Friday, October 12, 2012

SARANGGOLA BLOG AWARDS (FREESTYLE): "AKO SI BEN CABALQUINTO, LAKING KALYE BIGHANI"

Personal ang pagdanas ng isang lugar o destinasyon. Gaya ng pagtira sa isang lugar, mula pagkabata hanggang sa pagtanda. Ngunit sa aking entry na ito, nais kong itanghal ang tatlong kakaibang bisita na hindi lang sa aking kalye namamahay o nakikisalamuha kundi maging saang mang dako ng Pilipinas. Tara't pasukin at mabighani sa Kalye Bighani.






"Ako si Ben Cabalquinto, Laking Kalye Bighani!"
Ni Earvin Charles Cabalquinto


May sariling karakter ang aming kalye na hindi naiiba sa libo-libong kalye na matatagpuan sa iba’t ibang parte ng Pilipinas: Tabi-tabi ang mga bahay, magkakakilala ang mga kapitbahay, at di nawawalan ng umupukan ng magkakaibigan sa kalsada para magmeryenda o magkuwentuhan. Ngunit gaya ng iba pang lugar sa Pilipinas, ang aming kalye, ang Kalye Bighani ay nagbabago sa paglipas ng panahon.

Lumaki’t nagkaisip ako sa Kalye Bighani na matatagpuan sa Lagro, Quezon City. Pinalilibutan ng pribado’t pampublikong paaralan, ng simbahan at ng hile-hilerang business establishments, ang Kalye Bighani ang aking kinagisnang lunsaran ng kamusmusan at isama mo na, ang mga kalokohan. Sa kalyeng ito ako unang nadapa, sumemplang gamit ang bisikleta, umiyak sa pagkatalo sa laro, nanghuli ng salagubang tuwing tag-ulan, naitulak ng kalaro dahil sa asaran, gumuhit ng malaking “haring araw” upang pigilan ang ulan, nanghabol ng itik at pusa ng kalaro, at nanabik at nanungkit ng bunga ng aratilis sa kapitbahay. Suma tutal, ang Kalye Bighani ang aking palaruan ng kamusmusan.

Maliban sa laro at asaran sa kalsada, pistang bayan ang nagbubuklod sa aming magkakapitbahay dito sa Kalye Bighani. Tuwing Mayo ay ipinagdiriwang ang Feast of the Ascension of Our Lord at ito ay nangangahulugan lamang ng mga pagtitipon, huntahan at para sa aming noo’y mga musmos ay pagpapakitang gilas ng talento. Sa gabi ng pista, ang basketball court ay nagiging isang magarbong entablado na pinasisiklaban ng mga sayaw, awit at ng mga talumpati ng mga magkakapitbahay. Napupuno rin ang kalsada ng mga handaan mula sa mga pamilyang nagbabahagi ng espesyal na lutuin mula sa kani-kanilang mga kinalakhang probinsya.
Ako bilang performer!

Ang Kalybe Bighani ang naglunsad ng libo-libong ngiti at palakpak mula sa mga magkakapitbahay sa tuwing sasapit ang pista sapagkat di magkamayaw ang mga sayawan, awitan at iba’t iba pang pagtatanghal. Mula sa pagiging lunsaran ng pagkakabuklod-buklod, naging daan din ang kalye upang maipamalas ng bawat isa ang natatagong mga talento. Isa ako sa maituturing na anak ng Kalye Bighani na ang talento’y nadiskubre at nahulma.

Sinlago ng mga puno at halamanan ay sumibol ang mga kuwetuhan ng magkakapitbahay sa Kalye Bighani. Ang mga tagumpay ng anak, promotion sa trabaho, ang mga kotseng nabili, ang mga nais pasuking negosyo at marami pang personal na balakin ay ang ilang lamang sa mga kuwentong nagiging sentro ng diskusyon sa lansangan. Para mga bata naman, ang takutan tuwing matapos ang panonood ng Magandang Gabi Bayan Halloween Special, ang pagsasalo sa tira-tira o merengue, ang payabangan sa bagong sapatos o gamit pangeskuwela, at ang pagkukumpara ng regalong natanggap kay Santa Claus ang ilan lamang sa mga paksang nagpapakawala ng higit na saya at minsan ay awayan sa mga bata.

