Monday, August 13, 2012

LETRA-TURA: "SILID"

Hingang Malalim! yes, buhay pa ako at buhay na buhay na buhay pa ang blog kong ito. Pasensya na at hindi ko na-update ang aking blog sa mga nagdaang araw sapagkat masyadong abala sa mga gawaing pang-opisina, pagpoproseso ng mga dokumento para sa aking PhD, at higit sa lahat, pagaayos ng mga gamit para sa nalalapit na paglisan sa Brunei.

Tayo ay nag-ta-Tagalog rito sapagkat buwan ng Wika. At bilang espesyal na handog, papasukin ko kayo sa aking silid dito sa Brunei. Itatampok ko sa panulat na ito ang ayos, disenyo (kung meron) at karakter ng aking silid na nabuo sa mahigit apat na taon ng paglagi sa Abode of Peace.

Kung handa ka na eh simulan mo na ang pagbabasa! Tuloy po kayo!



Silid
Sa Panulat ni Earvin Charles Cabalquinto
 
Malawak at malaki ang aking silid dito sa Brunei. Mataas ang kisame. Gahigante ang bintana. Mula sahig hanggang kisame ang built-in na mga aparador. May malaki at malambot na kama. May aircon at may malaking ceiling fan na naghahatid ng maayos na bentilasyon.





Taong 2008 nang una akong tumuntong sa silid ko dito sa Brunei. Tandang tanda ko pa na ika-5 ng Marso noon, pasikat pa lamang ang haring araw, nang makipagsapalaran ako sa pangingibang  bansa. Gaya nga ng lagi kong sinasabi sa ibang blog entries ko, isang paraan ang pagpunta ko sa Brunei upang muling buuin ang sarili matapos ang kalungkutang hatid ng pagpanaw ng aking ina.Gayundin, ninais kong makaipon hindi lamang ng pera kundi maging ng karanasan.
Ang aking pinto sa kanan.

Unang Araw sa Brunei!

Aalog-alog na silid!
 Sa pagtuntong ko sa aking kuwarto noong 2008, isa lang ang namutawi sa bibig ko: “Ang laki!” Kumpara sa kuwarto ko sa Pilipinas, di hamak na halos triple ng kuwarto ko rito ang naroroon sa Pilipinas. Kung tutuusin nga, puedeng dalawang tao ang tumuloy sa kuwarto ko. Naisip ko rin na puede ring gawing dance studio o library ang aking silid sa laki ng mga nakatiwangwang na espasyo. Sa sadyang laki ay napaisip ako ng sangkaterbang paghahati bilang utilisasyon ng mga noon pa'y tahimik na sulok.

Sa nagdaang apat na taon, umikot at nabuo ang aking buhay bilang isang OFW sa aking silid. Sa kabila ng lawak at aliwalas, naging masikip ang espasyo sapagkat napunan ito ng mga masasayang alaala. Kasama na rin dyan ang mga kuwentong mananatiling tikom dahil wala namang dila o bibig ang mga kisame’t dingding upang ipagsabi ang aking mga kabaliwan at pagiging emosyonal sa loob ng silid. Ang aking silid ang naging saksi sa aking kalungkutan, higit na kasiyahan, kabaliwan, ilusyon at kung anu-ano pang uri ng emosyong hatid ng maghapong pakikisalamuha sa dayuhang bansa.

Malaki man ang espasyo ng aking silid na maaaring isang simbolo ng kaginhawaan ngungit di naman ito isang kasiguruhan upang matakasan ko ang pangungulila sa mga mahal sa buhay na naiwan sa Pilipinas.Sa kabilang banda, bagamat panay-panay ang dalaw ng homesickness noong mga unang buwan, di nagtagal ay napalitan naman ito ng mga bisitang kilala bilang sina sigla, saya, at tagumpay. Utang na loob ko na rin siguro sa Diyos at sa aking pamilya’t kaibigan kung papaano sumibol ang kasiyahan at pagalpas sa higit na kalungkutan.
Siempre may Stuff Toy ako!
 Gaya ng kuwarto ko sa Pilipinas, mababakas sa aking silid ang aking personalidad.

