Thursday, November 13, 2014

NOW SHOWING

Ito ang aking entry sa kategoryang liham ng 2014 Saranggola Blog Awards. Nais kong ipakita sa liham na ito ang "chopseuy" na emosyon ng isang OFW ukol sa paghahangad ng magandang buhay. Ang magandang buhay ay naisasaktuparan sa ibang bansa ngunit balot rin ng bangungot at pait. Sa kasamaaang palad, ang pighati at pagdurusa ay siya ring itinatanghal ng media. Kaya naman, basahin mo at isipin kung ano ang meron sa "Now Showing!"





"Now Showing"
Isang liham ng OFW
Sa panulat ni Earvin Charles B. Cabalquinto

Mga Kabayayan!

Lalabas na daw ang pelikula ng buhay ko. Sabi ni direk nung isang araw eh ito na raw ang kikilalaning best movie of the year. Sobrang excited na nga ako rito. Sa unang pagkakataon ay maipapakita sa inyo ang aking buhay. At hindi lang ito sa telebisyon. Ito ay pampelikula pa. At sabi ay ipapalabas sa loob at labas ng bansa. Kaya wag niyong kalilimutang panoorin.

Pero bago pa lumabas ang pelikula ay bibigyan ko na kayo ng ideya. Yung isasapelikula ay ang buhay ko dito sa ibang bansa. Halos limang taon na akong malayo sa aking pamilya. May dalawa akong anak sa Pilipinas. Pareho silang nasa elementarya. Masisipag mag-aral. May award pa nga yung isa sa eskuwela. Kaya pag humingi yung mga yan eh binibigyan ko talaga. Yung asawa ko naman eh karpintero. Masipag din sa trabaho kahit minsan eh nasasabak sa inom. Pero okay lang at tapat naman siya. Okay naman sana ako sa Pilipinas. Teacher nga pala ako. Pero siempre sa hirap ng buhay sa atin ay nakipagsapalaran na ako sa ibang bansa. Sa kaysa naman mamatay kami sa gutom eh okay na rin yung kumita ng unti sa ibang bansa.

Lahat ay makikita niyo sa pelikula sabi ni direk, kung paano ako sumubok sa ibang bansa. At sabi nga ni direk eh ipapakita daw kung papaano ako... kung papaano ako... kung papaano ako binubugbog ng amo ko. Isinama pa ni direk kung papaano ako ginahasa. Sabi ni direk eh kailangan daw maipakita yon sa pelikula. Mas maganda daw na talagang halos matanggal ang ulo ko sa eksena. Kailangan daw duguan at halos mamaga ang katawan ko. Kailangan ay maipakita kung paano ako halos muntikan nang mamatay. At para mas maipakita ang pambubugbog sa akin, kailangan daw na batikang artista ang aarte. Kailangan ay makatotohanan ang pag-arte. Alam niyo ba kung sino ang naisip ko? Gusto ko nga sana si Kris Aquino. Magaling kasi yon. Ang dami niyang endorsements. Ay sinabi ko rin pala na sana si Ate Vi or si Nora Aunor. Kaya lang, sabi ni direk, may kakilala daw siya na baguhan pero magaling. Hindi ko matandaan ang pangalan pero sabi niya ay magaling. So siya ang gaganap sa akin sa pelikula.

Si Piolo sana ang gusto kong leading man. Siya sana ang gaganap bilang asawa ko sa pelikula. Pero sabi ni direk eh may kakilala na din daw siya. Baguhan daw pero magaling umarte. Sabi ko ay ayos na rin at kasama pa rin sa pelikula yung asawa ko. Tapos ang mga anak ko naman ay gagampanan ng mga child star. Magagaling din daw ang gaganap sabi ni direk. Basta ang laging bilin sa akin ni direk ay magtiwala ako sa kanya. Hindi naman daw siya gagawa ng pipitsuging pelikula. Sabi niya ay marami na rin siyang napanalunang award sa Pilipinas. Hindi ko na inusisa. Basta sabi niya ay maganda ang kalalabasan ng pelikula ko.