Ngunit gaya ng lumalaking sanggol, ang Kalye Bighani ay sumasailalim sa pagbabagong hatid ng internal o eksternal na mga puwersa. Natural na magkaroon ng bako ang mga kalsada dahil sa paggalaw ng lupa, mamatay ang mga halaman o umunti ang mga ibon. Ang kagulat-gulat, may mga bisita ang Kalye Bighani na sadyang makapangyarihan kung mag-iwan ng marka sa mga magkakapitbahay na noon pa ma’y bahagi na ng makulay at madalas ay masalimuot na paglalakbay.

Tatlo ang pangunahing bisita ng Kalye Bighani na kailanman ay hindi ko makakalimutan. Higit pa sila sa mga backpackers o mga turista na nakikihalubilo sa mga lokal na naninirahan. Mabibilis. Tatahi-tahimik. At sila ang uri na hindi kumakatok at kusa na lamang nanunuluyan sa sariling tahanan. Sa simula’y bisita ngunit sa kalauna’y nagiging bahagi ng pamilya, ng paglalakbay ng lokal na karanasan.

Ang Teknolohiya- ito ang kauna-unahang turista na bumago sa mukha ng aming Kalye. Mula sa pagsibol ng mga telebisyon at radyo, ang higit na pagsulputan ng mga mobile phones, kompyuters, laptops, tablets, at mga laruang PSP ay nagpakilala ng bagong uri ng komunikasyon sa aming magkakapitbahay.

Kung ang mga laro noon ay nasusukat sa pagkamalikhain gamit ang mga bato, tuyong halaman o ang pagdidikdik ng gumamela upang gumawa ng bula, ang teknolohiya ang nagpakilala ng komportable’t mabilisang pagtugon sa paglalaro. Dahil dito, ilan sa mga bata ay nakukulong sa isang sulok at sumusuong sa mundo ng PSP, na halos hindi na makausap o mapakain ng tama.

Sa pagpasok ng mga larong hatid ng teknolohiya, naging ghost town ang tanawin sa mga hapong sana ay puno ng halakhakan ng mga bida sa kapitbahayan, ang mga bata.

At hindi lamang mga bata ang nabighani ng teknolohiya. Maging ang mga magulang at mga young adults ay pumapasok at naglalakbay sa birtwal na mundo upang lumikha ng identidad at sumabay sa panibagong uri ng komunikasyon – yaong interaktibo at global. Mula sa maliit na kalye ay nabibigyan ang mga tao na makakilala ng iba’t ibang tao sa pamamagitan ng chatting at social networking.

Hindi nagtagal ay naging bahagi ng pamilya ang teknolohiya. Ang mga mobile phones ay naging kapatid o magulang na kasa-kasama sa hirap o saya. Ang mga laptops ay naging guro na hatid ay impormasyon at mobilidad. Ang mga tablets ay naging kaibigan na nagbibigay payo o aliw.

Kalakip ng oportunidad na hatid ng teknolohiya ay dumating ang pangalawang bisita sa Kalye Bighani. Ito ay ang Pangingibang Bansa. Hindi ako iba sa naging tawag ng pag-a-abroad, ang bisitang higit na bumago sa pagkakabuklod at istruktura ng pamilya sa aming kalye.

Binighani ng Pangingibang bansa ang kapitbahayan sa aming kalye. Ang aking mga kalaro noon na ngayon ay mga magulang na ay halos hindi ko na makita sa aming kalye. Sa Dubai, sa Italya, sa Bahrain, at sa kung saan pang panig ng mundo sila ay napadpad upang kumita ng ipambubuhay sa pasimulang pamilya.

Sa kabila ng pagkakalayo, nagsilbing tulay ang teknolohiya upang mapanatili ang koneksiyon. Ang mga bata ay nakikipagusap sa kanilang mga magulang gamit ang mobile phones  at kompyuter. At kahit ang mga matatanda, gaya ng aking tatay, ay inalam ang paggamit ng chatting o Facebook para mapanatili ang komunikasyon sa akin habang ako ay nagtatrabaho sa Brunei.

