Friday, October 12, 2012

SARANGGOLA BLOG AWARDS (MAIKLING KUWENTO): "CANVASS"

Ang mga kamay ay parang mga indibidwal na naglalakbay sa kung ano man ang mahawakan o madapuan nito. Ang katawan naman ng tao ay parang mapa o isang destinasyon, puno ng misteryo at ang mga kurba ay representasyon ng gilas o ganda. Ngunit sa mundo ng mapang-abusong paglalakbay ng mga kamay, nagiging isang mapait na lunsaran ng karanasan ang pisikal na katawan ng isang indibidwal. Ito ang nais ilantad ng aking maikling kuwento na aking pinamagatang, "Canvass."



"CANVASS"
Earvin Charles Cabalquinto


Lunes

“Dito sa paupahan ko. Maliban sa ayaw na ayaw ko na delayed kung magbayad, ayoko ng gulo. Nagkakaintindihan ba tayo?” tanong ng pawisang babae na nakasuot ng makapal na salamin at pawisan ang daster, si Aling Dolor.

Tumango si Karen at sabay abot ng downpayment. Nangiti ang babae at sabay kumaripas ng alis sapagkat aasikasuhin pa raw nito ang panindang mga damit sa kabilang bayan.

Sa paglipas ng ilang segundo, binitbit ni Karen ang kanyang kulay pulang maleta papasok sa apartment. Ngunit bago pa man tuluyang mapasok ni Karen ang unit, isang lalake ang nagmamadaling lumabas ng katabing unit, sa kanyang kanan. Ni hindi tiningnan si Karen ng lalakeng nakasuot ng rugged na pantalon at puting V-neck shirt. Mukhang nagmamadali nga ito. At sa pagbagsak ng pinto ng kabilang unit na pinagmulan ng lalak, isang babae ang sumilip. Nginitian ito ni Karen. Ngunit nagsarado lamang ng pinto ang babae.

Hindi na pinansin ni Karen ang mga nakita sa kabilang unit. Sinimulan na niya ang pagaayos ng kanyang gamit. Bitbit ang ilang aklat sa sikolohiya at mass media, inisip ni Karen na mapagtatagumpayan niya ang kanyang bagong buhay bilang isang PhD Student. Pinalad din siyang makatanggap ng scholarship mula sa paaralang kanyang papasukan. Kapalit naman ng scholarship, siya ay naatasang magturo at magsaliksik sa Unibersidad.

Nagdaan ang ilang oras ng pagaayos ng gamit ni Karen. Hindi niya namalayan at nag-gabi na. At dahil pagod na rin siya sa pag-aayos ng damit, hindi na niya nakayanan pang lumabas ng unit. Naupo siya sa isang tabi at kinain na lamang ang tinapay na baon at ang naisilid na bote ng tubig mula sa biyahe.

Sa pagpikit ni Karen, may kakaibang tunog ang kumawala sa ding-ding ng katabing unit. Natahimik siya. Napabulong sa sarili: “Ano kaya yon?”

Martes

Maagang gumising si Karen para hindi mahuli sa kanyang klase sa Unibersidad. Sabik din siya at makadalo ng seminar sa documentary film making.

Suot ang puting blouse at itim na palda na tinernuhan ng make-up, agad na lumabas si Karen ng kanyang unit. Ngunit bago pa man niya isarado ang pinto, nakita niya ang kanyang katabing unit na may basag ang bintana. Halos mabali ang kanyang leeg sa pagsilip sa basag nang biglang sumulpot ang babae. Nakasilip ito sa basag na bintana na nasa loob ng unit.

“Magandang umaga,” ang tanging nasabi ni Karen sa babae.

Hindi umimik ang babae sa may bintana.

Sa mabilisang pagtingin ni Karen, napansin niyang balot na balot ang babae. May tela rin ito sa ulo na inakala ni Karen na Muslim ang babae.

“Uhm, ako nga pala si Karen. Nakatira ako sa katabi niyong unit,” pakilala ng dilag.

Nakatitig lamang ang babae at sabay na tinakpan ang basag sa bintana ng kurtina.

