Saturday, September 10, 2011

70,000 (MAIKLING KUWENTO)

Ang kuwentong ito na isinulat ko ay hango sa konsepto ng pagtugon sa pangangailangan mula sa pisikal at pinansyal na aspeto. Gaya ng paghahanda sa pagbuhos ng ulan, bawat indibidwal ay gumagawa ng paraan upang mamuhay at makapaghanda sa oras ng kagipitan. At ang pagtugon ay hindi simple. Madalas, kompleks ito at kakila-kilabot. Tara's saksihan ang kuwentong pinamagatang 70,000! 



 70,000
Sa panulat ni Earvin Charles B. Cabalquinto

Matagal ding pinagmasdan ni Roselle ang napaka-seksing katawan ni Sam Milby sa isang magazine na kanyang hawak habang hinihintay ang kaibigan na nagpapagupit.

Pansin ni Roselle ang mala-Adonis na pangangatawan ni Sam Milby. Halos mapalunok pa ito ng tumambad sa kanyang birheng mga mata ang bumubukol na alaga ng artista sa masikip at manipis na pantalon. Isang buntong hininga pa ang naisagot ni Roselle ng higit pang bumaba ang kanyang mata sa mala-gubat na pumpon ng buhok na pilit na dumudungaw sa pantalon ng aktor.

“Roselle, maganda ba?” sabi ni Maggie, ang bestfriend ni Roselle, na parang magpaparada sa isang Santa Cruzan kung ibalandra ang mamahalin nitong make-over.

Nagulat si Roselle at agad na inilipat ang pahina ng magazine. Agad itong sumagot, “Oo, maganda, bagay sa’yo.”

“Yan naman ang gusto ko sa’yo, kahit hindi bagay sa akin, approve sa’yo.”

“Hindi, bagay talaga sa’yo. At saka wala namang hindi bagay sa’yo eh.”

Lalandiin ni Maggie ang salamin at sasabihing, “Kaibigan talaga kita.”

Mangingiti si Roselle at magnanakaw ng tingin sa larawan ni Sam Milby at hahayaan niyang lumabas ang malaking ngiti sa kanyang mukha.

“Bakit hindi mo i-treat ang sarili mo?” Tanong ni Maggie kay Roselle.

“Wala akong budget.”

“Tigilan mo ako. Katatapos lang ng raket natin!”

Mangingiti si Roselle ngunit tila may bakas ng pagaalinlangan sa kanyang mukha.

***
Walang tigil ang pagkokak ng mga palaka sa labas ng bahay nina Roselle. Siya lang ang nasa lumang bahay. Wala pa ang kanyang inang tindera sa palengke. Wala pa ang dalawang kapatid na sumideline sa tindahan ng plastik at sa isang talyer.

Hindi paawat ang malakas na buhos ng ulan. Ang dilag na si Roselle, nakaharap sa salamin. Nagiisip ng malalim at may nais pakawalan sa kanyang bibig.

Sa pagsabay ng dagundong at pagtakbo ng malakas na ulan sa kapaligiran, unting unting inilapit ni Roselle ang kanyang mukha sa salamin.

Pinagmasdan niya ang kanyang buhok. Sinuyod niya ang kanyang mukha. Pinakiramdaman niya ang lusog ng kanyang dibdib. At idinantay niya ang kanyang kamay sa kanyang nagiisang rosas na pumapagitna sa kanyang hita.

Pumikit si Roselle at hinayaang kumawala ang init ng hangin sa kanyang bibig upang kalabanin ang lamig ng gabi.

Ilang segundo pa, kasabay ng walang tigil na hampas ng hangin sa kanilang bahay, iminulat ni Roselle ang kanyang mukha at tuluyang ipinaghele ang pagkabalisa gamit ang paghuhubad sa harap ng salamin.

Ngayong gabi, dinidiligan si Roselle ng katahimikan. Di niya kailangang kumota para suportahan ang pamilya; ang sakiting ina; ang pampaaral sa dalawang kapatid; at ang gastusin sa pangaraw-araw. Nakapag-imbak na siya bago pa man ang tag-ulan. Salamat sa kaibigang si Maggie.

***
Katatapos lamang ng klase at parang mga langgam na nagsilakad ang mga estudyante ng Kolehiyo de San Martin. Halos papalubog na rin ang araw noon at tila nagmamadali na ang lahat sa kanya-kanyang gimik.