Sa pelikula ay may iba pang gaganap. May gaganap na amo ko. At may gaganap na mga pulis. At sabi ni direk, kailangan maipakita ang kasamaan ng amo ko. Ipapakita sa pelikula ang panggagahasa at halos pagtulak sa akin sa ika-sampung palapag. Ipapakita rin kung paano ko napatay ang amo ko. Ayaw ko na sanang balikan yon pero kasi sabi ni direk ay yon ang highlight ng pelikula. Pumayag na ako. Hindi ko naman  sinadyang mapatay ang amo ko. Halos ako pa nga mapatay. Sabi ni direk ay magkakaroon ako ng hustisya gamit ang pelikula.

Tapos sabi ni direk ay sa halip na bubugbugin lang ang karakter ko sa pelikula, kailangan ay maipakita rin ang pambababae ng asawa ko. Nung una nagalit ako. Sabi ko hindi naman nambabae ang asawa ko. Pero sabi ni direk ay para daw sa pelikula lang. Hahanapin daw ito ng manunuod. Para daw kagatin ng mga manonood yung pelikula ko. At sa ganoong paraan ay higit na sisikat yung pelikula ko. Tapos tungkol doon sa gaganap ay may kakilala na si direk. Sabi niya ay siya na ang bahala. Akalain niyo yon ang ganda nung gaganap na kabit ng asawa ko. Dagdag din ni direk na kailangan ay maipakita na binubugbog ang mga anak ko at dapat ang isa ay hinalay pa. Nagulat ako. Sabi ko ay hindi naman totoo yon. Sabi ni direk ay wag mangamba at pelikula lang ang lahat.

Pumayag na ako sa gusto ni direk. Sabi ni direk ay mapapansin ng pamahalaan ang kalagayan ko. Hindi lang daw maisasapelikula ang buhay ko kundi mapaguusapan din sa social media. Tapos makukuha daw ang atensyon ng mga NGOs. Sa totoo lang ay sabik na akong makapiling ang pamilya ko. Gusto ko ng mayakap ang mga anak ko. Gusto kong makausap ang asawa ko. Pero mukhang malapit na itong mangyari. Sabi ni direk ay kikita daw ng malaki ang pelikula ng buhay ko. Paguusapan daw ito sa Pilipinas. Maiinterview daw ang pamilya ko. Makikilala daw ako. Magiging bayani daw ako. At higit pa rito ay... mabibigyan ako ni direk ng pampiyansa.

Sabi ni direk ay ipapalabas na sa makalawa ang aking pelikula. Siguradong pipilahan daw ito. Kasi balita ko ay magaling daw ang mga artistang gaganap. Sabi nga ay siguradong hahakot ng papuri ang pelikula. Paulit ulit, basta ang sabi lang ni direk ay malapit ng ipalabas ang pelikula.

Matanggal ko ng hindi nakakausap si direk. Matagal ko na ring hindi nakakausap ang pamilya ko. Halos limang buwan na rin. Matagal na akong naghihintay dito. Ang dilim at masikip dito sa selda. Hindi ko alam kung kailangan ako lalabas. Wala namang ibang dumadalaw sa akin dito maliban kay direk. Basta ang inaasahan ko ay ang mga pangako ni direk. Sabi niya kasi ay pag naipalabas na ang pelikula ay mapapansin ako ng pamahalaan at mabibigyan ako ng piyansa. Gusto ko ng lumaya. Wala naman akong kasalanan. pero hanggang ngayon ay wala pa rin.

Kabayan, napanuod mo ba yung pelikula ng buhay ko? Maganda ba?

Siya nga pala. Kung makita niyo si direk ay pakisabing may hatol na ang aking kaso. Baka gusto niyang isama na bibitayin na ako. Siguro maganda yon para sa pelikula?

Ano sa tingin mo? O basta wag mong kalimutan na panoorin ang pelikula ng buhay ko.


Miss ko na ang pamilya ko. Hindi ko alam kung kelan ko sila makikita. Sana kahit sa pelikula ay makita ko sila. Kahit dito sa loob ng selda.


Nagmamahal,
OFW

Ito ang aking entry sa kategoryang liham ng 2014 Saranggola Blog Awards

No comments:

Post a Comment

ShareThis