Friday, August 19, 2011

SINGLE AKO, MAY REKLAMO?

............
................................
............................................
.......................
...............................
..........................
.....................
...................................................
.....................................................
..........................................................................................................................................

........ Bakit, may nagtatanong ba?

Sa usapin ng marital status, wala naman talagang harap-harapang nagtatanong kung bakit nanatiling single ang isang tao. Madalas o hindi, ang pagtatanong ay nanggagaling sa loob ng sariling isipan; nagkakaroon ng reyalisasyon ang isang tao na sa kabila ng pagpapaganda o pagpapaguwapo, nanatiling single ito at walang iba na nahahalina o lumalapit. Kung naglalaro man ang lipunan ng larong "the boat is sinking," ang maiwang nagiisa sa gitna ng dagat ng tao ay maaaring isang kasula-sulasok na karanasan.

May iba't ibang kasagutan kung bakit nanatiling single ang isa tao. Maliban sa pagtalikod ni Mr. Cupido sa kanyang sinumpaang papel na pumana ng kapares ng isang tao, gaya ng trapiko sa EDSA, buhol-buhol din ang kadahilanan ng pagiging single ang isang tao. Ang iba, by choice. Samantalang ang iba, tila nangangarap at umaasa na balang araw ay darating na ang special someone. Ang iba, dasal ng dasal ng wala namang ginagawang aksiyon. Bagamat mainam ang pagtawag sa Diyos, tandaan din nasa Diyos ang awa, nasa tao ang HATAW!

Mahirap na masaya ang maging single sa kasalukuyang panahon lalo na kung ang edad ay pumapalo na sa 25 pataas. Tila mas nagkakaroon na ng pressure hindi lang muna sa mga kaibigan o kapamilya, kundi maging sa lipunang ginagalawan. Maglakad ka lang sa mall o bumili sa pinakamalapit na tinda o kahit magsimba, sasalubungin ka ng mga pares na akala mo'y papasok na ng motel kung maglambingan. Andyan ang subuan ng fishball at ng daliri sa Luneta; andyan ang akbayan na ang isang kamay at umaabot sa tagiliran; ang halikan na parang floor mop ang dila ng magjowa kung magsabog ng pagmamahal; at kung anu ano pang nakaka-imbyernang tanawin sa mga single. Punto, hindi mo na dapat pinapansin yan. Dahil kung pinapansin mo yan at pilit mong pinagpapantasyahan, mas itinataas mo ang bagansya mo na danasin ang LUNGKOT sa kesa sa SAYA ng pagiging single.

Gaya ng nasabi, mahirap na masaya ang maging single sa kasalukuyang panahon. Kung single ka, hindi mo kailangan intindihin ang ibang tao, sarili mo lang. Ang order mo sa resto, pang-isa lang. Kung may budget ka, puede kang magwaldas ng pera sa katawan mo mula sa spa, travels at pati sa gym; in short mabibili mo ang gusto mo. At dahil sa dami ng iyong "me" time, napapaikot mo ang oras sa iyong mga kamay na para bang naglalaro ka ng roleta at kung ano ang matapat ay yon na ang gagawin mo. Maaaring ang roleta ng iyong kapalaran ay magshopping, kumuha ng MA, manuod ng sine, dumiskubre ng bagong hobby, o di kaya naman ay mahumaling sa isang hobby gaya ng photography o kaya naman ay naising magalaga ng aso, yung cute. Ngunit dahil di nakukuntento ang tao, sa kabila ng biyaya, tila may kulang pa.

Bakit nga ba hanggang ngayon ay single ka? Bakit nga ba hanggang ngayon ay wala pa rin ang taong higit na magmamahal sa'yo maliban sa magulang mo? At kung higit kang naniniwala sa kasal, bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang taong bibili ng mamahaling engagement ring na isusuot sa kamay mo at gagastos para sa dream wedding mo? Bakit nga ba? Isa isahin natin ang mga kadahilanan.

