Tuesday, September 13, 2011

WIKANG FILIPINO, FTW!

 Kailangan ay nakasulat sa Filipino ang entry na ito at baka mabasa ng mga dayuhang di dapat makabasa. Pasintabi sa mga nagwiwika sa harap ng pulong na parang lasing. Mabuti pa ang lasenggero sa kanto, may lalim ang pananalita.

Ilang buwan na lang pala, matatapos na ang kontrata ko. Kung tatanungin mo ako kung saan ako mapapadpad, isang malaking "saan nga ba?" ang isasagot ko. Basta ang alam ko lang, sa kasalukuyan ay abala ako sa paggawa ng proposal para sa aking PhD. Isa pa, abala rin ako sa paghahanap ng lupaing malilipatan. Wag mabahala, kasama ang Pilipinas sa susunod na destinasyong aking nais patunguhan. Kung saan man ako mapadpad, yes, I'll keep you posted.

Moving on, sigurado akong na-inlove kayo sa mga pahayag ni Kuya James Soriano ukol sa pagtukoy niya sa Wikang Ingles bilang language of the learned. Di lamang humakot ng award mula sa mambabasa ang naging pahayag ni kuya, ito rin ay nagbukas ng mas malawak na debate at reyalisasyon ukol sa direksyon ng bansa, ng kaisipan ng mga kabataan na siyang pag-asa ng bayan.

Kung tatanungin mo ako, kahit saan ka pa nakapagaral o ano pa man ang tinapos mo, mahalaga na mahalin mo ang iyong sariling wika. Pero "Deadmacles" naman ang drama ng iba. Sa ebolusyon ng globalisasyon, tila hindi lang ang karamihan ay nabubulag sa mga dayuhang kalakal, maging ang pag-apak sa sariling wika ay nagiging isang angat na suliranin. Kulang na lang magpapalit ng bagong dila na may "twang" at iwaksi ang dilang hirap sabihin ang "P" at "F." Sa aspeto ng depinisyon, maling mali na ihanay ang mga wika ayon sa estado sa lipunan.

Ngunit, ang katotohanan, hindi maiaalis na may nosyon na ipinapakilala ang mga wika ukol sa formasyon ng ating identidad. Ito ang isinisigaw ng konsepto ng ideyolohiya, o ang mga paniniwala o kaugaliang namamana o nakukuha sa lipunan. Malapot at kritikal, ang ideyolohiya ay hinulma ng may politikal na balangka; ito ay naghahati ng uri.

Kung ilalapat ang operasyon ng ideyolohiya sa paggamit ng wika, litaw ang bangungot ng bulok na pananaw gaya ng naisasaad sa panulat ni Soriano. At gaya ng sabi ni Soriano, ginagamit ang wikang Filipino para makipagusap sa mga katulong, driver o tindero. Sa mas simpleng halimbawa, hindi ba't mas cool at sikat nga naman gamitin ang Ingles. Ito ang kaisipan na tila kumakahon at umaalipin sa ating mga Pilipino. Aminin niyo, hindi lang si Soriano ang nagiisang preso ng kolonyal na kaisipan. Totoo niyan, marami sa ating ang nagkukumahog upang bunuin ang identidad ayon sa paggamit ng Ingles. Kulang na lang, maghilod tayo kasa segundo para maabot ang porselanang kutis at bagayan ng buhok na kinulayan upang pumabilang sa iba o "angat" na lahi.

Bilang Pilipino, mahalaga sa akin ang wikang Filipino. Ito ang sandata ko upang ipahayag ang sarili ko at ito ang instrumento upang makipagtalastasan sa kapwa ko. At ang mga kapwa ko, hindi nakakahon sa kanilang propesyon o antas ng lipunan. Sinumang ipinanganak sa Pilipinas ay mamamayan ng Pilipinas. At sa pagsibol ng kaalaman, nabubuo ang identidad ng pagiging Pilipino.

Bilang Overseas Filipino Worker, mas nakapahalaga ng wikang Filipino sa akin. Kung inaakala mo na kailangan ay maging "spokening dollar" at may "slang" ang dila ko sa pananalita upang makipagusap sa mga dayuhan, tama ka rin naman. Kung saang wika ako mas mauunawaan ng dayuhan ay doon ako. Pero, kung Pilipino naman ang kausap ko, wikang Filipino ang ginagamit ko. At ang totoo nito, mas may kiliti at sipa ang wikang taal sa aking dila. Sa paggamit ng wikang Filipino, para akong halaman na nadidiligan ng maligamgam at sariwang tubig; ako ay nabubuhay.

