Wednesday, October 12, 2011

SA MULING PAGDALAW NG MANANAYAW NG KALANGITAN


Alamin ang kuwento ng pakikpagsapalaran nina Baste at Ben sa mananayaw ng kalangitan. Makibasa na sa aking entry sa 2011 Saranggola Blog Awards!


Ang kuwentong pambatang ito ay para sa edad labindalawa.









“Sa Muling Pagdalaw ng Mananayaw ng Kalangitan”

Magkapatid sina Ben at Baste. Sila ay mga ibong maya.

Si Ben ay masunurin na ibon. Kung ano man ang iniutos ng ina nito, agad na ginagawa.  Maliban riyan, kilala si Ben nilang Imbentor sa kanilang bayan. Madalas, nagkukumpuni ito ng mga samu’t saring bagay at ginagawang kapaki-pakinabang. Ang lata ay nagiging laruan. Ang mga bato ay nagiging lutuan. Ang mga dahon ay nagiging magandang kumot o higaan.

Samantala, si Baste naman ay kabaligtaran ni Ben. Maliban sa sadyang matigas ang ulo nito, madalas nitong iginugugol ang kanyang oras sa paglalaro sa kalangitan. Mabilis rin itong magsawa sa kanyang mga laruan.

Ulila na sa ama sina Ben at Baste. Ayon sa balita, kinuha daw ng mananayaw ng kalangitan ang kanilang ama nang minsan itong lumipad at naghanap ng makakain para sa pamilya. Hindi na ito nakabalik pa sa kanilang pugad.

 Dahil sa pagkawala ng ama, laging ipinapaalaala ni Inang Ibon sa mga anak na wag na wag susuungin ang kalangitan lalo pa’t kung ito ay nababalot ng dilim. “Ang mananayaw ng kalangitan ay bibihirang lumabas ngunit kung ito ay magpapakita, ito ay mapangakit, malakas at mapanganib.” Ito ang dagdag ng nangungusap na ina.

Hindi lamang ang ama nina Baste at Ben ang biktima ng mananayaw ng kalangitan. Maliban sa mga malalaking ibon, madalas na nagiging biktima nito ay ang mga maliliit na ibon. Sa mga nagdaang taon, ang mananayaw ng kalangitan ang tanda ng takot para sa mga ibon, sa buong bayan o kagubatan. Ang mananayaw ay kinikilala bilang si Hawi.

Madalas, bumibisita si Hawi sa bayan tuwing buwan ng tag-ulan, ng bagyo. Bagamat bibihira, peligroso ito.  Ngunit sa kabila ng takot na hatid ng panahon, nagpapatuloy ang buhay ng mga ibon. Lumilipad ang karamihan upang humanap ng makakain. Naghahanap ng mga sanga na pupugaran. Sumusuong sa kagubatan para sa mga matitibay na gamit bilang paghahanda sa pagbisita ni Hawi.

Para kay Ben, sa murang edad, ito rin ang panahon na dapat maghanda para sa pagdating ni Hawi.

“Ben, ano yang ginagawa mo?” Tanong ni Baste sa abalang kapatid habang patuloy sa pagkain.

“Bola na gawa sa mga sanga. Para kahit dumating si Hawi, makakapaglaro tayo dito sa pugad.”

Tatawa ng napakalakas si Baste. Magtataka si Ben.

“Hindi dapat katakutan si Hawi. Mas masaya maglaro sa labas ng pugad!” Sambit ni Baste.

Hindi na nakapagsalita pa si Ben at nagtuloy ito sa paggawa ng laruan. Patuloy naman sa pagtawa si Baste hanggang sa lumipad palabas ito ng pugad.

Hanggang isang araw, dumating na ang takdang araw ng muling pagbisita ng mananayaw ng kalangitan, si Hawi.

Isang hapon, kaaalis lamang ng ina nina Baste at Ben upang kumuha ng ilang nakaligtaang pagkain para sa mag-anak nang magsimulang dumilim ang kalangitan.