“Roselle! Roselle! Roselle!” Isang tinig ng babae ang umangat sa mala-bubuyog na ingay na umiikot sa school grounds.

Bagamat narinig ni Roselle ang tinig, tila mailap ito sa pagpansin. Hanggang sa maabot siya ng kanyang kaibigang todo ang porma.

“Ano ka ba naman. Kanina pa kita tinatawag. Hindi mo ba ako naririnig?”

“Pasencia na Maggie, mejo nagmamadali kasi ako.”

“San ka pupunta?” wika ni Maggie habang inaayos ang lugay ng buhok.

“Kailangan ko kasing dumaan sa library. Hihiram ako ng libro para sa report ko.”

“Library? At talagang kinakareer mo ang klase ni Sir Roel. Girl, wag mo nang pag-effortan yon. Kahit naman kindatan mo lang si sir, papasa ka na.”

Tanging ipit na ngiti ang naisagot ni Roselle.

“To namang bestfriend ko, masyadong seryoso. Alam mo, mabuti pa, samahan mo na lang ako tonight. Since wala sina Mama and Papa sa house, why not mag-overnight ka sa amin?”

Tila napatigil  si Roselle. Sa kanyang isip, mayroon pa siyang dapat tapusin na gawaing pampaaralan. Hindi gaya ni Maggie na mayaman ang mga magulang, kailangang panatilihin ni Roselle ang kanyang mataas na grado para sa scholarship.

“Maggie, pasencia na pero kasi…”

“Girl, basta, ako nang bahala sa’yo. Basta pumunta ka sa bahay tonight. The usual tayo. Okay?”

“O sige, pero mag-li-library muna ako.”

Biglang susulpot sa likod ng dalawang dilag ang mestisuhing si John, ang long-time boyfriend ni Maggie. Magnanakaw ng halik ang binatilyo kay Maggie at sasalubungin naman ito ng dilag ng isang malagkit na tingin.

Sa pagkakabilanggo ng tinginan nina Maggie at John, hindi na napansin pa si Roselle at karipas na naglakad ang magnobyo papuntang parking lot.

Bitbit ang mga libro, tinungo ni Roselle ang library.

***
Pasado alas-otso na at halos wala na ring tao sa loob ng library. Pero si Roselle, pilit pa ring sinusuyod ang mga libro sa book shelf.

“Miss, ikaw na lang ang naiwan dito. Magsasarado na kami.” Ang boses ng matandang librarian ang humati sa katahimikan ni Roselle sa isang sulok.

Dali-daling kumilos si Roselle upang iligpit ang patong-patong na aklat sa kanyang mesa. Ngunit bago pa man mailigpit ng dilag ang mga gamit, nakita niya ang kanyang may halos sampung missed call na si Maggie.

“Shet!” bulong ng dilag sa sarili. Sa kanyang pagbabasa, hindi niya namalayang dadaan pala siya sa bahay ng kaibigan. Kamalasan, naka-silent ang kanyang telepono.

Hindi na nagpatumpik-tumpik si Roselle at agad na isinilid ang notebook, ballpen, at ang kanyang marker sa kanyang bag.

Sa agad na pagtayo nito, isang anino ng lalake ang tumambad sa isang hallway na tanaw mula sa kanyang puwesto. Kinilabutan si Roselle. Maliban sa matandang librarian, siya na lamang ang naiwan sa loob.

“Baka yung security guard,” ang nasabi ng dilag upang kalmahin ang kanyang puso.

Maya maya, tumayo na si Roselle at binaybay ang daan papalabas ng library. Halos wala ng ilaw ang mga pasilyo at tahimik na ang kapaligiran.

Dinig na dinig ni Roselle ang yabag ng kanyang paa. Sa tindi ng kanyang takot, hindi niya namalayang naiwan niya ang kanyang ID sa mesang kanyang pinuwestuhan sa library.

Isa lang ang nasa isip niya, ang makauwi o di kaya ay makadaan sa bahay ng kaibigang si Maggie.

Takbo. Lakad. Kaba. Lakad. Kabog. Lakad. Takbo. Hingal. Hinto.

“Hi Roselle.” Isang boses ng lalake ang nagpahinto kay Roselle. Malalim ang boses.

Sa tantiya ng dilag, ang tinig ay nanggaling sa kanyang likuran. Sa may sulok ng pasilyong kanyang nadaanan.

Gusto na sanang sumigaw ni Roselle. Inihanda ang kanyang bolpen kung siya man ay tangkaing saktan ng lalake.

