Friday, October 12, 2012

SARANGGOLA BLOG AWARDS (KUWENTONG PAMBATA): "KALABIT, KUPIT, NAMIMILIPIT!"

Mapaglakbay ang mga bata. Nais nilang tuklasin ang saya kahit sa sarili nilang bahay, sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Pero sa aking kuwentong pambata na "Kalabit, Kupit, Namimilipit!" ay nais kong itanghal ag kakaibang paglalakbay sa buhay ng isang bata at isang matanda na tumatayong magulang kapalit ng mga tunay na magulang na nasa abroad. Tuklasin ang ugnayan sa pagitan ni Raprap at ng kanyang Lola-Nanay.




"KALABIT, KUPIT, NAMIMILIPIT!"
Earvin Charles Cabalquinto


Isang umaga, isang napakalaking balikbayan box ang dumating sa bahay nina Raprap.

Agad na sinalubong ni Lola Sepia, ang lola at tagapag-alaga ni Raprap, ang napakalaking kahon.

“Buksan mo na yan, Lola-Nanay! Buksan mo na!” sambit ng sobrang tuwa na si Raprap.

Ngumiti lamang ang uugod-ugod na matanda habang tinatanggal ang madikit na packaging tape.

Sa oras na mabuksan ng matanda ang kahon, napasigaw si Raprap: “Woooooow!" Ngumiti lang ang matanda.

Naging masigla si Raprap at naglakbay ang mga daliri nito sa laruang kotse. Pinagdadampot din ni Raprap ang mga T-shirt, shorts at ang bagong sapatos.

Ngunit bago pa man makuha ng mga daliri ni Raprap ang Tsokoleta, inawat ni Lola Sepia ang bata.

“Lola-Nanay! Buksan na natin yang tsokolate! Gusto ko yan eh.”

Umiling lamang ang matanda. Itinuro ang tiyan ng bata na para bang nagsasabing, “Hindi ka pa kumakain.”

“Lola-Nanay, buksan na natin ang tsokolate! Buksan na natin!” pangungulit ni Raprap.

Hindi umimik ang matanda at naglakad ito palayo ng kahon, bitbit ang mga tsokolate na inilagay sa loob ng ref.

Kablag! Padyak na malakas ni Raprap. Ibinato rin ng bata ang bagong kotse-kotsehan at humampas sa sahig.

 Hindi umimik ang matanda. Dinampot lamang ang laruan at iniabot sa noo’y nakasimangot ng si Raprap.

“Ayoko niyan. Gusto ko yung tsokolate. Gusto ko yung tsokolateeeeee!” padabog na sagot ng bata.

Hindi umimik ang matanda. Inayos ng matanda ang mga damit sa balikbayan box at tumungo na ng kuwarto.

Naiwang nagmamaktol si Raprap.

***
Kinahapunan, habang nagtatahi ng damit si Lola Sepia at nakikinig ng dramang pangradyo, bumangon si Raprap mula sa kama nito at pumunta sa kusina.

Nang makita ng bata ang lola nito sa salas na malapit na kusina, marahan itong naglakad.

Matapos ang ilang hakbang, agad na naglakbay ang mga kamay ni Raprap sa ref. Agad nitong kinalabit at nakupit ang mga tsokolate.

Halos hindi maipinta ang mukha ng bata ng makuha ang tsokolate.

Dahan-dahan itong bumalik sa kuwarto na bitbit ang sangkaterbang tsokolate.

Doon sa kanyang silid ay nagpista si Raprap sa dami ng tsokolateng ipinadala ng kanyang mga magulang na nagtatrabaho sa Saudi.

Tila hindi mapakali ang mga kamay ni Raprap sa pagdampot ng mga tsokolate. “Uhm, saraaaaaap!” sambit ng bata.

Matapos ang ilang oras ay naubos ni Raprap ang mga tsokolate.

Tok, tok, tok, ang ingay na bumulabog sa bata.

“Naku, si Lola-Nanay!” bulong ni Raprap sa sarili. Agad niyang itinago ang mga balat ng tsokolate sa ilalim ng kanyang unan.

Tok, tok, tok, ang sumunod na tunog.

Binuksan ni Raprap ang pinto.

Nakatingin lang ang matanda sa bata. Itinuro nito ang tiyan ng bata.

“Naglalaro ako Lola-Nanay. Doon ka na,” sambit ng bata.

Hindi umimik ang matanda. Tiningnan lang ito.

“Lola-Nanay, sabi ko, naglalaro ako. Umalis ka na,” bulas ni Raprap.

Hindi pa rin umimik ang matanda.

Naasar si Raprap. Agad-agad na kumapit ang mga daliri nito sa pinto at ibinagsak ang pinto.

Kablag. Umalis palayo ang matanda sa pinto.

***
Kinagabihan ay hinahainan na ng matanda ng pagkain si Raprap. Pritong isda at gulay kasama ng bagong saing na kanin.

Nakasimangot si Raprap at nagwika: “Isda at gulay na naman? Sana iba na lang!?” tanong ng bata.