Sa kabila ng puting pintura na kailanman ay hindi ko ginalaw dahil nangungupahan lang naman kami sa “staff house” na bilang bahagi ng pabahay ng aking employer sa amin, napuno ng kulay bawat sulok ng aking silid. Tandang tanda ko pa noon ang unang tropeyo na napanalunan ko sa Brunei. Tinanghal akong First Runner-up sa LBC’s Brunei Idol Search. Ito ang unang bagay na nagbigay sigla sa aking silid. Maliban sa tropeyo, nag-uwi ako ng ilang dolyar na ang sampung porsyento ay agad kong ibinili ng pakain sa mga kaibigan na sumuporta noong nagtanghal ako sa entablado.

Ang Unang tropeyo!
 May hiwaga ang katahimikan ng aking silid. Sa mga unang taon na wala pa akong radyo o telebisyon sa silid na nabili ko dahil sa panay-panay kong pagraket sa pag-ho-host ng event, lagi kong kapiling ang katahimikan. Sa katahimikan na iyan natagpuan ko ang higit na direksyon ng aking buhay. Inisip ko noon, hindi ko nais na mapako sa Brunei, bata pa ako at gusto kong sumubok sa iba – sa loob o labas man ng Pilipinas. Kaya baon ang determinasyon, idinulog ko yan sa Diyos. Sinamahan ng sipag at tiyaga. At higit kong pinagsumikapan. Sa huli ay unti-unti ko namang nakamit. Sa wakas ay nakakuha ako ng scholarship sa Australia para isakatuparan ang aking pangarap na magka-PhD.

Hindi nagtagal ay napuno ng musika ang aking silid. Mula sa huni ng katahimikan, ng mga naghahabulang ibon sa aking bintana, at ang harurot ng mga sasakyan sa main highway, napalitan ng musika ng pag-asa ang aking silid. Maliban sa hilig ko sa pag-awit na naging daan para mamakyaw ako ng mga Videoke CDs at mga OPM Minus one, itinanghal ko sa aking silid ang himig ng pagmamahal ng aking pamilya. Iyan ang uri ng musika na pumuno sa aking malulumbay na gabi na kahit banatan ko ng awit sa videoke ay hindi maalis-alis.

Sa aking silid, hindi nawala ang tinatawag kong altar. Dalawang klase ang aking altar. Una ay ang pinaglalagyan ng krus, imahe ng Manaoag, ng Birheng Maria at ni Hesus. Diyan ko dinudulog ang aking mga pangarap, hiling, pasasalamat at higit na pag-asang mapagtagumpayan ang lungkot, takot at kung anu-ano pang kahibangan. 

Unang Altar: Pagkilala sa Diyos
 Sa ikalawang altar naman ay naroroon ang mga larawan ng aking pamilya: ang aming Zoobic Adventure, ang kasal ng aking kuya, ang aking MA graduation picture, ang unang kaarawan ang aking pamangkin na si Gabriel, ang Ocean park adventure, at maging ang mga imbitasyon sa mga events na dinaluhan o kinapulutan ko ng inspirasyon. Gaya ng sabi ng imbitasyon ng British Council, “Spread your wings.” Sa personal na altar ay makikita ang timeline ng aking buhay bilang isang OFW na bumubuo ng buhay sa labas ng bansa at malayo sa pamilya. Sa pamamagitan ng mala-scrapbook na komposisyon ng mga larawan, nai-a-angkla ako sa reyalidad ng aking pamilya sa kabila ng pili at limitadong oras ng pagsasama. Halos isa o dalawang beses ako makauwi sa Pilipinas. Pasalamat din ako at pinapayagan ako ng aking boss.

Ikalawang Altar: Personal na Timeline!

