Wednesday, October 12, 2011

"paLEGOhan"

Ang "paLEGOhan" ay isang tula na isinulat ko bilang entry sa Saranggola Blog Awards. 












 


“paLEGOhan” 


Pista kung ituring ang pagdating ng kalawanging truck ng basura.
Ang busina ng kakarag-karag na sasakyan ay musika.
Ang usok ay halimuyak ng pag-asa.
Ang pagbagsak ng basura sa imbakan ay tila ginintuang kalansing ng saya.
Sa wakas, kami ay makakapagtampisaw sa biyaya ng basurahan.

Sa pagbulwak ng tira-tira, nagkukumahog kami sa paglangoy at pagdampot.
May marungis at sira-sirang manika para kay ate.
May kotse-kotsehan na walang gulong para kay kuya.
May robot na basag ang ilaw para kay bunso.
May kulay abong Lego para sa akin.
Nalulunod kaming magkakapatid sa regalo ng imbakan.

Sa hinaba-haba ng pagsisid sa imbakan,
palayo kaming tatakbo na pasan ang higanteng ngiti.
Isasabog ang pira-pirasong laruan sa lupa.
Pagugulungin ang kotse-kotsehan.
Dadamitan ang sira-sirang manika.
Pagagarain ng mga tirang bakal ang warak na robot.
Ipipilit na buuin ang Lego.
Sa isang gabi, aarte kami bilang mga Diyos ng kalawakan.

Hanggang isang hapon, isang mabagsik na truck ang dumating sa imbakan.
Bitbit ang di naming inaasahan, isinabog nito ang mala-tsunaming kautusan sa aming bayan.
“Demolisyon, Demolisyon, Demolisyon,”
Yan ang taghoy sa pistang pinuno ng takot at kalungkutan.

Sa pagsugod ng mga mala-robot na tauhan,
Rumagasa ang takot,
Umapaw ang galit,
Unti-unting inanod ng unos ang aming buhay.

Nagpatintero ang araw at gabi, lumisan ang karamihan.
Di na bumalik ang kalawanging truck.
Pinatag na ang imbakan.
Balak daw patayuan ng paggawaan ng laruan.

Pinulot namin ang naisalbang alaala.
Nagpatianod kami sa utos ng mga tunay na Diyos sa sangkalupaan.
Sabi sabi, bukas makalawa, lahat ay aambunan ng grasya.
Kami raw ay bibihisan at isisilid sa isang bagong palaruan.

Di kami binigo ng nilipatang pamayanan.
Malawak. Malinis. Maaliwalas.
Ngunit kahit anong ganda ng kapaligiran,
kami ay tila hindi nahihilamusan.
Kailangan nga sigurong tanggapin.
Sino nga ba ang hindi napaglalaruan ng tadhana?


***
Ang tulang ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards.

 Pen and Paper Image Credit: CLICK

No comments:

Post a Comment

ShareThis