ng yan eh nagsimula ng bisitahin nila ang www.virtualbulalakaw.com.”

Halos hindi makapaniwala si Miguel sa kanyang mga naririnig. Napakaraming tanong ang umiikot sa kanyang isipan. At bago pa man tuluyang matulala si Miguel, tumambad na ang pahina ng webpage. Makikita rito ang kinang ng mga bituin at ang nanghahali na isang diwata. Sa paggalaw ng pahina, tila may musikang isang sirena ang umaawit. Sa gilid nito ay makikita ang numero ng mga kahilingang naisakatuparan na.

Sa pagkagulat ni Miguel, hindi niya alam kung ano ang gagawin o pipindutin. Namamangha ang kanyang diwa sa kinang ng pahina. Sa pagkatulala ni Miguel, tila puno naman ng enerhiya ang kaibigang si Jose. Aagawin nito ang mouse kay Miguel at kakalikutin ang pahina.

Sa bandang kaliwa, makikita ang button for instructions. Pipindutin ito ni Jose. At sa pagbubukas ng bagong pahina, lalapit ang mukha ng dalawa sa monitor. Babasahin nila ang mga letrang tugon sa pagabot ng hiling.

“Ilagay ang iyong kahilingan sa maliit na kahon sa ibaba. Pagkatapos ay pindutin ang video sa gilid at hintayin ang pagbagsak ng bulalakaw. Sa oras na bumagsak ang bulalakaw, asahan ang katuparan ng hiling. Tandaan, bawat isa ay maaaring humiling nang hanggang isa lamang. Ang hiling ay maisasakatuparan matapos ang beinte kuwatro oras.”

Matapos basahin ang instructions, nagkatinginan sina Jose at Miguel. Sa isang iglap, nagkaroon ng unawaan ang dalawa. Itinaas nila ang kanilang mga kanang kamay at sabay na nagjack-en-poy. Bato ang kay Jose at gunting kay Miguel. Sa madaling salita, nauna si Jose.

***

Halos pasado alas-diyes na ng lumabas sina Miguel at Jose sa kompyuter shop. Halos kinakaladkad nila ang kanilang mga paa. Gusto pa sana nilang kumain ng fishball sa kanto at uminom ng samalamig ngunit hindi na nila magagawa dahil wala na silang pera. Napunta na sa hiling ang kanilang mga pera.

“Nagawa mo na ba yung assignment ni Teacher. Linda?” tanong ni Jose kay Miguel habang pilit na inaalis ang namumuong muta sa mata.

Bago pa man makapagsalita si Miguel ay tila nagalit ang kalangitan. Isang malaking kidlat ang pumunit sa kalangitan. Lumakas ang hangin. Bumagsak ang ulan.

Walang ibang ginawa sina Miguel at Jose kundi kumarera pauwi sa kanilang mga bahay. Kumaliwa si Jose at kumanan naman si Miguel. Kumaway sa isa’t isa at pumasok sa loob ng kanilang tahanan.


***
Kinaumagahan, pupungas pungas nang maglakad si Miguel. Halos nagising din siya sa amoy ng prinitong tuyo na pinagkakabalahang ihain ng kanyang ina. Tila walang tigil din ang pagtilaok ng manok ng kapitbahay habang sumasabay ang mariing paghagod ng kapitbahay ng walis sa nagkalat na dahon ng puno ng mangga.

Dali dali, bumangon na Miguel mula sa kakahuying higaan at naghanda sa eskuwela. Naligo, nagbihis, nagsuklay at kinuha ang bag na halos apat na taon na rin niyang pinagtitiyagaan. Isinuot na rin ni Miguel ang pudpod na tsinelas at tumungo sa kusina.

Hinarap ni Miguel ang ina nito na halos di magkumahog sa paglilinis ng kusina. Nagtanong si Miguel, “Nay, puede ba akong kumuha ng dalawang plastik ng uling?”

“May umorder ba?” sagot ng ina na todo kiskis ng ilang kaldero.

“Yung English teacher ko po. Pabili daw po,” sambit ni Miguel habang ikinukubli ang takot sa boses.

“O sige. Kumuha ka na lang dyan. Siguraduhin mo na magbabayad yan ha.”

“Opo, ‘nay.”

Agad na tinungo ni Miguel ang imbakan ng uling at tumungo sa hintayan ng dyipni. Hinihintay niya si Jose. Pero halos treinta minutos na ang nakalipas, wala pa ito. Nauna na siya.

***
“Good morning, Teacher Linda. It’s nice to see you!” sambit ng klase na punong puno ng enerhiya sa umaga.

Sa pag-upo nga klase, humahangos na dumating si Miguel. Nagtinginan ang mga kaklase na para bang nakakita ng batang binasa ng ulan sa tindi ng pawis.