Una, by choice. Hindi dahil gusto mong maging Pari o mag-madre, pero dahil napagtanto mo na ang buhay is about making the right choice. Para sa iyo, ang right choice ay ang pagiging single. Ayaw mo ng sakit ng ulo, gulo o ng mga komplikasyon; ninanais mong mas marami ang "me" time sa kesa pagiintindi sa oras ng posible mong jowa; mas gusto mong kumain ng mag-isa sa kesa kumain kasama ang taong parang wala ng bukas kung kainin ang iniroder mong good for two lang; mas gusto mong walang pulis o espiya na maya't maya at sinusubaybayan ang mga kilos mo; mas gusto mo na ang makakapares mo ay hindi puros DOTA o showbiz magazine lang ang hawak; at higit sa lahat, sadyang gusto mong mapagisa sa buhay na para bang sa lakas at gilas ng iyong perspektiba sa buhay, ni si Einstein ay manghihinayang na jowain ka.

Pangalawa, nakalimutan mong tao ka. Sa paghahangad mo na maabot ang samu't saring achievement sa buhay mula sa pagaaral hanggang sa pagiging top sales agent sa opisina at lahat ng best awards ay balak mong hakutin, nakalimutan mong tao ka rin na nangangailangan ng pahinga at ng haplos ng pagmamahal. Tama. Sa paghahangad mo na maikabit lahat ng posisyon sa iyong pangalan mula MA, PhD, Atty at hanggang M.D. tila napabayaan mo ang iyong sarili at kahit ang salamin ay matatakot kang harapin sa hitsura mo. Sa madaling salita, dahil pinagkaitan mo ang iyong katawan ng pribilehiyo ng pahinga at tinipid ang sarili pati ng vitamins, nagtampo ang iyong body organs and skin pores. Kaya heto, tatalunin mo pa si Mary Walter sa hitsura mo. Sa totoo lang, wala namang masamang maghangad ng tagumpay sa buhay. Tamang balanse ang kailangan upang nang sa gayon ay maging kaaya-aya din ang iyong buhay sa mundo. Totoo nga ang kasabihan, mahalin mo ang sarili mo bago ka magmahal ng iba. Sa gayon, matutunan mong mahalin ang iba gaya ng pagmamahal mo sa sarili mo.

Pangatlo, pihikan ka. Hindi masamang maglagay ng mga batayan sa pagpili ng makakasama sa buhay. Pero gaya ng sabi ng karamihan, "wag choosy kung hindi naman yummy." Mali din naman yan. Ang tamang sabihin siguro, "wag choosy kung hindi naman LAMI." Eh pareho lang din pala. So kung naglolokohan tayo dito, magising ka sa katotohanan na wag mo ring lokohin ang iyong sarili. Madalas sa hindi, ang taong para sa iyo ay nasa paligid mo lang. Lagi lang silang nakatingin sa'yo; inaantabayan nila ang bawat kilos at galaw mo na halos nagmumukha na nga silang stalker, the good type? Sa kasamaang palad, tila ang iyong batayan ng jowa material ay dapat sinyaman ni Henry Sy pero sing-guwapo ni Phil Younghusband, o di kaya naman ay sin-ganda ni Anne Curtis at sin-yaman ni Belo, aba, magising ka naman. Bakit hindi subukang humarap sa salamin. Tanungin ang salamin. Sabihin na paulit-ulit: "Blusang itim, sino ang nararapat para sa akin!" (lalake ang nakasuot?) Biro lang. Aba, kung gusto mo talagang wakasan ang pagiging single, bakit hindi subukang ibaba ang batayan. Kung sa larong chinese garter nga, kahit ang pinakamagaling tumalon, nadadapa rin sa pinakamataas na banat.

Pang-apat, nakalimutan mong nabubuhay ka sa kasalukuyang panahon at hindi sa Pleistocene era. Itigil mo na ang pamumuhay sa loob ng kuweba. Kung ang mga bubuyog nga ay napupuot sa kanilang bahay at ang mga langgam ay naglalabasan tuwing tag-init, o di kaya naman ay ang suso ay nagkukumahog na ilabas ang kanyang ulo sa pinapasang bahay, bakit ikaw na tao na may buong laya ay hindi magawang lumabas at subuking maglaro sa mundong ibabaw. Punto rito, paminsan-minsan, hindi masamang maging experimental basta't siguraduhin na walang taong maagrabyado at walang maiistorbo. Kadalasan pa nga, sa pagsubok ng ibang bagay, doon nakikilala ang taong matagal na rin palang hinihintay. Ngunit sa kabila ng malikot na kilos, tandaan na ang matinong special someone ay hindi napupulot sa lansangan. Kung nagnanais ng maayos na jowa, siguraduhin na maayos din ang lugar ng pagkakakilanlan. Hindi ka shopper na bumibili sa palengke o tumatawad sa Divisoria. O di kaya naman ay nakikigulo sa mall wide sale na kung ano na lang ang madampot eh yon na. Dapat ay maging mapanuri ka rin. Ang paghahanap ng jowa ay parang pagpili ng pagkain. Siguraduhin na sariwa at masustansya ang makukuha. Tandaan na tamang manindigan sa panlasa. Mahirap na rin kasing makabingwit ng isdang bilasa o ang karneng double dead. Malason ka pa. Pwe!