Nagbilin ang ina, “Wag kayong lalabas sa pugad. Babalik ako agad!”

Tumango ang dalawang ibon.

Sa paglipad ng ina, sumilip si Baste at nagwika, “Ben, tara, maglaro tayo sa ulan!”

Nagulat si Ben. “Hindi mo ba napapansin ang langit? Napaka-dilim. Delikado. Maglaro na lang tayo nitong bola na ginawa ko.”

“Kung ayaw mo, maiwan ka dyan. Basta ako, maglalaro ako sa labas. Isa pa, gusto kong makita ang mananayaw ng kalangitan!”

Bago pa man makapagsalita si Ben ay agad ng lumipad si Baste paalis ng pugad.

Sa paglipad ni Baste, naabutan niya ang grupo ng mga ibon na may bitbit na mga sanga at unting bato. Inaya ni Baste ang mga ito, “Laro tayo!”

Sumagot ang isang ibon, “Baste, umuwi ka na! Baka dumating si Hawi. Mapanganib!”

Tumawa lamang ng napakalakas si Baste at nagwika, "Walang makapipigil sa akin maglaro. Kahit ang mananayaw ng kalangitan!"

Nagtinginan ang mga ibon at nagmadaling umalis ang mga ito.

Nagpatuloy si Baste sa paglipad hanggang sa pinakamataas na kanyang maaabot. Sa kalangitan, tila tuwang tuwa pa si Baste sa pagsalubong ng mga lumilipad na bagay – dahon, maliit na kahoy, at kung anu ano pa.

Hindi nagtagal ay bumuhos na ang ulan. Palakas nang palakas ang buhos ng mga butil mula sa kalangitan.

Tuwang tuwa pa si Baste ng madampian ng malamig na tubig ang kanyang pakpak. Todo kampay siya. Lipad dito, lipad doon.

Hanggang sa isang kidlat ang nagpinta ng takot sa buong bayan. Sumisipol na rin ng napakalakas ang hangin. At ang kalangitan ay balot na ng dilim. Ito na ang hudyat ng pagdating ni Hawi, ang mapaminsalang mananayaw.

Sa may pugad, dumating na si Inang Ibon. Naabutan nito si Ben na nakadungaw habang hawak ang bolang imbensyon.

“Anak, nasaan ang kapatid mo?”

“Nay, lumabas po siya.”

Nabitiwan ni Inang Ibon ang kanyang basket na may lamang mga dahon at prutas.

Dali-daling kumilos sina Inang Ibon at Ben upang hanapin si Baste.

 Sa kalangitan, hindi nagtagal at nahati ang ulap. Doon, ibinaba ni Hawi ang kanyang mga paa at tumuntong sa lupa. Ang mga kamay naman nito at kumapit sa kalangitan. Gawa sa mala-krystal ba tubig ang katawan, todo sa pagsayaw si Hawi habang iwinawasiwas ang ulan at hangin sa buong bayan. Lahat ng bagay – mula puno, bato, sanga, at kahit mga halaman – na madaanan nito ay ay parang bulak lamang na hinihipan.

Saksi si Baste sa pagdating ni Hawi. Ngunit sa halip na umalis ay hinamon pa nito si Hawi. “Hawiiiiii! Tingnan mo at kayang kaya ko ang lakas mo!”

Napatingin si Hawi. Tumawa ito ng napakalakas. Sinabayan ito ng napakalakas na kidlat.

Hindi pinansin ni Hawi si Baste. Nagtuloy ito sa pagsayaw, sa pananalanta sa bayan. Walang matibay na bahay ang kumawala sa mga hampas nito. Ang mga puno ay nililipad. Ang mga sasakyan at mga malalaking trak ay sinisipa.

“Basteeeeee!” Sigaw ni Ben sa kapatid.