Bago pa man humarap si Roselle, nagwika ulit ang anino ng “Hi Roselle. Si Sir Roel mo to. Kanina pa kita hinihintay. Ano, tara na?”

***
Sa ilang sandali, nagpakasasa ang guro sa katawan ni Roselle. Kapalit nito, iniabot ng lalake ang pera sa dilag at umalis. Parang walang nangyari.

Sa madilim na pasilyo. Bahagyang nagliwanag ang mata ni Roselle. May pantawid gutom ang kanyang mag-anak.

Sa labasan ng paaralan, isang anino ang muling lumapit kay Roselle. Ito ang klase ng aninong hindi nagsalita. Nagabot lamang ng kapirasong papel.

Dahil nagmamadali ang dilag, isinuksok na lamang ang papel kasama ng mga salaping kinita sa pagseserbisyo sa malibog na propesor.

***  
Nasa isang exclusive subdivision ang bahay nina Maggie. Mayaman sina Maggie ngunit tila hindi nakokontento ang dilag sa abot ng magulang. Sa dami ng gustong bilhin at maangkin, kulang ang halos 20 mil na allowance kada linggo. 


Narating ni Roselle ang subdivision nina Maggie. Kinausap nito ang guard. Agad namang tumawag ang lalake at nagbigay ng tugon.

“Miss, wala pong sumasagot sa bahay nina Ms. Alvarez.”

Nagduda si Roselle. Maaaring sa pagkakataong ito, iniwasan na siya ng kaibigan. Sa hindi niya pagsagot ng telepono, at sa pagiisip na andon na si John para pasiyahin ang gabi ng kaibigan, possible ngang hindi na mapapatuloy si Roselle sa bahay.

“Manong guard, o sige, wala pong problema. Ite-text ko na lang siya.”

Tumalik na ang security guard at naglakad si Roselle palayo sa liwanag ng subdivision. At habang naglalakad, todo naman sa pagkandirit ang daliri ng dilag para sabihin sa kaibigan na “Sorry Maggie, hindi ko nasagot ang tawag mo. Wag ka ng magtampo. See you sa school bukas.”

Bago pa man mapindot ni Roselle ang Send at marating niya ang kabilang kanto, muling lumabas ang tinig sa likuran niya.

“Hi Roselle.”

Tumindig ang balahibo ni Roselle. At sa pagkakataong ito, kinuha na niya ang bolpen sa kanyang bag at akmang tatakutin ang tumatawag sa kanya.

Biglang humarap ang dilag.

Laking gulat ni Roselle, si John pala ang nasa likod niya.

“O Chiiiiilll! Relaks!”

“Shet ka John! Papatayin mo ako sa takot. Ikaw lang pala.” Halos nanlumo si Roselle at muntik pa niyang masaktan ang nobyo ng kaibigan.

“O teka, kala ko dadaan ka kina Maggie?”

“Kagagaling ko lang sa kanila. Pero hindi kami nagkita. Di ko nasagot yung tawag niya. Nasa library ako. Baka nagtampo.”

“Baka wala ka kasing ni-refer kaya nagtampo.”

“Eh teka, hindi ba galing ka sa kanila?”

“Hindi. Busy ako sa paghahanap ng buyer.”

Napaisip si Roselle. Mukhang lagot nga talaga siya sa kanyang kaibigan kinabukasan dahil hindi niya sinipot ang imbitasyon nito.

“O sige, una na ako.”

***

 Habang nagbabasa ng libro si Roselle sa kanyang kama, tila hindi pa rin siya mapakali sa nangyari. Hindi niya maalis sa isip niya na may lalakeng tumatawag sa kanya. At ipinagtataka niya, kilala siya nito.

Dahil hindi mapakali ang dilag, kinuha nito ang kanyang bag at isang kapirasong papel ang kanyang dinukot. Binuklat niya numero at tinawagan.

Bumuhos na naman ang ulan.

***
Tila punong-puno ang canteen sa dami ng estudyanteng kumakain. Tanging ang isang upuan sa harap ni Roselle ang bakante.

Habang kumakain si Roselle sa canteen, isang matangkad na lalake ang lumapit sa kanyang tabi at nagsabi.

“Hi Roselle.”

Nagulat si Roselle. Natigil ito sa pagkain. “Paano niya nalaman ang pangalan ko,” pagdududang bulong sa sarili.

