Wednesday, October 12, 2011

KALYE ONSE

Madalas, nakakaaliw ang mga napapanuod natin sa telebisyon, mula sa mga talk show hanggang sa mga talent showdown. Ngunit sa kabila ng ganda nito, may konsepto ng "laro" na higit na dapat busisiin. Paano nga ba pinaiikot ng media ang galaw ng mga tauhan, tayo, ang mga manonood? Paano mismo ang mga kasapi ay lumalahok at nakikipagtunggali para sa karangyaan at kasikatang ibinebenta ng media? Tara, tuklasin natin. Pasukin ang "KALYE ONSE"



 
“KALYE ONSE”

“Hey bata, what is that one laruan na makakapagpa-happy sa iyo?” tanong ng glamorosang host na si Star habang nag-iinterview ng isang bata sa Kalye Onse.

 “Naku, pera na lang po. Pangkain lang..”

Sasabat ang bahagyang naiiritang host at nagsabi, “God! Laruan nga di ba?” Hindi naitago ni Star ang ismid sa harap ng camera.

 “Cuuuuuuuuuuuut!” sigaw ng director na halos nanlilimahid na sa init dahil sa daan daang usisero na nanunuod ng live taping ng “Dream mo, Get mo!

Lalapit ang director sa glamorosang host na si Star habang hindi maitago ng artista ang pagkasuya sa dumi at dami ng tao sa Kalye Onse.

“Star, what’s the problem?”

“Direk, you know naman na I don’t like shooting sa places like this. Like the dirty people. The shanties. The amoy burak. And the unexplainable and walang manner individuals. Look at them. Hindi ka ba na-di-dire?”

“Star, you know from the very start na kailangan natin sila. Sila ang bida sa show mo. Kung wala sila, wala, ang…”

“Yeah, wala ang show na Dream mo, Get mo. Seriously, ang dream ko now is matapos na ‘tong hardship na ito.

“Unting tiis na lang. After all, I heard, mukhang pumi-pick up na ang ratings ng show mo” bibong sagot ng director.

“Yeah right. They always say that. But direk naman. Hindi na uso ang make mingle with those poor people sa streets. It’s more like talent showdown na. Something crazy. Something paguusapan sa media, sa internet. Isa pa, nakaka-haggard ang on location shoot. Look at my skin? My hair? And gaaaawd. I can’t take the init. It’s so kapagod.”

“Let’s put it this way. Tapusin mo na ang interview sa bata and we can all pack-up. After nito, shoot na tayo sa studio and let the assistants buy the items for the kid. Ok?”

“What to do! But I’m so pagod na. Can we have a break?”

“Sure.” Tatalikod na ang director at sisigawan ang mga usisero, “Ano baaaaaaa! Kanina ko pa sinasabi na bawal maglaro dyan sa cable ng mga ilaw!”

Sa paglakad ni Star papunta sa kanyang fully airconditioned van, halos di magkamayaw ang mga fans na nanunuod ng taping ng bagong show na “Dream mo, Get mo.” Ang ilan ay todo kaway sa mestisang artista. Pero si Star, walang pakialam. Para kay Star, it’s time to relax and pamper her beauty para ready sa pag-roll the camera.

Sa pagupo ni Star sa napakalambot na upuan sa kanyang Van, pumasok ang isa sa mga writer ng show.

“Ms. Star, here’s your script na’po. For shoot later po.”

Sesenyas lamang si Star sa PA nito na si Dina na iabot ang script. Agad na babasahin ni Star ang script.

Bago pa man bumaba ang writer, hihirit si Star nang, “I don’t think this will work for that kalokang bata a while ago. Very plain, ordinary. Like okay he wants a toy or some babaw na wish pero ano ngayon? You know what, I think, we need a major revision for this.”

Sasagot ang writer, “May mali po sa mga sinulat ko?”

“Nothing naman. It’s just that if based sa experience ko on making laro of the desperate and poor people, it has to have more. Okay. Just call direk for me and let me handle this.”

Agad na baba ang writer at tatawagin ang director.

Sa pagtawid ng araw, halos magkulong si Star at ang Direktor sa pagplantsa ng script ng programa; isang bagong programa.

***
Nakatayo ang direktor sa harap ng staff ng “Dream mo, Get mo” at mag-wika ito.

“Nagkaroon ako ng meeting with Ms. Star. Apparently, hindi siya happy sa nagiging direksyon ng show natin. Dahil diyan, magpapalit tayo ng format.”