Nakita ni Baste si Ben at ang kanilang ina sa di kalayuan. Ngunit sa halip na tumungo si Baste sa mag-anak, nagpakitang gilas pa si Baste sa kalangitan!

“Tingnan niyo, kayang kaya ko ang lakas ni Hawi!” Nagpaikot-ikot pa si Baste at sabay lumipad pataas.

Nakita ni Hawi ang pagpapakitang-gilas ni Baste. Nagwika ito, “Tingin mo ay kayang kaya mo ako? Heto ang sa’yo!”

Pinakawalan ni Hawi ang napakalakas na hangin. Nagulat sina Inang Ibon at si Ben. Natulala. Nagitla.

Napasigaw si Inang Ibon, “Baaaaaaaaste!”

Sa paglamon ng hangin kay Baste, samu’t saring mga bagay ang humampas sa katawan nito.  Isang malaking kahoy ang tumama sa pakpak nito. At sa lakas ng pagkakatama nito, nahulog si Baste mula sa kalangitan.

“Saklolo!!!!!” Iyon ang nasabi ni Baste sa paghampas ng malakas na hangin sa kanyang katawan.

Kitang-kita nina Inang Ibon at Ben ang nangyari kay Baste. Agad naman itong sumaklolo. Agad nilang nasalo si Baste mula sa kalangitan.

Habang inililigtas ng mag-ina si Baste, walang tigil sa pananalanta si Hawi sa mga kagubatan, sa bayan at sa kung saan ito mapadpad. Sa mga lupang inaararo nito, iginuhit nito ang takot sa sinuman.

Hindi nagtagal humina si Hawi at muling bumalik sa kalangitan. Tumigil na rin ang ulan. Unti unting humina ang hangin. Nawala ang dagundong. Naiwan ang pinsala sa sangkalupaan.

Ang mag-iina ay nakasilong sa nakasilong sa isang maliit na kuweba. Doon, nakahiga sa may batuhan ang walang malay na si Baste. Wala namang tigil sa pagiyak si Inang Ibon habang nakatingin lamang si Ben.

Ang paggalaw ni Baste ang bumasag sa lungkot ni Inang Ibon at ni Ben. Unti unting naigalaw ni Baste ang lasog-lasog nitong mga pakpak.

“Anaaaak!” Buong lakas na nasabi ng ina ni Baste.

“Nay! Nay! Patawad po!” Pakiusap ni Baste sa Ina.

Niyakap ng mahigpit ng ina si Baste. Bumagsak ang luha sa mata ni Ben.

Lumipas ang mga araw at unti-unting naghilom ang sugat sa pagpak ni Baste. Sa tulong ng imbensyon ni Ben, nakapagsuot si Baste ng mga suporta sa pakpak nito. Dahil dito, nakakapalipad pa rin si Baste sa kabila ng pagkapilay.

“Maraming salamat, Ben!”

“Walang anuman, Baste.”


Mula sa pugad na kinaroroonan ng magkapatid, isang grupo ng mga batang ibon ang dumapo. Nagwika ang isang batang Ibon, “Ano pong nanyari sa inyo?” Itinuro ng ibon ang pakpak ni Baste.

Sasagot si Baste, “Ito ang nakukuha ng batang matigas ang ulo.”

Nagtinginan ang mga batang Ibon.

Dumating ang ina ni Baste at si Ben bitbit ang kanilang meryenda. Napatingin si Baste kay Ben at nagwika sa mga ibon.

“Basta tandaan niyo, susundin niyo ang inyong mga magulang, ha?”

Nagtingin ang mga bata.

“Tama!” Sagot ng ina. At nagwika pa ito, “At ngayon, kumain muna kayo!”

Hindi tumanggi ang mga batang ibon at sina Ben at Baste.

Nagkumpulan ang mga ito sa munting salu-salo.

* Ang maikling kuwentong pambata na ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards.


Photo Credit of Pen and Paper: CLICK

No comments:

Post a Comment

ShareThis