Sa ilalim ng mga larawan ay makikita ang aking mesa. Ito ang mesa na kinapapatungan ng ilang aklat, dilaw na study lamp, alarm clock, libro, mga bolpen, ang aking larawan na kuha noong 2007 at ang tropeyo. Sa mesang ito binubuno ko ang aking mga gawaing pang-akademiko. Noong kumukuha ako ng Masteral sa UP Open University, madalas akong nakapako sa bahaging ito ng aking silid. Dito ako nagiisip ng mga konseptong isusulat at ibabahagi para sa klase. At sa oras ng kawalan ng maisip o higit na pagod, tumitingala ako at nakikita ko ang masasayang ngiti ng aking pamilya. Sa oras na makita ko ang mga larawan, nahihilamusan ako ng higit na sigla at inspirasyon. Halos ganitong ganito rin ang ayos ng kuwarto ko sa Pilipinas. Muli ko lang binubuhay sa ibang lupain ang mga kaayusan maaaring paghugutan ng inspirasyon at at home.



Sa may gilid ay may dalawang bookshelf. Hindi nakakapagtaka ang pagkahumaling ko sa mga aklat. Simula ng tumuntong ako ng Brunei, ang bookstore agad ang hinahanap ko. Sa kasamaang palad, pili at iilan lamang ang mga bookstore sa Brunei. Hindi tulad sa Pilipinas, malulunod ka sa dami ng seleksyon. Sa kabila ng limitasyon, para-paraan ang paghagilap ng mga aklat. Karamihan sa mga aklat na binibili ko hindi lang nagmula sa Brunei, kundi karamihan ay binibili ko sa Pilipinas at dinadala rito. Ito ang dahilan kung bakit madalas ay sumosobra sa timbang ang aking bitbit na maleta.

Ang mga libro ang naging katuwang ko sa oras ng pag-iisa: mula sa pagkain ng pananghalian sa opisina o sa kalapit na restaurant hanggang sa ilang gabi bago matulog. Maliban sa pangakademikong libro na pinondohan ko noong kumukuha pa ako ng kurso sa Masters, naglaan din ako ng ilang dolyar para makapiling ang mga paborito kong manunulat gaya nina Gaiman, Murakami at Coehlo. At dahil mahal ko ang panitikang Pilipinas, bumibili ako ng mga libro sa Pilipinas sa tuwing uuwi ako. Sa ganitong paraan, naisakay ko sa eroplano at nadala ng Brunei sina Bob Ong, Luna Sicat-Cleto,  Eros Atalia, Yvette Tan, at marami pang mga awtor na Filipino. Sa mga oras ng pangungulila sa pamilya o sa gutom na higit pang matuto, sila ang mga awtor na pumupuno sa aking sandali.





Marami rin akong naitabing pang-akademikong babasahin. Mula sa teorya sa komunikasyon hanggang sa mga journals sa New Media, Communication Research, at marami pang iba, naging sandigan ko ang mga babasahin upang maitulay ko ang aking kursong MA in Development Communication. Aaminin ko na sa pagbabasa ng mga gawaing pangakademiko ay pansamantala kong nakakalimutan ang homesickness. Naging daan rin ito upang mangarap ako na maging guro sa nalalapit na hinaharap at makamit ang inaasan na PhD in Media and Communication. Suwerte nga rin siguro at napagkalooban ako ng Full Scholarship mula sa Australia.



Maliban sa pagbabasa, nahumaling ako sa panonood ng mga pelikula. Bago pa itaas ang Copyright Law sa Brunei, naglipana noon ang mga pirata. Sa mga piratang ito nabuhay ang pagkahumaling sa panonood. Mula sa komedya, horror, drama, aksyon at kung anu-ano pa, ang mga pelikula ang pumuno ng aking pagkauhaw na pansamantalang takasan ang pagiging isang OFW. 

Maliban sa pagtangkilik ng mga pelikulang “Hollywood,” mas nanaig ang aking interes na panoorin ang mga pelikulang Pilipino. Na para bang noong nasa Pilipinas ako, iniisip ko, ay hindi ko masyadong kinahuhumalingan. Pero simula ng naging OFW ako, mas nagkaroon ako ng pagkauhaw na mapanood ang mga pelikulang Pinoy na kahit ang ilan ay napaka-komersyal. Sa totoo lang, sa tuwing manonood akong pelikulang Pinoy sa aking silid, para bang naibabalik ang aking sarili sa Pilipinas. Ang mga eksena sa kalsada, ang mga nakakatuwang dayalogo, ang mga cliché na plot, at ang mga paniniwalang Pinoy na makikita sa mga pelikula ay nagiging isang uri ng gamot upang mahimasmasan sa pagka-Pilipino. Marinig ko lang ang mga dayologo ay para bang napapalibutan na ako ng mga Pilipino at nagsasabing nasa Pilipinas na. Ngunit sa oras na matapos ang pelikula, nagbabalik ang reyalidad: ang espasyo ng dayuhang bansa.