Napuno ng bulungan ang kapaligiran. Hindi makapaniwala ang lahat sa mabilis na naging desisyon ng management. May tumaas ang boses. At may iba naman ay nanahimik lang naman.

 “Teka, bago kayo magreklamo. Gusto kong sabihin sa inyo na inaprubahan na ng management ang format na sinuggest ni Ms. Star. As per management, it’s going to be the next big thing to hit our nation.”

Sasagot ang isang staff, “Eh Direk, anong format naman ito?”

“It’s gonna be exciting.”

***
Rorolyo ang patalastas sa telebisyon.

“The biggest talent showdown is finally here. Hindi ka lang sisikat, makukuha mo rin ang hinihiling mo! Heto ang mechanics. Kada linggo, magpapakita kami ng item. Kung gusto mong makuha ang item na ipapakita namin, mag-audition ka at magpakitang gilas. Pag nakapasok ka, magpeperform ka sa harap ng resident judge na si Ms. Star. Kada linggo, tatlo ang maglalaban-laban para maiuwi ang premyo. Pag ikaw ang nagustuhan ni Ms. Star, ikaw ang maguuwi ng feature item. Here’s more! Walang age limit ang kompetisyong ito. Just show us your talent and who knows, ikaw ang maguuwi ng bonggang-bonggang featured item! Now, for our featured prize of the week, we’ll be giving away, Trip for Four to Disneyland, all expense paid. So, what are you waiting for? Join na sa Born Star!

Off ang VTR. Palakpakan.

Buong yabang na tumayo si Star. Nangiti lamang ang aktres sa pagere ng kanyang bagong programa na siguradong yayanig sa buong bayan.

***
Sa labas pa lamang ng TV1 ay nakapila na ang daan daang nagnanais manalo ng trip for four to Disneyland. Ang iba ay mula pa sa malalayong lugar, mula sa mga bundok at kapatagan ng bansa. May mga pamilyang bitbit ang kanilang mga anak at sangkaterbang props. Ang iba ay halos doon na sa kalsada ng TV1 natulog. Ang iba naman ay pilit na tiniis ang gutom para lang magbakasakali na makapunta sa Disneyland.

Hindi rin halos magkandamayaw ang iba sa pageensayo. May mga batang walang tigil sa pag-awit. May mga pilit na tumatumbling. May mga nagma-make-up. May mga halos di na makagalaw sa laki ng costume. At may ilan na sadyang tahimik at nagaabang sa pasiklaban.

Lalabas ang isang matabang lalake na nakasuot ng T-shirt ng bagong programang tatawaging “Born Star!” at magsasalita sa megaphone: “Ganito po ang gagawin ninyo. May tatlumpung segundos kayo para humarap kay Ms. Star. Sa tatlumpung segundos na yon, siguraduhin niyo po na makapagperform kayo. Pag tanggap po, maiiwan. Pag tanggal, uwi na’po. Malinaw po ba?”

Walang sumagot sa mga naghihintay.

“Malinaw po ba?”

Sasagot ang ilan, “Oo!”

“Susme. Kayo ba eh kumain na? Paalaala po. Ayaw ni Ms. Star ng marungis, mabaho at hindi nagsasalita. Kung isa po kayo sa nabanggit ko, puede na kayong umuwi. Malinaw?”

“Puede ba. Simulan na natin to. Kahapon pa kami naghihintay dito,” sabat ng isang ale na halos hindi pa kumakain sa garalgal ng boses.

Hindi na nagsalita pa ang staff ng Born Star at isa isa nang pumasok ang mga nagnanais na mag-audition sa loob ng studio.

Sa loob ng napakalamig na studio, nakasuot ng red dress si Ms. Star. Siya ay nakaupo sa eleganteng sofa na napapalibutan ng ilang bulaklak. On the table, andon ang dalawang plaka na itataas ni Star kung pasok or hindi ang nag-au-audition. Sa plaka ay nakasulat ang “Winner ka!” at “Chaka ka!” Sa dalawang plaka, “Chaka ka!” ang magdidikta na tanggal ang sumusubok sa patimpalak.

Dumagsa na ang mga nag-au-audition. May mga nag-audition na kumain ng buhay na manok. May kumanta ng awitin na nahimatay on stage. May isang indibidwal na pumasok sa glass box. May gumawa ng awit gamit ang dahon ng santan. May nag-demo ng paggawa ng bula. May umarte na parang sinasapian. May gumaya kay Star sa pagsasalita na agad namang natanggal. May gumulong. May tumalon. May umiyak. May nakiusap. May nanlaban. At matapos ang ilang oras, napuno ang studio ng iba’t ibang hirit ni Star:

“You know what, I don’t like you.”