“Hi Roselle,” ulit ng lalake.

“Oh, Hi!” napaatras sa kinauupuan si Roselle.

“I’m Daniel. Puede bang maki-share?”

Nakipagkamay si Roselle kay Daniel. Ngunit sa kabila ng pagiging komportable ng lalake, binalot ng kaba ang puso ni Roselle.

“Bago ka?” tanong ni Roselle.

“Uhm, oo. Humabol this sem.”

Ibinaba ng lalake ang kanyang bag at umupo ng maayos.

“Teka, paano mo nalaman ang pangalan ko?” tanong ni Roselle.

Ituturo ng binatilyo ang notebook ni Roselle. Mapapangiti ang dilag.

“What’s your course?” tanong ni Daniel.

“Nursing ako. Second year.“

Sumagot si Daniel, “Pareho pala tayo. Ay teka…” may agad na binunot ang lalake sa kanyang wallet at nagtanong, “Alam mo ba ang klase ni Mr. Roel Natividad?”

Natawa si Roselle. “Nako, magka-klase tayo. Sumabay ka na sa akin pagkatapos nating kumain.”

***
Nagdaan ang mga araw at naging malapit sina Daniel at Roselle. Madalas silang lumabas, kumain at naging magkasundo pa sa study session.

Sa kabilang banda, tila naging mailap si Maggie kay Roselle. Maliban sa hindi pa sila nagkakausap sa mga nagdaang araw, naging busy si Maggie sa iba’t ibang school projects.

Hanggang isang araw, nagkaroon ng pagkakataon na magharap ang dalawa.

“I’m sorry Maggie. Hindi ko napansin ang tawag mo. “

“So, siya na ba?”

“Siya na ba ang alin?”

“Yang lalakeng madalas mong kasama. Siya na ba?”

“Hindi Maggie. Hindi siya.”

“Bakit hindi.”

“Hindi siya Maggie. Magkaibigan kami.”

“Basta don’t forget lang ang ating mga raket. Gaya nga ng lagi kong sinasabi. Kung hindi ka makakapag-refer, andyan naman ang mga kapatid mo na puede mong pagkakitaan. ”

Natahimik si Roselle.

"Isa pa. Malaki rin ang utang mo sa akin. Kung hindi dahil sa parents ko, matagal ng nakulong ang nanay mong dati naming katulong."

Halos hindi na nakapagsalita pa si Roselle.

***
Abalang-abala sa pagbabasa si Daniel ng dumating si Roselle. Mula sa di kalayuan, tanaw ni Roselle ang seryosong binatilyo. Tila ayaw nitong paistorbo.

Papalakad na sana si Roselle palayo nang makita siya ni Daniel.

“Roselle, andyan ka pala. Samahan mo ako rito.”

Haharap si Roselle at magkukunwaring masaya.

“Ano yang ginagawa mo? Kinakarir mo?”

“Report. Kailangan eh. Gaya mo, para sa scholarship.”

Matatahimik si Roselle.

“O, ba’t parang may sakit ka. Anong problema?”

Biglang magiiba ang ihip ng hangin sa utak ni Roselle.

 “Naisip ko lang kasi. Baka puede ka tonight. Sa bahay nina Maggie, yung bestfriend ko. May dinner sa kanila.”

“Mamayang gabi? Mukhang puede naman. Siguro balikan mo ako rito ng mga 8?”

“O sige. Daanan kita.”

***
Nagmamadaling pumasok si Roselle sa CR at humarap sa salamin. Pinagmasdan niya ang kanyang mukha sa salamin. At matapos ng ilang sandali, kinapa niya ang kanyang wallet. Wala na siyang pera at tila kakatok na naman ang bilihin sa eskuwela.

Sa paglabas ni Roselle sa CR, kumabog ang balita sa paaralan. Isa na namang bagyo ang papasok ng bansa. Pinapayuhan ang lahat ng ibayong ingat at paghahanda.

***
Sabay na sumakay ng taxi sina Roselle at Daniel. Sa loob ng sasakyan, halos walang kibo si Roselle at panay naman an kuwento ni Daniel. Tila masaya ang binatilyo at natapos nito ang report.

Maya maya ay umabot na ang dalawa sa bahay nina Maggie. Tila tahimik ang bahay at tanging isang bumbilya lang ang nakasinde sa labas ng bahay.

“Hindi ba nakakahiya, Roselle?” tanong ni Daniel.