Pagtalikod ni Karen ay tumambad ang lalake na nung isang araw ay lumabas sa unit. Halos susuray-suray pa ito na may bitbit na bote ng alak.

Hindi alam ni Karen ang kanyang gagawin. At bago pa man siya magsalita, bumukas na ang pinto at pumasok ang lalake.

Sinundan ng tingin ng lalake si Karen. Agad namang naglakad palayo si Karen upang habulin ang noo’y kumakaripas na jeepney.

At bago pa man makasakay si Karen ng jeepney, isang ale ang lumapit sa kanya at nagwika, “Buti nakakatulog ka sa unit mo.”

“Ano pong sabi niyo?” tanong ni Karen.

Hindi na sumagot ang Ale at agad itong umalis nang makita si Aling Dolor, ang may-ari ng paupahan ng unit na tinutuluyan ni Karen.

Miyerkules

Pasado alas diyes na pero buhay na buhay pa rin ang diwa ni Karen.

Binuksan ni Karen ang kanyang halos limang-taon ng laptop. Dahil wala namang wi-fi sa kanyang unit at hindi pa nakakabit ang telepono na balak niyang ipakabit, pinagtiyagaan niya ang ilang naitabing digital files.

Sa pagtakbo ng mga daliri ni Karen sa kanyang laptop, binuksan niya ang ilang files ukol sa pananaliksik na ginagawa niya. Higit na pumukaw sa kanyang pagbabasa ang artikulo na nagbibigay boses sa mga babae na api.

Ngunit bago pa man matapos ni Karen ang kanyang binabasang artikulo, may narinig na naman siyang ingay sa kabilang unit. Sa pagkakataong ito. May mga salitang kumakawala. Hindi maintindihan ni Karen ang mga salita. Possibleng ingay mula sa telebisyon. Possibleng drama sa radyo. Possibleng nagsisigawan o may alitan ang nakatira sa kabilang unit.

Nanlamig si Karen. At matapos ang ilang segundo, natigil ang ingay at isang malakas na “kablag” ang kanyang narinig.

Huwebes

Habang naghihintay ng jeepney sa sakayan ay natanaw ni Karen ang babae sa kanyang katabing unit. Mabilis itong naglalakad. Mestisahin man ito at payat, halos balot na balot naman ang katawan nito.

Sa pagsabay ng tingin ni Karen sa babae, dalawang matandang babae naman ang nagkuwentuhan sa kanyang likuran.

“Alam mo, kung ako sa kanya, hindi ako magdadalawang isip na iwan yang lalake,” birada ng babaeng nasa edad kuwarenta na.

Sumagot naman ang katabing babae, “ Nakakaawang bata.”
  
Sa pagtatapos ng usapan ng dalawang usisero, lumingon si Karen sa mga ale ngunit laking gulat niya at nasa likuran na ang babaeng kaninang pinaguusapan. Nasa sakayan na rin ng jeepney ang babae.

Balak sanang ngitian ni Karen ang babae ngunit tila halos tulala ito.

“Fairview! Fairview!” sigaw ng barker.

Agad na sumakay si Karen, ang mga ale at ang babae.

Sa loob ng jeepney, pinagmasdan ni Karen ang babae. Nakasuot ito ng mahabang palda na tumatakip hanggang sa paanan ng babae. Naka-long-sleeves din ito sa kabila ng init ng panahon. At nakasuot din ito ng tela na tumatakip sa uluhan. Halos hindi rin ito kumikibo. Bitbit lamang nito ang maliit na lalagyan ng barya.

Biglang napatingin ang babae kay Karen. Hindi alam ni Karen kung kakausapin niya ito o ngingit lamang siya.

“Ikaw yung sa kabilang unit noh?” tanong ng babae. Nagtinginan ang mga ale sa loob ng bahay.

“Ah, oo. Ako si Karen, naalala mo?” sagot ni Karen sa kabila ng paglaban sa lakas ng hangin ng jeepney.

“Ako nga pala si Marge.”

“Nice meeting you, Marge,” nangiting sagot ni Karen.