“Maganda ka pero wala kang brains.” sabay tawa ng napakalakas.

“I like your outfit. Bagay yan sa yaya ko.”

“Eeeeeew! What’s the taste of the uod?”

“Guwapo ka. Are you gay?”

“My God, you’re wasting my time!”

“Grabe! You’re a trash! Traaaaaaash!”

Sa halos walang tigil na panlalait ni Star sa mga sumusubok, isang bata ang nagpatigil sa kanya. Sa paglakad pa lang nito sa entablado ay halos napatigil ang buong cast and crew ng Born Star. Nakasuot ng kapang itim ang bata. Pipilay pilay itong pumasok.

Sesenyasan ni Star ang isa sa mga writers ng Born Star. Lalapit naman agad ang writer.

“This boy has a potential. Look, lakad pa lang, pa-mysterious na. I want him. I’m sure, paguusapan yan ng media.”

Pumagitna ang bata sa entablado. Hindi nito nagawang magsalita.

“Excuse me, kiddo. So what do you have for us?”

“Kaya ko po kayong hulaan ang inyong kapalaran.”

“Reaaaaally?” laking gulat ni Star.

“Ang sabi ko po, kaya ko pong hulaan ang inyong kapalaran.”

“Sige nga.”

“Ipikit niyo po ang inyong mga mata.”

Mapapatingin si Star sa mga writers. Halos walang reaksiyon din ang mga writers.

Hindi nagtagal, ipinikit ni Star ang kanyang mga mata. Sa kanyang pagpikit…

“What’s next?”

“Base po sa nakita ko. Magsisilang po kayo ng nakaparaming laruan.”

Isang malakas na tawa ang naisagot ni Star.

Sa naging takbo ng auditions, agad na itataas ni Star ang plaka na “Chaka ka.” Ibig sabihin, tanggal ang bata na nagsabing magsisilang siya ng nakaparaming laruan.

Matatawa si Star sa sarili.

***
“Nagsimula na ang auditions para sa Born Star ng ever dashing na si Star. At mula sa libo-libong sumubok, tanging tatlo ang nakapasok. Ito ay sina Therese, ang babaeng boses lalake kung kumanta; si Gary, ang batang nag-gigitara gamit ang mga paa; at si Ken, ang bulag na nagpipinta. Sino kaya sa kanila ang tatangghaling kauna-unahang Born Star winner? Abangan!”

Yan ang balitang dumagundong sa buong kapuluan. Inilabas na ang tatlong mapalad na napili para manalo at possibleng makapunta sa Disneyland.

Pero si Star, tila hindi mapalagay. Tila naging balisa siya at halos nagmarka sa isip niya ang sinabi ng isang batang nag-audition na para bang sumpa.

Napahawak si Star sa kanyang sinapupunan. Hinaplos niya ang kanyang tiyan. Pansamantalang dinama ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya maintindihan. Bakit siya kinakabahan. Pero siya ay nangiti.

Bago pa man patayin ni Star ang telebisyon, pinagusapan na ang isang contestant na nagsabi sa kanya na siya ay magsisilang ng napakaraming laruan. Base sa interview sa bata, nakita raw niya ang pangitaing ito ng minsang magshooting si Star sa Kalye Onse. Nakita daw ng bata ang kakaibang aura sa glamorosang host.

Natawa lamang si Star sa mga balita.

***
“5, 4, 3, 2, 1, Action!” Sigaw ng director sa set ng Born Star. Ito na ang hudyat ng simula ng programa.

“Yes!!!!!!!!!! Magandang morning everyone. Gaaawd! Finally, I’ve picked na ang tatlong Born Star Contestants na maglalaban to win a trip for four sa Disneyland. Nakaka-excited di ba?” Buong lakas na pagsabi ni Star habang confident nakaharap sa camera at nasa likuran niya ang tatlong contestants.

“But wait, bago sila mag-showdown, ask muna natin sila one by one with their buhay. Like how it is nga ba to be talented. Sige, start tayo kay Gary. Here’s my question Gary, paano ka natuto mag-gitara gamit ang paa mo?”

“Uhm, wala po kasi akong mga kamay. Eh isang araw, nakita ko yung gitara ng tatay ko. Sinubukan kong galawin yon. Yon, okay naman po.”