Kinahiligan ko rin ang musika maliban sa mga pelikula. Dahil wala naman akong mabilis na Internet sa bahay ay hindi ako nakakapag-download ng mga awitin. Upang tugunan ang pagsunod sa mga usong himig, muli akong dumulog sa biyaya ng mga pirata. Sa pamamakyaw ko ng mga pirated CDs, napapasok ko ang mga International stars sa aking silid. Pero maliban riyan, dahil sa interes ko sa OPM, naging ritwal sa akin ang bumili ng mga CDs ng mga Pinoy Artists sa Pilipinas. Gaya ng mga libro, inilalagay ko ang mga CDs (orihinal) sa aking maleta at dinadala ng Brunei. At sa oras na isalang ko ang mga musika nina Jed Madela, Kyla, Martin Nievera, MYMP, Regine Velasquez, at marami pang iba ay para bang naibabalik ang aking diwa sa Pilipinas; na para bang pagbukas ko ng pinto ko ay nasa salas lang ng aming bahay ang aking kapatid, nasa kusina si Manang, kakahol ang aming aso sa garahe at nasa nag-ko-kompyuter si Papa sa isang sulok. Masasabi kong sounds home.

Sa may pinto ng aking silid ay nakadikit ang mga makukulay na post-its. Sa malilit na papel na ito ay nakasulat ang aking mga pangarap: mag-ipon, scholarship, magdiyeta, tumulong sa pamilya, kumuha ng lupa, at marami pang iba. Aaminin ko na naging epektibo ito upang ipaalaala sa akin ang aking mga dapat makamtam; na papalabas pa lang ako ng kuwarto ko sa umaga ay ipinapaalaala na sa akin ang aking laban. Nakakatuwang isipin na nakamit ko ang karamihan sa mga plinano.


Sa kabilang banda ay pansin din ang malaking Vanity Area sa aking silid. Di gaya sa kuwarto ko sa Pinas, isang salamin sa mesa lamang ang maaaring tanawan ng ayos. Pero dito sa Brunei ay napakalaki ng salamin. Sa salaming iyan ay nagsimula ang higit na pagmamahal sa sarili. Tinatanaw sa salamin ang pagtaba dahil sa ilang buwan na pagkahumaling sa Mee Goreng (isang uri ng instant noodle sa Pilipinas)  o sa mga murang pagkain sa Pasar Malam (Night Market); ang salamin din ang nagtatakda ng pagpayat na maaaring bunga nga ehersisyo, diyeta o sadyang malungkot lamang dahil malayo sa pamilya. Gayunpaman, naging balot ng ngiti ang salamin dahil na rin sa ilang buwan na kinapunuan ng raket, kasiyahan kasama ang kaibigan, tagumpay sa paligsahan, at higit na katuparan ng hiling mula sa Diyos.




Sa may gitna ng aking salid ay maroong mesa at upuan. Sa mesang ito madalas ay nagsusulat ako ng mga gawaing pang-akademiko. Higit pa sa study area, sa mesang ito ako ay kumakain ako ng aking hapunan. Dahil sa mga nagdaang taon ay halos mag-isa na lang ako sa staff house at umuuwi sa kani-kanilang bahay ang ilang kasamahan sa bahay at may iba rin namang lakad ang ibang kasamahang Pinoy, nakasanayan ko na ang pagkain ng hapunan sa mesa sa kuwarto habang nanunuod ng mga TV series (pirata ulit), mga pelikula (pirata) o di kaya naman ay panonood ng balita mula sa Pilipinas sa laptop. Matapos kumain, itatabi ko ang aking kinainan at makikipag-chat na ako sa aking tatay. Sa mga gawing ito, sa tuwing uuwi ako sa Pilipinas ay talagang sinisigurado ko na sama-sama sa hapag ang pamilya. Nakakapagod din kumain mag-isa na laging kaharap ang telebisyon.