Ngunit bago pa man magtuloy ang kuwentuhan ng dalawa ay umabot na ng Philcoa ang jeepney. Kinailangan ng bumaba ni Karen.

Pagsigaw ni Karen ng “Para po!” ay nagwika si Marge, “Pasencia ka na sa ingay sa mga nagdaang gabi. Nagpipinta kasi ang asawa ko.”

Ang busina ng kasunod na sasakyan ang pumutol sa mabilisang usapan nina Marge at Karen.

Biyernes

Ganadong-ganado ang talakayan sa loob ng klase ni Karen sa paggawa ng dokumentaryo ukol sa kababaihan at ang sining.

“Sa paglalakabay ng imahinasyon ng isang tao ay nabubuhay ang obra maestra," buong yabang na sambit ng babaeng estudyante.

“Tama. Gamit ang mga kamay at iba pang medium gaya ng traditional technologies, mass media, at kung anu-anu pa. Pero ang importante dyan ay may konsepto o mensahe ang likha,” dagdag ni Karen.

Bago pa man sumagot ang propesor sa diskusyon ng klase ay tapos na ang oras. Kasabay ng mga estudyante ay lumabas na rin ng silid si Karen. At sa oras na marating niya ang kanyang library, agad niyang binasa ang kanyang proyekto. Nais kasi niyang gumawa ng dokumentaryo ukol sa kababaihan. Pero ang problema niya ay kung ano ang pokus. Isa pa, sino ang kanyang kakapanayamin. 

***
Madalas ay lumalabas si Karen kasama ng mga kaibigan tuwing Biyernes. Ngunit nais niyang tapusin ang script para sa documentary class at nang masimulan na ang pag-shoot, nag-overtime si Karen sa University.

Pasado alas-diyes na rin ng maabot ni Karen ang kanyang unit sa may bandang Cubao. Sa kabila ng kakitiran ng mga daan papunta sa kanyang unit, di rin niya naramdaman ang pangamba dahil buhay na buhay ang paligid. Nang kumulo ang tiyan ni Karen nang maramdaman niyang gutom na siya. Kaya naisipan niyang bumili ng pansit sa kanto.

“Manong, isang pansit nga,” sambit ni Karen sabay abot ng bayad sa tindero.

Bago pa man makuha ni Karen ang kanyang binili ay tumambad sa kanya ang asawa ni Marge. Dahil sa liwanag na nagmumula sa tindahan, nakita ni Karen na tila may lakad ang lalake. Tiningnan lamang siya nito at hindi nagsalita. Pagkakuha ng yosi ay agad na umalis.

Ngunit bago pa man makalayo ang lalake, patago itong sinundan ni Karen habang bitbit ang plastic ng pansit.

Mabilis. Kumakaripas. Hinihingal. May kaba sa puso ni Karen. Di dapat pero bakit niya sinusundan ang lalake.

At doon sa may eskinita ay nakita ni Karen ang asawa ni Marge. May niyakap at hinalikang babae. Tiyak siya. Hindi yon si Marge. Ibang babae.

At biglaan, sa paglingon ni Karen sa kanyang likuran, andon at nakatayo si Aling Dolor. Laking gulat ni Karen.

“Wag ka ng makialam pa kung ayaw mong masama sa gulo.” sambit ni Aling Dolor.

Lumayong palayo si Karen habang bitbit ang noo’y malamig ng pansit.
 
***
Sa unang pagkakataon ay walang narinig si Karen mula sa unit nina Marge. Bagamat napakatahimik ng kapaligiran, gumulo ang isipan ni Karen na hatid ng ingay ng kanyang nabisto. At gaya nga ng sabi ni Aling Dolor, “Wag ka ng makialam pa kung ayaw mong masama sa gulo.” Yan ang paulit-ulit na naglakbay sa isipan ng dilag hanggang sa siya’y dalawin ng antok.

Sabado

Maagang bumangon si Karen para maglinis ng kanyang unit. Habang nagwawalis-walis ito sa harap ng kanyang unit ay bumukas ang pinto ng katabing unit. Lumabas ang lalake. Sa paglabas nito ay kasama rin ang pagkawala ng amoy ng yosi at alak.