“Bongga ka naman. Parang like mo lang to make tugtog then go na. Eh ikaw naman Therese, bakit naman pamboses lalake ang kinakanta mo? I’m sure girl ka naman?” Sabay hahalakhak si Star.

“Ay opo. Nakahiligan lang po.”

“Wow. Speaking of hilig, ito si Ken, grabe, bulag pero he can paint naman. Ken, paano mo nagagawa yan ng hindi ka nakakakita?”

“Bata pa lang po kasi ako noon at parang pag sa mga nadidinig ko, ginagahan ako magpinta.”

“But you don’t see anything di ba? Wait, paano ka nabulag?”

“Sabi po ng tita ko na umampon sa akin, pilit daw akong pinapalaglag ng nanay ko noon.”

Nagitla si Star. Pansamantala, tumigil ang kanyang oras. Halos hindi siya nakasalita.

Sa pagkatulala, halos hindi napansin ni Star na sumesenyas na ang mga writers sa studio na commercial break na.

Nang matauhan si Star, napasabi ito, “Oh Sorry! When we come back, magsho-showdown sina Gary, Therese at Ken!”

***
Nakaharap lamang si Star sa salamin ng kanyang dressing room. Tanaw niya ang kanyang tulis ng kanyang ilong, ang kinis ng kanyang kutis, ang pagkabanayad ng kanyang mga buhok. Maganda siya. Walang kupas. Maputi. Artista. Isang bituin.

Hinawakan ni Star ang kanyang tiyan. Hinaplos ito. Pinakiramdaman. Ngunit bago pa man tuluyang lamunin ng pagiisa, pumasok ang isa sa mga writers at nagsabi.

“Ms. Star, we’re ready to roll na’po.”

***
Tapos na ang final showdown. Ipinakita na rin ang VTR na nagtatampok ng ganda ng Disneyland. Kumakaway pa sina Mickey at Minnie Mouse. Hinahalina nila ang mga maaaring magwagi ng premyo!

Nakatayo sa entablado si Star at nasa likod naman ang mga kabadong contestants ng Born Star.Halos hindi rin mapakali ang mga manonood na nagaabang kung mananalo ang kanilang mga manok.

“Grabe, nakakabilib talaga ang performances nina Gary, Therese at Ken. Pero sadyang iisa lang ang puedeng maging winner at tawaging Born Star. Kaya naman I won’t make patagal pa, I will announce the winner. So ready everyone?”

“Gary, pinabilib mo ang buong bayan sa galing mong tumugtog ng gitara gamit ang iyong mga paa. Will you walk away to become our first ever Born Star winner?”

“Therese, bibihira ang laki ng boses na ipinamalas mo sa pag-sing. Maging malaki rin kaya ang puwang sa puso ng taong bayan ang talento mo, or your chance to win?”

“Ken, sa kabila ng iyong pagkabulag, ipinakita mo sa amin ang angkin mong galing sa pagpipinta. Makita mo kaya ang liwanag na hinahanap mo sa gabing ito as you make your dreams come true?”

Hahakbang si Star at hihinga ng malalim.

Bago pa man sabihin ni Star kung sino ang nanalo…

“Aaaaaaaaaaaah! Oh my gaaaaaaaaaaaaaawd!” sigaw ni Star. Napahawak ito ng mahigpit sa kanyang tiyan. Parang may kung anong bubulwak sa kanyang sikmura. Hindi niya maintindihan. Hanggang sa….

Kablag. Bumagsak si Star sa entablado habang hawak ang tiyan.

Nagkagulo ang mga tao sa studio. Maging sa control booth, nagpanic ang mga staff.

“Direk, commercial break ba? Anong gagawin natin?”

“Itutok mo ang camera kay Star. Itutok mo”

Napabulong ang director sa sarili, “This is going to be big! Nakikita ko na ang ratings!”

Nagulat ang staff pero wala itong ibang nagawa kundi ang sumunod.

Sa may studio naman ay halos bumaha na ng dugo sa entablado. Kapansin-pansin din ang paglaki ng tiyan ni Star. Walang tigil ito sa paglaki. Halos hindi na rin makahinga ang artista. Nagaagaw buhay na ito.

Sa pagtakbo ng mga tao at pagusisa ng iba, natahimik ang lahat ng…

Iba’t ibang laruan ang naglabasan sa katawan ng artista: may manika, may kotse-kotsehan, may bola, may yoyo, may maliit na truck, at kung anu ano pa. Walang tigil ang pagdami ng laruan.