At sa mga pagkakataong kailangan ipahayag ang sarili sa mga kaguluhan sa kapaligiran, wikang Filipino ang sandata ang nagiging sandigan ng lakas ng loob. Gamit ang wikang Filipino, nasasabi ang mga himutok, pagka-asar, pagkabalisa o pagkasuya sa reyalidad. Daig pa ang Tapsiyaco, ang wikang Filipino ang nagpapakalma sa puso sa oras ng pagkalunod sa birtwal na polusyon sa bansang dayuhan.

Nakakatuwang isipin, dahil sa ebolusyon at pagyabong ng teknolohiya, wala ng imposible sa kasalukuyang panahon. Dahil riyan, ang mga siraulong pinuno sa mga dayuhang kompanya ay gumagamit na rin ng tagasalin upang isalin sa wikang Ingles ang mga nagiging pahayag sa Filipino. Mag-ingat, aba'y doblehin pa, sapagkat sa unting pagnanakaw ng isinulat sa Facebook, maaari na itong maunawaan ng dayuhan gamit ng translator.

Di kami pahuhuli sa mga paglamon ng pribadong espasyon. Gaya ng mga puti at ng iba pang lahi, maalam din kami pagdating sa pagpoprotekta ng aming kapakanan o karapatan. At dahil diyan, maliban sa paggamit ng wikang Filipino, ang ilang salita sa wikang Bekimon ang nagiging alternatibo. Isama mo pa ang palaliman ng mga salita mula sa Wikang Filipino.

Bilang Overseas Filipino Worker, nakakatuwang gamitin ang ilang salitang kinulot upang lumikha ng reyalidad. Andyan ang mga salitang "Imbey," "Havey na Havey," "Anda," at maging ang "Keri," "Shokot" o "Aura." At siempre, pasok din ang pagiging "Stress Drilon" o "Haggardo Versoza" sa dami ng trabaho. Maliban riyan, gumagamit rin ng mga salitang "pinuno," "pulong," "abuso," "inggrata," at kung anu ano pa mang salitang magbibigay depinisyon sa reyalidad.

Sa aking palagay, maliban sa ang wikang Filipino ay buhay, ito ay may kakayahang protektahan ka. Maliban sa kaya kang pasayahin o paiyakin ng mga salita sa wikang Filipino na alam mong mas tagos kumpara sa "shet" or "F*ck," ang wikang Filipino ay parang kumot sa oras ng tag-lamig, ang tissue paper mo sa oras ng pagkagulgol, o ang bulletproof mo sa pagsanggalang sa kaaway. Isipin mo na lang kung hindi mo kayang mag-Filipino at may bagay ka na ipahayag na tanging kapwa Filipino mo lamang ang gusto mong makaunawa.

Sa kabilang banda, tukuyin natin ang mga beauty pageant gaya ng Miss Universe. Humanga ako kay Shamcey Supsup. Buo at matikas ang kanyang pagsagot sa ingles. Ngunit para sa akin, sa mga susunod pang kompetisyon, bakit hindi natin subukang kumuha ng Translator nang sa gayon ay mas maipahayag ng kandidata ang tunay na saloobin na may bahid ng wikang Filipino, may ganda at taal. Hindi naman siguro masama na subukan sa mga susunod na patimpalak. Ngunit sa kasamaang palad, tila mantataling pantasya ito sapagkat ipinopostura ng globalisasyon ang mga bansa sa buong mundo na dapat ay maalam sa Ingles. Walang problema ang pagiging maalam sa Ingles, ngunit tandaan na ang higit na paggamit ng wika ang nagpapayabong sa wika. Gamitin ang wikang Filipino sa bawat pagkakataon.

Malinamnam gamitin ang wikang Ingles. Ngunit sa oras ng higit na pagpapalaya ng sarili, sa sitwasyon mang may pangaabuso o patimpalak, ang wikang Filipino ang mabisang pananggalang. Bakit hindi, kakabit ito ng ating pusod. Mataba o payat man tayo, ang wika ay parang anino; kasama natin ito habambuhay.

No comments:

Post a Comment

ShareThis