Hindi naisarado ang pinto. Agad na lumakad ang lalake palayo.

Nagpanggap na hindi nakita ni Karen ang lalake. At nang makita niya itong malayo na, agad siyang similip sa pinto ng unit at bumulong, “Marge! Marge! Andyan ka ba?”

Walang sumagot. At dahil gusto ring malaman ni Karen kung ayos lang at makausap na rin si Marge sa loob, pumasok siya ng unit.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at agad na isinarado.

Sa paglakad ni Karen sa loob ng bahay ay halos masuka siya sa amoy. Tila kumapit na ang amoy ng yosi at alak sa buong bahay. Magulo rin ang ayos ng buong bahay. Ang mga kinainan ay hindi hugas at iniipis na. Ang mga balat ng chichirya ay nagkalat. Ang basyo ng yosi ay nasa sahig at gayundin ang ilang bote. Nagkalat din ang basyo ng pintura.

Patuloy sa paglakad si Karen at sabay nagsabing, “Marge! Andito ka ba?”

Wala pa ring sumagot.

Biglang tumunog ang luck ng main door. “Patay! Bumalik ang lalake,” nangangatog na sabi ni Karen sa sarili.

Agad-agad, nagtago si Karen sa may gilid ng ref. Halos pigil ang kanyang paghinga at hindi siya gumagalaw.

Naglakad ang lalake sa loob ng unit. Nagpalakad-lakad na para bang may hinahanap. Bumubukas ang mga cabinet. At maya maya’s binuksan ng lalake ang ref at kumuha ng bote ng beer. Buti at hindi nakita si Karen.

Paglipas ng ilang minutos ay natahimik ang ingay ng bahay.

Muling nakahinga si Karen. Pero bago ito tuluyang makahinga ay isang malamig na kamay ang humawak sa kanya.

***
“Anong ginagawa mo rito?” tanong ni Marge.

“Gaaaaaawd!” sigaw si Karen. "Shhhh," sabi ni Marge.

Nang kumalma, sumagot si Karen kay Marge.

“May gusto kasi akong itanong sa iyo,” nangungusap na tanong ni Karen.

“Tanong? Yung ingay ba? Naku, pasencia ka na ha,” nangingiting sagot ni Marge.

“Uhm maliban don,” bago pa man matapos ni Karen ang sasabihin ay may sumigaw sa pinto. Bumalik ang lalake.

“Bubuksan ko ang pinto. Sasamahan si Francis sa taas. Umalis ka na, “ bilin ni Marge.

Ilang minuto ang nakalipas at natagpuan ni Karen ang kanyang sarili sa loob ng kanyang unit. Gulong gulo ang kanyang isipan.

***

Nang gabing iyon, halos magising si Karen sa kalabog at ingay sa kabilang unit.  Lumakas din ang sigawan na dumadagundong sa unit ni Karen.

Dahil sa takot, isinuot na lamang ni Karen ang kanyang earphones at nakinig sa musika. Nilakasan din niya ang volume para di na muling marinig ang ingay.

Noon ay halos alas-dos na ng umaga. Pero ang ingay ay parang pasimula pa lang gaya sa perya.

Hindi nagtagal at nakatulog na rin si Karen.

Linggo

Nakasanayan na ni Karen na magsimba tuwing Linggo. Suot ang bestidang nabili niya sa sale, naglakad ng mabilis si Karen upang di mahuli sa misa.

Pagdating sa simbahan ay agad na sinalubong si Karen ng tingin ng mga parokyano. Muli niyang nakita ang dalawang ale na nagkukuwentuhan sa kanyang likuran noong minsan siyang nagaabang ng jeepney.

Hindi nagtagal at nakahanap din siya ng puwesto sa simbahan. Naupo siya roon. Inayos ang buhok at inilabas ang pamaypay. Ngunit laking gulat ni Karen. Katabi niya ang babaeng niyakap at hinalikan ng asawa ni Marge. At nang magtagpo ang kanilang tingin, ngumiti lamang ang babae. Mestisahin ito at parang ang edad ay hindi tataas sa beinte-uno.