Ang mga studio audience, sa halip na manuod, isa isa ng kumuha ng laruan. Tuwang tuwa ang mga bata. Ang mga matatanda ay nakikigulo din sa pagdampot ng laruan. Pati ang mga contestants. Tila naging isang pistang bayan ang eksena sa studio ng TV1.

Pero si Star, nakahandusay sa sahig. Tila wala ng malay.

***
Opening ng programang Balitang Balita.

“Isinugod ang glamorosang si Ms. Star kanina sa ospital matapos ang nakakapangilabot na kaganapan sa live show ng bago nitong programa na Born Star. Bago i-announce ng aktres ang mananalo sana ng Trip for Four to Disneyland na kalahok ng Born Star ay agad na sumakit ang tiyan nito at biglang tumumba. At doon, nagsimulang lumabas ang iba’t ibang laruan sa katawan nito. Sa kasalukuyan, wala pang malinaw na kasagutan kung ano ang tunay na nangyari sa aktres. Ngunit, para bigyan tayo ng paliwanag, kasama ng ating Ka-balita ang batang minsang nagsabi ng malagim na pangitain ni Ms. Star. Pasok, Roel!”

Nakatayo ang isang reporter, si Roel, sa Kalye Onse at kasama nito ang batang nagwika ng nakakapangilabot na pagbubuntis ni Star.

“Salamat! Okay kasama ko ngayon si Bugoy, ang batang nakahula sa sinapit ni Ms Star, ilang araw bago ang kakila-kilabot na pangyayari. Umh, Bugoy, paano mo nahulaan ang nangyari kay Ms. Star?”

“Gaya po ng sinabi ko noon. Nakita ko sa aura niya nang minsan sila magshooting dito sa amin. “

“Paanong aura?”

“Yung ugali po niya. Don ko po naramdaman.”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Teka po, kayo, gusto niyo hulaan ko ang kapalaran niyo? Sample?”

Nagulat ang reporter at napasabi ito, “Naku, wag na! Salamat! Okay mga ka-balita. Back to studio.”

Pagpatay ng camera, nagwika ang reporter sa bata, “Ano bang nangyari? Totoo bang ipinakulam si Ms. Star dahil sa matapobre siya? Mapaglaro? Puede mo ba sa amin sabihin?”

“Sige kuya. Kahit isang libo, puede na.”

***
Magigising si Star na nasa ospital. Nakahiga ito sa kama. Ididilat niya ang kanyang mga mata. Tatambad sa kanya ang director.

“Kamusta ka?” tanong ng director.

Matatawa si Star.

“I should get a best actress award for this.”

“Higit pa. I underestimated your strategies, Star. You planned everthing. At ngayon, pinaguusapan ang show kahit saan. At ikaw mismo. Who would believe na gawa-gawa lang ang lahat ng kaguluhan? Seriously, you really know how to play the game. Siguradong kakain ng alikabok ang ratings ng kalabang programa.”

“Oo naman. I’m born to be a star!”

***

Sa loob ng editing room. Nakatayo ang reporter sa harap ng monitor at pinapanood ang video.

Sa video ay nakaharap ang bata sa camera. Nagwika ito:

“Uhm, binayaran po kami ni Ms. Star. Sabi niya mag-audition ako. Tapos hulaan ko siya. Sabihin ko na magaanak siya ng mga laruan. Yon po. Tapos. Tapos after ng shooting. Alam ko pinatawag niya yung mga tao sa amin dito. Ayon. Sabi ni Ms. Star, eeksena daw kami. Kunyari di alam. Walang alam. Sayang din kasi ang pera. Aarte ka lang eh meron ka ng limang daan. Ang natatandaan ko. Sa mismong araw ng show, sumigaw ng cut yung si direk. Tapos naglagay ng mga laruan sa tiyan ni Star. Tapos ayon. Ang daming laruan di ba po? Idol ko talaga si Star. Maganda na. Mabait pa. Tinutulungan niya kaming mahihirap. Kami? Pinaglalaruan? Hindi totoo yan. Mahal kami ni Star. Mahal din namin siya.”

Natapos ang video. Laking gulat ng reporter ng bumulaga sa kanyang likuran si Star.

Nagkatinginan ang dalawa. Nagwika si Star, “I have a proposal for you.”

- Wakas -

Ang Freestyle Blog (Experimental) na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards.




  Pen and Paper photo credit: CLICK

2 comments:

ShareThis