 Panlima, itinakda kang maging superhero. Sa paghahasik ng Diyos ng kabutihan sa mundo, naibato sa iyo ang  pinakamabigat na papel sa mundo, ang maging tagapagsalba. Ikaw ang naatasang umantabay sa iyong mga kapatid; ikaw ang tutulong sa iyong pamilya; ikaw ang magpapaaral sa iyong mga kapatid; ikaw ang possibleng magpaaral sa anak ng kapatid mong nakabuntis; ikaw ang magpapagamot sa kapatid na naaksidente sa karambola; ikaw ang magbabayad ng ilaw; ikaw ang ilaw ng tahanan; ikaw ang haligi ng tahanan; ikaw ang bahay; ikaw ang lahat. By choice o hindi, ang estado mo sa buhay ay naging hadlang din sa  iyong pagsabak na makahanap ng makakasama sa buhay. Tila nakalimutan mo na hindi ka lamang ATM sa panahon ng tagipit ng mga mahal mo sa buhay, ikaw ay isang tao na nangangailangan din ng kalinga. Gayunpaman, sabi nga nila, ang mga taong tumutulong sa pamilya ay pinagpapala, mabuting wag mawalan ng pag-asa. Maaaring inihahanda pa lamang ng Diyos ang para sa'yo. Sa kamalasan lang, magiging jowa mo na, nasungkit pa ng bestfriend mo. Ouch naman.

Pang-anim, talo mo pa ang mannequin sa pagka-stiff mo na para bang kahit isakay ka sa rollercoaster o maging contestant sa Fear Factor at iharap sa iyong greatest fear, hindi ka mapapasigaw. Kung sadyang mahiyain ka, panahon na para iwaksi mo ito at subuking makipagusap sa mga tao. Bakit hindi mo sanayin ang makipagtalastasan sa harap ng salamin habang kinakausap ang salamin. At kung nahihiya ka naman na kahit Capital ng Philippines ay hindi mo masagot para masabing wala kang utak, bakit hindi mo subuking magbasa-basa o makibalita sa kapaligiran. Maari mo rin namang isipin ang iyong mga naging tagumpay sa nagdaang taon kahit na madalas kang laman ng principal's office, at least natapos mo ang highschool ng halos 7 years. Ang punto, wag kang mahiya na makipagkapwa. Sa ganitong pagkakataon, may makikilala ka na potensyal na maging kapares mo. Siguraduhin mo rin naman na nagpapatotoo ka. Dahil madalas o hindi, ang mga taong mapagpanggap ay nabibilaukan lalo na usapang ni spelling ng kinakain ay parang national geographic ang katapat.

Pang-pito, ginagawa mong matchbox collection o shoe collection ang mga taong nakapaligid sa'yo. Dahil nga sa ayaw mo ng isa lang, gusto mo collect and collect and collect. Ni hindi ka natapos sa pangongolekta ng lalake at babae. Pati bakla at tomboy isinasali mo sa colelction mo. Dahil diyan, hindi ka napipirme sa isa. Gusto mo, bumabagay sa mood mo ang jowa mo. Mula sa pagkamaton hanggang sa pa-boy next door o pasosyal, meron ka. Parang kotse na maaari mong sakyan at babagayan ka sa iyong mga lakad. Parang casing ng cellphone ( meron pa ba nito?) na madaling palitan. O para rin namang colored rubber ng retainers mo na kailangan palitan. Nakakalungkot mang isipin, sa kakakolekta mo ng mga tao na parang bagay kung ituring, nauuwi ka sa di mo inaasahan. Yon ay tinatakasan ka ng panahon at pagkakataon. Single ka tuloy for life.