“Miguel, bakit ka late?” tanong ng guro kay Miguel.

“Pasensya na’po at nasiraan ang dyip na sinakyan ko po,” isang pagsisinungaling ni Miguel upang pagtakpan ang kaibigang nahuli.

“O sige. Umupo ka na at magsisimula na ang klase.”

Agad na naglakad si Miguel patungo sa kanyang kinauupuan. Malapit ito sa may bintana at tanaw niya ang school grounds. Napatingin ang kanyang katabi sa kanya nang matamaan ito ng plastik ng uling.

Hindi pa man nakakahinga ng malalim ay muling kinabahan si Miguel ng sabihin ni Teacher Linda na, “Please pass essay.”

Nagitla si Miguel. Parang noong isang gabi ay pinaguusapan nila ni Jose ang kanilang assignment. Patay na, ang nasabi nito sa sarili.

Nagpanggap si Miguel na kumuha ng papel. Akmang ipapasa na niya ang papel nang may bumulong sa kanya. Ibinulong nito ang salitang “sa bulsa.” Kinilabutan si Miguel. Napatingin siya sa kanyang katabi. Diretso naman ang tingin nito.

Sinubukang kapain ni Miguel ang kanyang bulsa at nakita niya ang kapirasong papel. Binuklat niya ito. Sulat kamay niya ito. Ngunit hindi niya maalaala kung kailangan siya nagsulat.

Sa pagkatulala ni Miguel, hindi nito namalayang nasa tapat na niya si Ms. Linda. Kinuha ng guro ang kapirasong papel at nagsabing, “I said pass your paper. Hindi ka na naman nakikinig”

***
Nakaupo si Miguel sa may playground. Bitbit pa rin niya ang uling na sana’y ipangsusuhol kay Teacher Linda.

Tila wala ganang maglaro o makipaghabulan si Miguel sa ibang bata. Ni hindi pa niya naaanigan ang matalik na kaibigang si Jose. Inisip na lamang niya, baka nagkasakit ito at hindi nakapasok. Kung siya nga ay mejo sinipon matapos maulanan kagabi,  mas lalo pa siguro ang kaibigang payat.

Sa pagkakaupo ni Miguel sa playground, may isang lalake siyang naaninagan sa punong katabi ng canteen. Tila kanina pa ito nagmamasid sa kanyang kilos. Nakasuot ito ng itim na damit at itim na pantalon. Pinagmamasdan si Miguel. Nakatitig ito.

“Uy!” sabay hampas ng kaibigang si Roland sa kanyang balikat. Nagulat si Miguel at halos mabitiwan ang hawak na bag.

“Bakit magisa ka rito. Nasaan si Jose?” tanong ni Roland habang kumakain ng tuna sandwich na gawa ng sosyalerang ina.

“Hindi ko pa nga nakikita si Jose. Baka absent eh.”

“Narinig mo na ba yung balita kay Ms. Linda? Yung english teacher?”

“Bakit, anong meron?” Tila kinabahan si Miguel sa pananalita ni Roland.

“Dati daw katulong yan sa palasyo?”

“Talaga?” pagkagulat ni Miguel.

“At sabi, humiling daw yan nung nakaraang taon na maging guro sa  ano bang website yon….nakalimutan ko na!”

“Website? Ayos yon ah!” akmang nagkunwari Miguel na hindi niya alam.

“Oo. Kaya ako, pag hihiling ako, alam mo na.”

“Ano?”

“Eh di siempre, maging artista!”

Halos makahinga ng malalim si Miguel sa pagkakasabi ni Roland. Akala niya ay kung ano ang sasabihin nito. Sa asar niya, hinampas niya ng bag si Roland at agad namang umalis ang morenong kababata.

***
Kababa lamang ni Miguel ng dyipni nang sumabit ang plastik ng uling sa bakal ng dyipni at nahulog ang uling na kanyang hawak hawak. Nagmadali siyang pulutin ng biglang ang lalakeng nakaitim ay lumapit sa kanya. Akmang tutulong sana ang lalake ngunit tila naging mailap si Miguel. Nagmadali ang bata at di na halos pinulot ang iba pang kumalat na uling.

Hindi nilubayan ng tingin ng lalakeng naka-itim si Miguel. Habang karipas sa pagtakbo ang bata.

Sa pagkahapo ng hininga ni Miguel, halos mabangga nito ang isang magandang babae na kaedaran lang din niya. Nakaputi itong damit nang madampian ng uling ni Miguel.

“Naku, pasencia na. Hindi ko sinasadya.” Ito ang paulit-ulit na sinasambit ni Miguel habang pilit na nililinis ang uling sa damit ng batang babae.

No comments:

Post a Comment

ShareThis