“Ah hindi. Ipapakilala kita kay Maggie. Magugustuhan ka non.”

Bahagyang nagingay ang tunog ng gate at pumasok ang dalawa sa loob ng bahay.

Pagbukas ng pinto, isang kahoy ang humampas sa uluhan ni Daniel.

***

Nagising si Daniel sa loob ng isang silid. Puros bakal ang palidig. Kumpleto ang mga gamit sa operasyon, tila isang laboratory ang kanyang kinalalagyan.

Bago pa man kumilos ang binatilyo, narinig nito ang boses nina Maggie at Roselle na tila nagtatalo. Ang tanging naririnig nito, “May bibili na ba? Magkano?”

Iginalaw ni  Daniel ang kanyang mga kamay at paa ngunit siya ay nakagapos. Napansin din ni Daniel na siya ay nakasuot ng pampasyente.

Lumabas mula sa kabilang silid si Roselle. Lumikha ng bahagyang ingay ang laboratoryo.

“Wag kang maingay. Itatakas kita rito.” Sabi ni Roselle sa binatilyong nanlalamig na sa kaba.

“Roselle, ano to? Bakit mo ako dinala rito?”

“Wag ka ng maingay pa. Itatakas kita rito.”

Unti-unting tinanggal ni Roselle ang strap sa paanan ni Daniel ng biglang dumating si Maggie at John.

“Bes, anong ginagawa mo?” tanong ni Maggie kay Roselle.

“Bes, hindi tama. Mabubuhay naman ako ng scholarship ko.”

“Scholarship? Barya lang yan, bes. Baka nakakalimutan mong kaya ka nakakapagaral at nabibili mo ang gusto mo eh dahil sa raket na’to.”

Sasagot si Daniel, “Parang awa niyo na. Pakawalan niyo na ako. Hindi ako magsusumbong. Parang awa niyo na,” nagpupumiglas na pakiusap ng binata.

Lalapit si Maggie kay Roselle, “Alam mo, natetense ka lang eh. Why not ikaw na ang maghiwa ng tiyan at nang makuha na natin ang atay.”

Sasabat si John. “Nakakuha na ako ng buyer. 70,000 ang presyo. Kumagat dahil kailangan daw nila sa anak nila. Tiba-tiba tayo rito.”

“Maggie, hindi ko na kaya. Itigil na natin ito.”

“Bes, ngayon pa? Ngayon pa na nakakatulong ka na sa pamilya mo? Ngayon pa na nakakapag-aral ka? At ngayon pa na hindi mo na kailangan pang ibenta ang katawan mo para magkaroon ng tuition?”

Ibinigay ni Maggie ang scalpel at pilit na ipinahawak sa kamay ni Roselle.

Nanginginig na hinawakan ni Roselle ang matalim na bagay. Lumuluha siya. At tila wala ring tigil sa pagkawala si Daniel sa higaan.

Inilapat ni Roselle ang scalpel sa tagiliran ni Daniel.

***
“Ang bonggggggga mo bes! Ikaw na ang naka-iPhone” buong galak na kinukulit ni Maggie si Roselle habang naglalakad sila sa Greenbelt, pasado alas otso.

Mapapangiti lamang si Roselle. Ngunit matitigilan ito. May pilit siyang naaninagan na anino sa di kalayuan. Tila mabilis din ang lakad ng anino.

Agad itong maglalakad at tila pahabol na susunod si Maggie. “Bes, ano ba. Stop it. Sino ba ang sinusundan natin?”

Hindi nagsasalita si Roselle. Basta lakad. Lakad. Lakad.

Narating nila ang parking lot. Andon, nakapark ang isang mamahaling sasakyan.

Huminto ang dalawa.

“Bes, parang katatapos lang ng raket natin, may ire-refer ka na naman. San mo to nakilala? Sa school? Saan?”

Hahawakan ni Roselle ng mahigpit sa braso si Maggie.

“Bes, ano ba. Nate-tense ka ba?”

Pakaladkad na hinatak ni Roselle si Maggie. Nang maabot nila ang sasakyan, bumaba ang bintana.

“Hi Maggie!”

Nanlaki ang mata ni Maggie.

“Who is he?” Tanong ni Maggie.

“Sabihin na lang nating hindi sapat ang scholarship at kinita ko nang patayin natin si Daniel.”

"Ibebenta mo ako?"

"100,000, Bes. Bakit hindi."


No comments:

Post a Comment

ShareThis