Pang-walo, gusto mo lang sex, all day, everyday, highway, all the way, on the way! Tila nakalimutan mo na paganahin ang utak mo at mas nangingibabaw ang pagnanasa o init sa iyong katawan. Kung puede lang ipadeliver ang sex gaya ng pizza o maipapalo pa sa online sale deal, kakagatin mo. Dahil dyan, ni hindi mo hinahangad na magkaroon ng commitment dahil ang pagkatali sa isang relasyon ay mas gusto mong simulan at wakasan agad sa laro ng apoy sa higaan. Mula umaga hanggang gabi, tila kinalimutan mo ang konsepto ng kontrol sa sarili at mas nanaig ang pagkahayok mo sa laman. At sa pagkakataong ito, nagiging kaswal ang iyong pakikipagrelasyon sa iba ng walang higit na pananagutan. Sa paglaon, nakaugalian ito at naging isang adiksyon. Ngunit dahil wala na ring pumapatol sa laspag na pangangatawan, naisabuhay mo ang salitang "SINGLE."

Pang-siyam, masyado kang torpe at pakipot. Sa panahon ngayon, hindi na uso ang pangime at tumahimik sa isang tabi at panoorin ang iyong dream boy or girl na mabingwit ng iba. Bakit hindi subukang gumawa ng mga moves upang makilala ang taong nagiging dahil ng insomnia. Bakit hindi subukang mag-hi o magbato ng matamis na ngiti sa tuwing masasalubong sa hallway. Bakit hindi magalok ng ride o di kaya ng upuan kung makasabay man sa MRT. O bakit hindi ayain ang sinisinta sa group picture sabay sabing, o solo shot ko sa bawat isa. Bakit hindi gayumahin ang minahamal. Puedeng kulamin.  Napakaraming paraan upang mapasakamay ang sinisinta. Kung magkapalagayan man ng loob at mauwi sa pagkakaibigan at hindi sa relasyon, at least, sumubok sa laban. Malay mo, may kapatid ang crush mo. Don, don ka mag-concentrate!

Pan-sampu, wag kang OA. Tandaan na anumang labis ay masama sa katawan. Ang labis na pagkain ng matamis ay dahilan ng diabetes. Ang labis na alat sa katawan ay nakaka-Athritis. Ang labis na pagkain ng matataba at nakakataba at nakakastroke. At ang labis na pagpapakita ng emosyon ay nakakasakal. Wag ituring na teddy bear ang jowa na kung umasta ay parang batang nagiinarte kung magpakita ng pagmamahal sa yakap na teddy bear. Wag hawakan ang kamay ng prospect jowa na parang kriminal na ipinoposas sa daanan. Wag bantayan ang crush na para bang isa itong bagyo na kailangan ng national monitoring ng PAG-ASA. Wag gawing isyu ang mga simpleng di pagkakaunawaan na para bang kakabugin ang hiwalayang Kris Aquino at James Yap sa pagka-headlines. Wag magmaganda. Wag umastang artista kesho ang daming followers sa Twitter. At higit sa lahat, wag magilusyon na kayo lalo pa't nasa pagkakaibigan pa lamang. Ang punto, wag mangarap ng gising. Kung dumating man sa puntong ito, maaaring makatulong ang pagkonsulta sa mga bituin ni Zenaida Seva para sa katahimikan ng nadidiskaril na kapalaran. O di kaya naman, ibahagi ang kuwento ng buhay sa Maalaala mo Kaya.

Ngayon tapos mo ng basahin ang patnubay na ito, hindi nangangahulugang lalabas ka ngayon at kukuha ng jojowain, kailangan ay maging mapanuri ka rin; gaya ng pagsusuring ginagawa ng DTI sa mga papremyo sa telebisyon o di kaya ay ang pagteteorya ng mga propesor sa mga penomena sa kapaligiran o ng pagkilatis ng BFAD sa mga baboy o baka sa palengke. Kailangan ay may tatak ng pagkasuri ang iyong mapili. Isa pa, wag masyadong maging desperada na kulang na lang ay isigaw mo sa Facebook mo o Twitter mo na "I need a BOYFRIEND/GIRLFRIEND," or puede ring "BOTH" sa pagkasibasib mo. Hinay-hinay lang. Sa ganitong aspeto, maaari ka pa rin namang makahanap ng makakasama sa buhay kung maipapakita mo kung gaano kabusilak ang iyong pagkatao e este ang meron sa iyo. Maliban sa 6-pack abs at coca-cola mong katawan, ano pa bang meron?

Eh teka nga. Bakit mo ba kasi pinoproblema ang pagiging Single. Pakshet na buhay to!

Nagmamahal,
Ben Tumbling

No comments:

Post a Comment

ShareThis