Saksi ang silid ko sa iba’t ibang uwi ng emosyong bumalot sa aking pagkatao: lungkot, saya, pangungulila, inis, pagkabanas, pagkamaka-Diyos, at higit sa lahat ay ang pagkaburyong. Sa pagkaburyong ko ay nabuo ang aking sipag sa pag-bo-blog, ang interes na makapag-MA, sumubok ng magkamal ng sangkaterbang academic journals at mga aklat, pagsali sa Brunei Who’s Got Talent, magsumite ng mga papel sa conferences, aplikasyon sa PhD, at higit sa lahat ay ang pagsali sa choir sa loob at labas ng simbahan. Sa halip na lamunin ng patay na oras ay sinubok kong gawing isang laboratoryo ang aking silid upang itanghal ang mga naiisip na plano o mga istratehiya ng pag-unlad bilang isang tao. Para akong preso na naghukay ng pailalim hanggang sa matumbok ko ang daan palabas ng kulungan. Baon ang sipag at pamamaraan, samahan na rin ng dasal sa Maykapal, ay nasuong ko ang daan palabas sa preso na kumukulong sa aking pagkatao. 

Sapatos Galore!

Sapatos galore!

Porma, Taichi, Formal, Fitness!

Malalanding Tsinelas!

Ilang linggo na lang ang bibilangin at aalis na ako ng Brunei. Halos apat na taon rin akong nagtiyaga at nakibaka upang makaipon ng pera at lumikom ng mga karanasan. Maliba sa kinitang dolyar, hinding hindi ko makakalimutan ang mga karanasan na araw-araw kong binubuo sa pang-araw-araw kong pakikibaka bilang isang OFW, anak, kaibigan, empleyado at Pilipino. May mga gabi mang balot ng takot o lungkot, di rin naman nagpahuli ang buhos ng kaligayahan na napupulot sa simpleng pakikipagusap sa pamilya sa pamamagitan ng chatting o di kaya naman ay status update sa Facebook.

Sa susunod na araw ay ikakahon ko na ang aking mga gamit at ipapadala sa Pilipinas. Pili ang dadalhin ko. Ang iba ay ibebenta. Ang iba ay itatabi bilang alaala.Gayunpaman, babaunin ko ang mga di malilimutang karanasan na dinanas sa loob ng ilang taong paglagi sa Brunei.

Malaki ang aking silid dito sa Brunei. Di hamak na tatlong beses ang laki sa silid ko sa Pilipinas. Pero hindi ko maipagpapalit ang silid ko sa Pilipinas kahit maliit ito. Hindi naman kasi nasusukat sa espasyo ang pagdanas ng kasiyahan o ang kaluwagan sa lamig na hatid ng aircon, kundi ang kasiyahan ay ang paglagak ng puso’t isipan sa mismong lupang kinalakhan. Nasasabik na rin akong muling makita ang nababakbak na pintura ng kisame ng aking kuwarto, ang sangkaterbang libro, ang aparador na puno ng luma’t bagong dami, at ang maliit na bintanang madalas dinudungawan ng aming alagang aso at ang kahol ay nagsisilbing panggising sa umaga.

Ilang linggo pa ay lilipad na naman ako sa bagong lupain. May bago na naman akong silid na tutuluyan. Malaki man o maliit, ang importante ay pupunuin ko ito ng mga karanasan o alaalang aalpas sa espasyong pisikal. Sa usapin ng pag-unlad, kasiyahan o tagumpay, walang espasyong dapat kumahon sa pagkatao. Sulong!

2 comments:

  1. Binasa ko ang makulay na apat na taon ng iyong buhay sa Brunei. Nawa'y maging mas makulay pa ang iyong magiging pakikipagsapalaran sa Australia.

    ReplyDelete
  2. Kuri! Nako, Salamat! All the best din sa iyong bagong buhay if matuloy ka dito sa Abode of Peace. See you soon! =)

    ReplyDelete

ShareThis