Kung iisipin, naging mapagkakatiwalaang kaibigan ang Pangingibang Bansa upang buhayin ang pamilyang umaasa sa magandang bukas. Ito na ang naging takbuhan ng kapitbahayan upang itaguyod ang matuwid na daan.

Ang pinakahuling bisita sa Kalye Bighani ay ang pinaka-kinatatakutan. Hindi ito nagsasabi. Hindi ito kumakatok. Kusa na lamang itong nanunuluyan sa isang tahanan. Ito ay ang kamatayan.

Kapalit ng pagsilang ng mga sanggol sa aming kalye ay naroroon din ang pagpanaw ng ilang dating kakuwentuhan, kalaro at kaibigan. Isang natural na proseso ngunit mabigat dalhin sa lakbayin ng buhay.

Mula sa masiglang pista, ang mga dating masayahing mukha ay naglaho. Namatay ang kapitbahay na parang si Santa Claus kung mamigay ng premyo tuwing may programa sa pistahan. Hindi nagtagal ay sumunod na rin ang kilalang may-ari ng talyer sa kalye. Nawala na rin ang isa sa mga mababait at batang dentista. Isang kaibigan rin ang binawian ng buhay. At sa sunod-sunod na pagpanaw, maging ang aking ina ay sumakabilang buhay na rin. Sa pagkawala ng mga haligi ng kapitbahayan, unti-unti naupos ang liwanag ng Kalye Bighani na noo’y kay sigla at puno ng pagkakakilanlan.

Sa tatlong bisitang naglakabay sa aming Kalye, ang kamatayan ang masasabing bastos at sakim. Bagamat pinaluluha ng pangingibang bansa ang mga naiiwan sa Pilipinas, ang kamatayan ay dumudurog ng puso na tumatakbo sa walang hanggan. Sinumang nawalan ng mahal sa buhay ay hindi makakapagsabing, “gaya ng nakaraan ay kapareho ng kasalukuyan” dahil ang kasalukuyan ay pinilasan at mayroon ng kakulangan. Ngunit sa kabila ng pait na hatid ng kamatayan, ito ang nagpapatag sa samahan ng mag-anak. Walang uri ng teknolohiya ang maaaring pumuno sa lungkot o inaasam na pagmamaghal. Ang pangingibang bansa naman ay nagpapakilala ng saya o lunas sa kahirapan na itinatangal sa kalawakan ng walang katiyakan dahil sa kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan.

Nitong nakaraang linggo ay dumating na ako sa Pilipinas. Sa mahigit apat na taon at kalahating buwan ng pagtira sa labas ng bansa, malayo sa Kalye Bighani na aking kinagisnan, naramdaman ko ang pagiging dayuhan sa kalyeng aking kinalakhan. Unti-unti ay muli kong kinilala ang mga pamilyar na mukha na nasasalubong sa daan; nagbalik-tanaw sa kalsadang naging lunsaran ng kamusmusan; sinariwa ang dating kinatatayuan ng basketball court, kung saan ginagaganap ang mga programa tuwing pista; at andoon, sa isang sulok, sa kanto, nanatiling nakatayo ang pangalan ng aming kalye, “Bighani Street.” Na sa kabila ng pagbabago sa istruktura ng kapitbahayan, ng mga lumalaking bahay, ng mga umuusbong na pamilya, o ng mga tindahang nagbubukas, nanatiling kabigha-bighani ang aking Kalye Bighani dahil sumasalamin ito sa isang bansang patuloy na naglalakbay, dumaranas at sumasabay sa pagbabago tungo sa inaasam na pag-asenso. Mananatiling bukas ito sa sinumang manlalakbay.

Ang entry na ito ay kalahok sa 2012 Saranggola Blog Awards. Bisitahin ang link sa http://www.saranggolablogawards.com/





No comments:

Post a Comment

ShareThis