At sa bahagi ng “Peace be with you,” nakipagpalitan rin ng ngiti si Karen sa babae. Ganoon din naman ang babae na nakipagkamay pa.

Ngunit laking gulat ni Karen at nakita niya sa kanyang bandang likuran si Marge. Napatingin ito sa kanya. Di kinakitaan ng anu mang uri ng emosyon ang mukha. At gaya ng dati, balot ito ng long sleeves at mahabang palda.

Maya maya pa’y natapos ang misa. Agad na umalis ang babaeng katabi ni Karen. Hindi na rin naabutan ni Karen si Marge. Mukhang nagmamadali ito.

At sa pagkakataong ito, dumiretso na lamang si Karen ng tindahan upang bumili ng bulaklak para sa kanyang altar sa unit.Bumili rin siya ng kakanin para kainin.

Bago pa man marating ni Karen ang kanyang unit ay nakita na niya na nagkalat ang mga sasakyan ng pulis at ang mga usisero sa kanyang lugar. 

Agad na sumuong si Karen sa dumog ng tao ngunti di siya pinayagang makalapit pa sa kanyang unit. Nakita lamang niya si Aling Dolor. Gulat na gulat ang ale.

Sa pagdako ng tingin ni Karen sa katabing unit ay nakita niya na isang duguang katawan ang inilabas.

Nabitiwan ni Karen ang mga bulaklak na noon sana’y ilalagay niya sa kanyang altar.

At sa kanyang likuran ay narinig na lamang niya ang mga katagang, “Nasaan yung asawang babae?”

Lunes

Sa loob ng isang silid sa kulungan ay nakaupo sina Karen at Marge.

Nagpaalam si Karen kay Marge kung puede i-record ang kanilang interview.  Tumango lang si Marge. Pinindot ni Karen ang record button.

“Marge, ano ba ang tunay na nangyari?” tanong ni Karen.

Hindi agad na nagsalita si Marge. Dinama niya ang kanyang kamay na halos namamawis.

Sa pagdako ng mga mata ni Karen sa katawan ni Marge, kitang kita ang mga pasa at sugat. Ang ibang sugat ay halos malalim. Ang iba ay halos nangitim na. Mayroon ding tahi sa ulo si Marge.

“Mahal ko naman si Francis. Oo. Si Francis,” nangiti si Marge.

“Uhm, na-depress kasi yon. Pintor yon alam mo ba. Pero simula ng hindi na bumebenta yung mga gawa niya, ayon, nag-iba na siya. Pero mahal ko pa rin siya. Hanggang sa alam mo yon.”

Ituturo ni Marge ang mga pasa sa kanyang katawan, “Itong mga ito. Gawa niya yan. Di ba para akong canvass.Pinipintahan ng mga kamao niya. Minsan pinapaso niya ako ng yosi. Hinahampas ng plato. Binabato ng kung ano ang mahawakan niya. Kung hindi nga ako nakailag sa kutsilyo noon eh malamang wala na rin ako. Pero alam mo yon. Mahal ko kasi siya eh.”

“Pero bakit…” tanong ni Karen. Bago pa man magtuloy si Karen ng salita ay nagsabi na si Marge.

“Putang ina niya. Dahil sa putang inang pagmamahal ko sa kanya, tiniis ko ang lahat. Gabi-gabi. Araw-araw. Pumapayag akong saktan niya. Pero kinaya ko yon. Tiniis ko.  Hanggang sa ayan, may babae. May babae. Kilala mo ba yung babae?”

Kumabog ang puso ni Karen at nagwika lamang ito, “Hindi. Hindi ko…”

Tumawa si Marge. Tumawa ito ng pagkalakas lakas.

“Alam ko na noon pa. Wala ka pa. Eh mahal ko kasi si Francis eh. Hindi ko kakayanin na mapunta siya sa iba.” sabay bumagsak ang luha ni Marge.

Wakas.

Ang maikling kuwentong ito ay kalahok sa 2012 Saranggola Blog Awards. Bisitahin ang link: http://www.saranggolablogawards.com/




No comments:

Post a Comment

ShareThis