Hindi umimik ang matanda. Patuloy ito sa paghain.

“Ayoko niyan. Ayoko ng ulam,” nagmamaktol na itinaboy ni Raprap ang pagkain sa harap niya.

Umupo ang matanda sa harap ng bata. Tiningnan lamang ito ng matanda.

“Gusto ko ng Chichirya! Gusto ko ng Chichirya!” pagmamalaki ni Raprap.

Umiling lang ang matanda. Inilapit nito ang mainit na sabaw sa harap ng bata.

Kumawala ang mga daliri ni Raprap at tinabing ang tasa ng sabaw. Nabasag ang tasa sa sahig.

Nagulat ang matanda. Pero gaya ng dati ay hindi ito nagsalita.

Tumayo lamang ito at kinuha ang tasa at pinunasan ang natapong sabaw.

“Gusto ko ng Chichirya. Ayoko niyan!” sabay tumakbo palayo si Raprap sa kusina.

Ngunit bago pa maabot ni Raprap ang labas ng bahay, nakita niya ang garapon sa may altar. Natatandaan niya na dito inilalagay ng kanyang lola-nanay ang ilang pera.

Agad-agad na sumuong ang mga daliri ni Raprap sa garapon ng barya. Kinalabit ni Raprap ang takip ng garapon at kinupit ang sangkaterbang tig-li-limang piso. At matapos malimas ang malalaking barya ay agad na tumakbo paalis ng bahay ang bata.

Makaraan ang ilang minuto ay tuwang tuwa na pinagpipistahan ni Raprap ang mga chichiryang nabili sa tindahan.

***
Kinaumagahan ay walang ingay ang narinig sa bahay nina Raprap. Hindi narinig ang kalampag ng mga kaldero o kaserola sa kusina. Walang ingay ng pagwawalis sa bakuran. Wala rin ang ingay mula sa radyo. Pero ang ingay sa sikmura ni Raprap ay walang katulad. Galit na galit.

“Lola-Nanay!!!! Araaaaaaaaaaaay!” sigaw ng namimilipit sa sakit na bata.

Agad namang sumulpot ang matanda sa pintuan ng bata. May pagtatanong sa mukha nito.

“Lola-Nanay, ang sakit ng tiyan koooo!” daing ni Raprap.

Napatingin lamang ang matanda at inalalayan ang bata papasok sa kubeta.

Matapos ang ilang minutos sa kubeta ay inihiga ng matanda si Raprap sa kama.  At bago pa man mahiga ang ulo sa unan, nag-ingay ang balat ng tsokolateng kinain nung isang araw.

Napatingin ang matanda kay Raprap. Hindi nakapagsalita si Raprap.

Dinampot ng matanda ang mga balat at umalis ng silid.

Sa paglakad ng matanda, patagong sumunod si Raprap.

Nakita ni Raprap na naghahanap ng pera ang kanyang Lola-nanay sa garapon sa altar.

Agad na tumungo si Raprap sa cabinet ng kanyang kuwarto.

Kumawala ang mga daliri nito sa kanyang mga gamit. Naghahanap ng barya o ano mang pera na ipapalit sa kinuha noong isang gabi.

Ngunit bago pa man makahanap ng barya si Raprap ay nabulabog ito ng isang tinig.

“Raprap. Pumunta sa akin ang Lola mo. May LBM ka raw. Eh wala daw siyang pera pambili ng gamot kaya umutang muna. Ito, kainin mo muna ang tinapay at saka inumin mo ang gamot.”

Napatulala si Raprap.

Marahan, inabot ng bata ang gamot, unimo at nahiga.

***
Ang amoy ng sinigang ang gumising sa mahimbing na pagkakatulog ni Raprap noong araw na iyon.

Pero sa halip na tumungo sa kusina, kumuha ng papel at mga makukulay na lapis si Raprap at naupo sa sahig ng kanyang silid.

Nagsimulang sumayaw ang kanyang mga daliri sa puting papel.

***
Tok, tok, tok, ang bumulaga kay Raprap.

Pagtingin ni Raprap ay nakatayo na ang matanda sa pintuan. Nakatingin lang ito.

Ngumiti ang matanda. Nakiramdam na tila okay na ang pakiramdam ng apo.

Sa pagngiti ng matanda, iniabot ni Raprap ang kanyang munting surpresa.

Ibinigay nito ang kapirasong papel na nagsasabing, “Sorry Lola-Nanay.” May drowing din ito ng isang matanda na hawak ng isang bata.

Hindi umimik ang matanda. Ngumiti lamang ito.

Mahigipit na yakap ang isinukli ng bata.

Wakas.

Ang kuwentong pambatang ito ay kalahok sa 2012 Saranggola Blog Awards. Bisitahin ang link sa http://www.saranggolablogawards.com/.




No comments:

Post a Comment

ShareThis